Pamamaril sa TMU personnel kinondena ng City Government
KIDAPAWAN CITY –KINONDENA NI CITY MAYOR JOSEPH EVANGELISTA ang pamamaril sa isang kagawad ng Traffic Management Unit kahapon ng umaga.
Binaril ng riding in tandem suspect si Jeffrey Atud, edad 31, TMU personnel at nakatira sa Villamarzo Street ng Poblacion Kidapawan City.
Nangyari ang krimen habang nakasilong si Atud sa isang Small Town Lottery Outlet malapit sa roundball ng barangay Lanao.
Nilapitan siya ng mga suspect at binaril ng malapitan sa ulo.
Nasa kanyang trabaho si Atud sa pagmamando ng trapiko sa lugar, pagbubunyag pa ni Mayor Evangelista.
Ipinag utos na rin niya ang malalimang imbestigasyon patungkol sa pamamaslang.
Ipinaseguro na rin ng alkalde na mabibigyan ng tulong ang mga kaanak na naiwan ni Atud.
Ginagawa ng mga otoridad ang lahat para maresolba ang krimen, paniniyak pa ni Mayor Evangelista.
Bahagi ng Public Safety Program ang Crime Prevention, wika pa ni Mayor Evangelista.
Katunayan ay bumaba ang bilang ng krimen sa lungsod kumpara sa mga nagdaang taon ayon na rin sa datos ng City PNP.
Aminado ang alkalde na mahirap para sa mga otoridad na tumbukin ang nasa likod ng mga pamamaril dahil pawang mga personal na motibo ang sangkot dito.
Hinggil sa usapin ng paggamit niya ng intelligence fund, transparent ang paggamit nito dahil ginastos ito ayon na rin sa panuntunan ng Commission on Audit, paliwanag pa ni Mayor Evangelista.(cio)
Mayor Evangelista sinuportahan ang mga College at Senior High Student Leaders ng lungsod
KIDAPAWAN CITY – IBINAHAGI NI City Mayor Joseph Evangelista ang kanyang sistema ng maayos na pamamalakad sa lungsod sa mga College at Senior High School students ng Kidapawan City.
Espesyal na bisita ng Kidapawan City Colleges Federation ang alkalde sa kanilang Youth Leadership Summit kamakailan lang.
Ipinaalala ni Mayor Evangelista sa mga student leaders na laging isaalang –alang ang kapakanan ng nakararami sa bawat desisyong kanilang gagawin lalo na sa pagpapatakbo ng kani-kanilang student councils sa mga eskwelahan.
Ganito din kasi ang ginagawa ng alkalde kung nagdedesisyon siya sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng Lokal na Pamahalaan.
Realidad na sa bawat lider, ayon pa kay Mayor Evangelista, na hindi sa lahat ng panahon ay katanggap-tanggap ang desisyon ng pinuno sa kanyang mga nasasakupan.
Suportado naman ng alkalde ang mga ipapatupad ng programa ng KCCF.
Una na niyang inabot ng P30,000 na seed money para magagamit ng KCCF sa kanilang mga programa.
Narito ang mga student officers ng KCCF ngayong 2019: President: Kathleen Kaye Andan-USM KCC Vice Pres: Arnel Talion-CDK Sec: Jamaica Mata-CDK Treas: Cristel Babes Jungco-CMC Auditor: Jovan Candia PIO: Dominique James Maurin Reane Pia Poblador Board of Directors: Kareen Cagasan -CDK Kristel Jovel Tasis- CMC Prince Charl Cañonigo- CMC-SHS Nezie Umali-NVCFI SHS Darwin Neri-KTSSHS Louie Iway- RDACC Micho Albert Alpas- USM Aisah Mimbala-NVCFI Joven Lantin-NDKC Representatives: Mira Joy Pindoy – CMC Von Ryan Omapas – CMC SHS Ana Vanissa Bendol – NVCFI Rhenny May Borromeo – NDKC Charmelou Villamor- NVCFI KCCF Moderator Tryphaena Collado.##(CIO/LKOasay)
Kinita ng JAE 3 Cocks Derby gagamiting pondo sa programa ng FKITA at Liga ng Barangay
KIDAPAWAN CITY – HALOS TATLONG DAANG LIBONG PISO NA KINITA NG Mayor JAE 3 Cock Derby ang ibinigay ni City Mayor Joseph Evangelista sa Liga ng mga Barangay at Federation of Kidapawan Integrated Tricycle Association o FKITA.
P182,000 ang ibinigay ng alkalde sa Liga ng Barangay samantalang P98,000 naman para sa FKITA.
Layun ng pagbibigay ng kinita ng JAE 3cock Derby na tulungang magkaroon ng makahulugang proyekto kapwa ang FKITA at Liga ng Barangay.
Personal na iniabot ng alkalde ang tseke kay FKITA President Jabby Omandac noong February 27 at kay Liga City Federation President Morgan Melodias.
Pinaplano ng FKITA na gamitin ang pera para pambili ng school supplies na kanilang ibibigay sa mga mahihirap na grade school pupils samantalang libreng medical outreach program naman ang nais gawin ng Liga ng mga Barangay.
Isa sa mga tampok na aktibidad sa nakaraang 21st Charter Day ng Lungsod noong February 12, 2019 ang JAE 3Cock Derby kung saan ay sinaksihan ng daan-daang mga parokyano.##(CIO/LKOasay)