Istriktong monitoring ng karneng baboy laban sa AFS ginagawa ng City Gov’t

You are here: Home


NEWS | 2019/09/18 | LKRO


thumb image

Istriktong monitoring ng karneng baboy laban sa AFS ginagawa ng City Gov’t

KIDAPAWAN CITY – ISTRIKTONG monitoring ng mga karne ng baboy ang ginagawa ng City Government sa kasalukuyan laban sa banta ng African Swine Fever.
Hindi tatanggapin ng City Slaughterhouse ang mga baboy na walang kaukulang sertipikasyon na ligtas sa AFS ang mga ito mula sa mga beterinaryo o barangay animal health workers, paliwanag pa ng Office of the City Veterinarian na siyang nagpapatakbo ng nabanggit na pasilidad.
Mula kasi sa katayan ng City Slaughterhouse ay saka ibebenta sa Mega Market ang mga karne ng baboy, dagdag pa ng OCVET.
Sa ganitong pamamaraan ay mananatiling ligtas kainin ang mga karneng ibinebenta sa pamilihan.
Maliban dito ay patuloy naman na nakatutok sa mga babuyan ng lungsod ang OCVET para maiwasan ang pagkalat ng AFS.
Una ng nagsagawa ng blood sampling ang OCVET sa iilang piggery sa lungsod para malaman kung infected ba ang mga baboy ng AFS virus.
Ipinadala na nila ang blood samples sa Department of Agriculture Office 12 kung saan ay ipapalabas nito ang resulta sa kalaunan.
Magsasagawa ng AFS Forum ang OCVET sa September 24, 2019 ganap na ala una ng hapon para mapag-usapan ang isyu at kung papaanong matutulungan ang mga hog raisers na maiwasang magkasakit ang kanilang mga alagang baboy.
Pinananawagan ng OCVET ang mga hog raisers na samantalahin ang imbitasyon dahil dapat tulong-tulong ang lahat na mapigilan ang pagpasok ng AFS sa Kidapawan City.
Gagawin ang AFS Forum sa City Cooperative Center ng Barangay Magsaysay.##(cio/lkoasay)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio