NEWS | 2022/05/16 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (May 16, 2022) – NANAWAGAN ngayon si Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa lahat ng sektor na magkaisa at magtulungan sa paglaban sa sakit na dengue.
Ito ay sa harap ng tumataas na kaso ng dengue sa lungsod kung saan mula January 1 – May 13, 2022 ay nakapagtala na ng abot sa 206 cases kumapara sa naitala noong 2021 na abot sa 18 lamang.
Katumbas naman ito ng 1,066% na pagtaas ng kaso ng dengue, kung saan dalawa na ang namatay.
Lahat ng ito ay nakapaloob sa report ng City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU na inilabas bago lamang.
Limang mga barangay sa lungsod ang nakapagtala ng mataas na dengue cases at ito ay kinabibilangan ng Poblacion (54), Sudapin (26), Balindog (17), Amas (15), Lanao (15) habang ang iba pa ay nakapagtala na rin ng mula 1 hanggang dalawang kaso.
Sa ginawang Health Cluster Meeting ngayong araw na ito ng Lunes, May 16, 2022, nanawagan si Mayor Evangelista sa bawat sektor at lahat ng mamamayan na magtulungan at magkaisa sa pagsugpo sa dengue.
Ito ay sa pamamagitan ng paglilinis ng kapaligiran o ng bawat tahanan upang maiwasan ang pagkalat pa ng naturang sakit.
“Kailangan nating sugpuin ang dengue dahil mapanganib ito sa buhay ng tao at posibleng ikamatay pa kapag hindi naagapan”, sinabi ni Mayor Evangelista.
Sinabi naman ni City Health Officer Dr. Joyce Encienzo na walang pinipili ang sakit na dengue. Katunayan, base sa pinakahuling CESU Dengue Bulletin ay mula 0-90 years old ang mga tinamaan ng dengue at karamihan ay nasa age bracket na 0-10 years old (median)sa lungsod.
Mas nakararami naman ang mga lalaking pasyente kumpara sa mga babae, ayon pa sa nabanggit na report.
Kaugnay nito ay ipinag-utos ni Mayor Evangelista sa City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO na ituloy ang ginagawang fogging lalo na sa mga highly affected areas.
Matatandaang nagsagawa ng fogging ang CDRRMO sa mga Barangay ng Poblacion, Balindog, Sudapin, Patadon kung saan may naitalang kaso ng sakit na dengue. Nakapaloob rito ang fogging sa abot sa 75 high schools at elementary schools.
Samantala, napagkasunduan din sa health cluster meeting na maliban sa free o libreng test para sa dengue patients ay may ilalaan ding financial assistance package and City Government of Kidapawan para sa mga maa-admit sa pagamutan, ayon muli kay Mayor Evangelista.
Nanawagan din ang alkalde sa mga nakakaranas ng sintomas ng dengue tulad ng lagnat, pananakit ng katawan, at skin rashes na agad na magpatingin sa doctor.
Maliban rito, palalakasin din ng City Health Office ang Information, Education and Communication campaign sa mga barangay upang maiparating ng mahusay sa mga mamamayan ang tamang impormasyon patungkol sa dengue kabilang dito ang lalo na sa wastong pag-iingat, pag-iwas at sama-samang pagkilos laban sa dengue.
Nagsasagawa naman ngayon malawakang clean up drive sa mga purok sa pangunguna ng kanilang mga barangay officials. Halimbawa nito ay ang Barangay Manongol na nagsagawa ng clean up kahapon, May 15, 2022 sa pangunguna ng mga barangay officials kasama ang mga Sangguniang Kabataan, Barangay Health Workers, at maging mga BPAT. (CIO-jscj/if)