Month: August 2019

You are here: Home

[tfg_social_share]


thumb image

43 nagtapos sa ilalim ng e-Learning Program

KIDAPAWAN CITY – MABIBIGYAN NA NG PAGKAKATAONG makapag-hanapbuhay ang may apatnapu at tatlong mga nagsipagtapos sa e-Learning program ng City Government at partner agencies nito.
Nakumpleto ng mga beneficiaries ang kanilang kurso matapos ang anim na buwan na skills training sa ilalim ng programa. 
Ginawa ang simpleng Completion Ceremony para sa mga nagsipagtapos noong August 5, 2019 sa City Convention Center.
Pinangunahan ni City Legal Officer Atty. Jose Paolo Evangelista at mga opisyal ng Department of Education – Alternative Learning System, Technical Education and Skills Development Authority at With Love Jan Foundation ang seremonya kung saan ay inabot nila ang Completion Certificates ng lahat ng mga nagsipagtapos.
Mga indibidwal na walang pormal na edukasyon, mga out of school youths at mga nagnanais makakuha ng technological skills ang mga benepisyaryo ng e-learning System.
Tuwing weekends ang kanilang klase sa e-learning system building na itinayo ng City Government sa may City Plaza.
Mga skills training katulad ng: Beauty Care, Consumer Electronics, Electrical Installation and Maintenance; Food and Beverage Servicing, Computer System Servicing, Massage Therapy at Solar Light Assembly ang mga kursong ibinigay sa ilalim ng e-learning System.
Pagkatapos ng completion ceremonies ay sasailalim sa skills assessment ng TESDA ang mga nagsipagtapos.
Kapag naipasa nila ito, bibigyan na sila ng National Certificate –NC2 ng TESDA bilang patunay na may angking kakayahan sa kanilang natapos na kurso.
Sa pamamagitan nito ay pwede na silang makapaghanapbuhay dito o di kaya ay sa ibang bansa.##(cio/lkoasay)
Photo caption -ATTY Evangelista inabot ang Certificates of Completion ng 43 graduates ng e-Learning Program: Personal na iniabot ni City Legal Officer Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang diploma ng mga nagsipagtapos ng e-Learning Program ng City Government at partner agencies nito August 5, 2019. (cio photo)

thumb image

City Gov’t nagpaabot ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Poblacion

KIDAPAWAN CITY – PILIT NG NAKAKABANGON ANG 27 pamilyang
nasunugan sa Mariano Cuenco street ng Poblacion sa tulong ng City Government. 
August 6, 2019 ng umaga ng nagpa-abot ng tulong ang Lokal na Pamahalaan sa mga nasunugan.
Pinangunahan ni City Legal Officer Atty.Jose Paolo Evangelista ang pamimigay ng tulong sa mga apektadong pamilya isang araw matapos maganap ang sunog sa nabanggit na lugar.
Mga food packs na kinabibilangan ng bigas at de latang pagkain, hygiene kits, kumot, at banig ang iilan lamang sa tulong na ipinaabot ng City Government sa mga apektadong pamilya.
Kasama ni Atty. Evangelista na nagpaabot ng tulong sina CDRRMO Psalmer Bernalte, CSWDO Lorna Morales at mga representante ng With Love Jan Foundation Incorporated.
Personal din nilang sinuri ang lugar na pinangyarihan ng sunog at kinumusta ang kalagayan ng mga apektadong residente.
Pinag-aaralan na rin ng City Government na magbigay ng dagdag na tulong upang mabigyan ng gamot ang mga apektadong pamilya lalo na ang mga nakatatanda at mga bata.
Kaugnay nito, ay humihiling din ng tulong ang Balik Pangarap program para naman sa kanilang mga miyembro na apektado din ng sunog sa nasabing lugar.
May iilang mga dating drug users na miyembro ng programa na nabiktima ng sunog na nangangailangan din ng tulong, ayon pa sa pamunuan ng Balik Pangarap program.
Sa mga nagnanais tumulong, maaring makipagkita lamang sa kanilang coordinator na si Joel Aguirre sa Balik Pangarap Building sa ikalawang Palapag ng DTI GO Negosyo Center sa JP Laurel Street sa tapat ng Kidapawan City Pilot Elementary School Main Gate. ##(cio/lkoasay)

Photo caption – Mga biktima ng sunog nabigyan ng tulong: Pinangunahan ni City Legal Officer Atty. Jose Paolo Evangelista ang pamimigay ng tulong sa 27 pamilyang nasunugan sa Mariano Cuenco Street ng Poblacion umaga ng August 6, 2019. Ilan lamang sa tulong na naibigay ay kinabibilangan ng food packs, hygiene kits, banig at kumot.(photo is from City Call 911)

thumb image

Anti Dengue City ordinance pinaplanong ipasa ng City Government

KIDAPAWAN CITY – PINAPLANO NGAYON NG City Government na magpasa ng isang Anti Dengue Ordinance.
Ibininunyag ni Legal Officer Atty Paolo Evangelista ang nabanggit na plano sa kanyang mensahe sa isinagawang Anti Dengue Forum ng City Government nitong July 31, 2019.
Layun ng pagpapasa ng ordinansa na masawata ang o di kaya ay makontrol ang pagdami ng mga nagkakasakit ng dengue fever at obligahin ang mga komunidad at mamamayan na gawing pangmatagalan ang kampanya kontra dengue.
Magiging ‘realistic, doable at enforcable’ ang pinaplanong Anti-Dengue Ordinance, wika pa ni Atty Evangelista dahil nakasalalay dito ang kaligtasan ng mamamayan.
Nasa 483 na ang kaso ng dengue sa lungsod base na rin sa January 1 – July 26, 2019 na datos ng Cotabato Provincial Ethymology and Surveillance Unit na nakatutok sa dami ng bilang ng mga nagkaka dengue sa buong lalawigan.
Isa naman ang nai-ulat na namatay sa lungsod dahil sa sakit na nagmula sa kagat ng lamok na nagdadala ng dengue virus.
Pinakamarami pa rin ang bilang ng nagkakasakit sa Barangay Poblacion na may 97.
Ang pagdami ay bahagi na rin ng three year Epidemic Cycle ng Dengue, ayon pa sa mga duktor ng City at Provincial Health Offices.
Pinaaalahanan naman ng mga health authorities ang publiko na nagbabago na rin ang pamumuhay ng mga lamok na nagdadala ng dengue virus.
Kung noon ay nakukuha ang dengue virus sa lamok na infected nito, sa kasalukuyan ay pwede ng ipasa ng inang lamok sa kanyang mga itlog ang virus kung kaya ay carrier na rin ng virus ang mga kiti-kiti.
Patuloy naman ang paala-ala ng mga otoridad na dapat ay itapon ang mga tubig na naimbak sa mga natural o artipisyal na lalagyan.
Ugaliin din ang pagpo-protekta sa sarili laban sa kagat ng lamok sa pamamagitan ng pagsusuot ng damit na may mahahabang manggas o pantalon, paglalagay ng mosquito repellants sa katawan, o di kaya ay pagpapakabit ng screen sa mga bintana o pinto ng bahay.
Dapat din na agad magpakonsulta kung nilalagnat na ang pasyente isa o dalawang araw na siyang pangunahing simtomas ng dengue para maiwasan ang komplikasyon ng dengue.
Gagawin lamang ng mga otoridad ang fogging kapag may outbreak na ng dengue.
Dumalo sa nabanggit na Anti-Dengue Forum ang mga Kapitan at mga kagawad na namumuno sa Committee on health ng mga barangay.##(cio/lkoasay)

thumb image

Drug Rehabilitation Center bubuksan sa Kidapawan City

BUBUKSAN na ang itinayong, Non residential Drug Rehabilitation Center sa Barangay Sudapin, sa darating na Agosto 14, kasabay ng pagdiriwang ng lungsod ng Timpupo Festival.

Magiging guest of honor sa nasabing okasyon si Secretary Catalino S. Cuy, Chairman nang Dangerous Drugs Board, na naging daan upang maipatayo ang nasabing gusali.

Naipatayo ang gusali sa pamamagitan ng pondong nagkakahalaga ng P5 million na ipinagkaloob ng DDB sa Kidapawan City LGU bilang suporta sa Balik Pangarap Program.

Karagdagang P5 million pa ang idinagdag ng ahensiya para naman sa pag pagpapabakod at paglalagay ng mga lighting facilities sa gusali maging sa paligid nito.

Matatandaang pinuri ng DDB ang pagiging aktibo at buong suporta ng Kidapawan LGU para sa programa nitong Balik Pangarap, kung saan daan-daang mga Person’s Who Used Drugs (PWUD’s) ang sumailalim sa rehabilitasyon.

Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Joseph A. Evangelista, naitatag ang programa kung saan maraming mga dating gumagamit ng iligal na droga ang nagsilabasan makaraang ipinag utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operation Tokhang.

Malaki ang paniniwala ni Mayor Evangelista na sa pamamagitan ng programa, mabigyan ng pagkakataon ang mga PWUD’s na magbago at makabalik sa lipunang kanilang kinabibilangan.

Tiniyak naman nang alkalde na susuportahan niya sa nalalabi nitong tatlong taon ang programa kontra iligal na droga.

Sa katunayan, nakatakdang bumisita sa Kidapawan City ang mga representante ng Community Anti-Drug Coalition of America (CADCA), na nakabase sa Dallas Texas, upang personal na makita ang implementasyon ng anti-illegal drug campaign ng pamahalaang lokal ng lungsod. (City Information Office)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio