NEWS | 2023/01/25 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Enero 20, 2023) – MALIWANAG na ngayon at ligtas ng daanan ang dating mga madidilim na purok sa iba’t-ibang barangay sa Lungsod ng Kidapawan.
Ito ay makaraang mailagay ng City Government of Kidapawan ang abot sa 1,200 solar lights sa apatnapung barangay nitong nakaraang 2022 at nakumpleto nitong Enero 2023 sa pamamagitan ng Task Force “Kahayag” na pinangangasiwaan ng Office of the City Engineer.
Bawat barangay ay napalagyan ng 15 solar lights sa mga piling purok lalo na sa mga madidilim na bahagi kung saan posibleng maganap ang mga aksidente o krimen dahil sa dilim o kawalan ng ilaw maliban na lamang sa Barangay Poblacion kung saan maliban sa mga madidilim na bahagi ay naglagay din ng solar lights sa paligid ng overland terminal at iba pang mga government facilities.
Matatandaan na ipinag-utos ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang installation ng malaking bahagi ng 1,200 solar lights sa loob ng unang isang daang araw o first 100 days ng kanyang panunungkulan at tiniyak na makukumpleto ang installation bago magtapos ang 2022.
Malaking ang kaibahan na dulot ng mga bagong lagay na solar lights para sa mga residente. Lubos naman ang kasiyahan ng mga barangay officials dahil pangarap nila na maging maliwanag ang kanilang gabi at maging mapayapa ang kanilang lugar.
Ilan pa sa mga pakinabang ng solar lights sa purok ay napapanatili ang kaligtasan ng mga residente na umuuwi ng gabi, matipid dahil di gumagamit ng kuryente at tuluy-tuloy ang liwanag kahit pa may brownout.
Ang naturang 1,200 units ng solar lights na itinayo kasama ang poste at iba pang accessories nito ay may kabuoang halaga na P 4M at mula naman ito sa P23M unexpended o hindi nagamit na pondo ng 20% Economic Development Fund o EDF ng City Government of Kidapawan mula 2020-2022.
Isa naman ang solar lights installation sa priority projects ni Mayor Evangelista kasabay ng road concreting at street lighting, at iba pang programa upang magtuluy-tuloy ang kaunlaran at pagbabago sa lungsod.