NEWS | 2018/11/19 | LKRO
PRESS RELEASE
November 15, 2018
Tribal leaders at barangay IPMR’s buo ang suporta kay Mayor Evangelista
KIDAPAWAN CITY – NANIWALA AT SUPORTADO NG MGA Tribal Leaders ang paliwanag ni City Mayor Joseph Evangelista sa usapin ng recall ng sasakyan at opisina ni Indigenous Peoples Mandatory Representative Radin Igwas.
Naiintindihan ng mga tribal leaders at IP Mandatory Representatives ng mga barangay na dumalo sa dayalogong kanilang ipinatawag ang dahilan ng alkalde kung bakit naglabas siya ng isang memorandum patungkol sa naturang recall.
Sa makailang pagkakataon ay ipina-unawa ni Mayor Evangelista na ang naturang recall ay upang ayusin ang sasakyan at opisina ni Igwas.
Aayusin ang Isuzu Pick Up na sasakyan upang gamitin sa pagmo-monitor ng mga IP related programs at projects sa barangay samantalang aayusin ang opisina na magsisilbing bagong Tribal Hall and Training Center.
Katunayan ay si Igwas pa mismo ang sumulat kay Mayor Evangelista na humihingi ng pondo upang isaayos ang kanyang opisina.
Sa isyu ng sasakyan, luma na at kinakailangan ng ayusin ito ng magamit din mismo ni Igwas at IP Deputy Mayor Datu Camilo Icdang upang tingnan at kumustahin ang mga proyekto ng IP’s sa mga barangay.
May nakalaan na ring isang milyong pisong budget para sa itatayong Tribal Hall and Training Center na sisimulan ng ipatutupad sa susunod na linggo, wika pa ni Mayor Evangelista.
Kapag naitayo at natapos na ang nabanggit na pasilidad ay pwede ng mag-opisina dito si Igwas kasama ang IP Deputy Mayor, paniniyak pa ng alkalde.
Sa kabila ng kontrobersya na nilikha ng nabanggit na isyu,sinabi ni Mayor Evangelista sa mga IP’s na hindi niya pine-personal si Igwas at wala rin siyang sama ng loob dito dahil pareho lang naman silang nagmamalasakit sa mga tribo.
Mahigit sa isandaang tribal leaders at IPMR’s ang dumalo sa dayalogong ginanap sa Kidapawan City Convention Hall November 15, 2018.
Inimbitahan ng mga tribal leaders si Igwas na dumalo ngunit sa hindi malamang kadahilanan ay hindi siya sumipot sa mga pag-uusap.(LKOasay)