NEWS | 2024/02/02 | LKRO
KIDAPAWAN CITY ( February 1, 2024) – Simula sa February 5, ay maglalagay ng Social Welfare Desk Officer ang CSWDO sa bawat barangay ng lungsod.
Layun ng programa na mas mailapit pa ang mga serbisyo ng City Social Welfare and Development Office sa mga mamamayan lalo na yaong mga nakatira sa malalayong komunidad.
Tutulong ang mga nakatalagang Social Welfare Desk Officers para sa mas madali at mabilis na serbisyo dahil mayroon silang mesa sa bawat barangay hall kung saan doon na lang idudulog ng publiko imbes na sa mismong tanggapan ng CSWDO pupunta na may kalayuan din sa kanilang lugar.
Mas magiging magaan na para sa mga constituents ng City Government ang pagkuha ng serbisyo mula sa CSWDO tulad na lamang ng aplikasyon at pagpo-proseso ng mga identification cards para sa Persons with Disabilities o PWD, senior citizens, single parents, indigents at iba pa.
May saktong kaalaman na rin sa batas ang mga itatalagang Social Welfare Desk Officers na tatanggap at makikinig sa mga hinaing ng ilang mamamayan saka magbibigay ng payo sa kung papaano mabibigyang solusyon (sa pamamagitan ng tulong ng pamahalaan) ang kanilang mga suliranin.