NEWS | 2021/04/23 | LKRO
KIDAPAWAN CITY- SA kabila ng mga agam-agam patungkol sa pagbabakuna kontra Covid19, hindi pinalagpas ng maraming senior citizens na magpabakuna kontra Covid-19.
Hindi dapat makinig sa mga maling impormasyon sa pagbabakuna ng mga matatanda, nagkakaisang sinabi ng mga senior citizens na naturukan ng unang dose ng Sinovac ngayong araw ng Huwebes, April 22, 2021.
” Hindi dapat katakutan ang bakuna lalo pa at ito lang ang magbibigay sa atin ng proteksyon sa sakit.”, pahayag pa ni Rosalinda Villagonzalo, edad 82 na isa sa mga nabakunahan sa roll out vaccination na isinagawa ng City Government sa Kidapawan Doctors College, Inc., KDCI.
Si Villagonzalo ay isa lamang sa abot sa 160 na unang batch ng mga seniors na naturukan ng Sinovac kung saan ay nagmula sa Barangay Poblacion at Sudapin – mga lugar na pinangyarihan ng maraming kaso ng covid sa lungsod.
Tama ang ginagawang kampanya ng City Government of Kidapawan na ipagbigay alam ang totoong impormasyon patungkol sa vaccine upang mahikayat na magpabakuna ang mga senior citizens lalo na yaong may iniindang karamdaman gaya ng hypertension, diabetes at iba pang co-morbidities.
“Mas malaki ang benepisyong dulot ng bakuna para hindi tayo magkasakit lalo na tayong matatanda ay madali ng mahawaan ng sakit”, sinabi pa ni Mang Rodolfo, edad 74 na isang dating pulis kung saan sila ng kanyang maybahay ang kapwa naturukan ng bakuna.
Wala namang naiulat na masamang epekto sa mga senior citizens maliban na lang sa kirot sa parte ng katawan na nabakunahan.##(cio)