NEWS | 2021/08/18 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – ISINAILALIM sa swab testing ang mga hog farms sa limang mga barangay ng lungsod na lubhang naapektuhan ng African Swine Fever o ASF.
Mga kagawad mula sa Regional, Provincial at City Veterinary Offices ang nagsanib-pwersa at tinungo ang mga lugar na nakapagtala ng kaso ng sakit na ASF sa mga alagang baboy sa mga barangay ng Linangkob, Paco, Sikitan, Gayola at Mua-an buong araw ng August 17, 2021.
120 ang bilang ng mga swab samples ang kinuha ng mga otoridad sa naturang mga barangay na tinamaan ng ASF.
Kumuha ng swab samples ang binuong team sa mismong kulungan ng mga baboy at water source ng hog farms.
Kasabay naman nito ang ginawang interview ng mga otoridad sa mga nagmamay-ari ng hog farms.
Ipapadala ang mga nakuhang samples sa Regional Disease Diagnostic Laboratory ng Department of Agriculture XII sa General Santos City.
Aabutin ng isang linggo bago malalaman ang resulta ng swabbing na ginawa ng mga otoridad.
Dapat ding magpatupad ng Bio Security ang mga hog raisers para makapag-alaga muli ng baboy.
Maliban sa negative ASF results, kinakailangang may septic tank, net, foot bath at tamang supply ng tubig ang bawat hog farm para maiwasan ang mga sakit ng alagang babot tulad na lamang ng ASF.
Kapag nakumpirmang wala ng ASF virus sa mga lugar na tinamaan nito ay posible ng payagan ang pag-aalaga muli ng mga baboy.
Matatandaang isinailalim sa de-population ang daan -daang mga baboy sa naturang mga barangay para maiwasan pa ang pagkalat ng nakakahawa at nakamamatay na ASF noong nakalipas na taong 2020.
Nagdulot ito ng malaking pagkalugi sa kabuhayan ng mga nag-aalaga ng baboy sa lugar.
Nagbigay naman ng tulong pinansyal ang Provincial at City Veterinary Office sa mga apektadong hog raisers bahagi ng indemnity program ng National Government para maibsan ang pagakalugi sa kabuhayan dulot ng ASF.##(CIO)