Mayor Evangelista ikinasal ang magsing-irog sa maternity ward ng ospital

You are here: Home


NEWS | 2019/10/10 | LKRO


thumb image

Mayor Evangelista ikinasal ang magsing-irog sa maternity ward ng ospital

KIDAPAWAN CITY – MULING pinatunayan ni City Mayor Joseph Evangelista na walang pinipiling oras at pagkakataon ang pagbibigay serbisyo sa kanyang mga constituents.
Ito ay matapos niyang ikasal mismo sa maternity ward ng isang ospital sa lungsod ang mag-asawang naka schedule sanang ikakasal sa kanyang opisina ngayong October 10, 2019 ngunit napa-anak ang bride-to-be kagabi.
Pinag-isang dibdib ni Mayor sina Nelmar Omandac at Zwitcel Obas sa isang simple ngunit makabuluhang seremonya ng kasal sa mismong maternity ward ng Kidapawan Doctors Hospital matapos manganak ang huli kagabi.
Sinaksihan ito ng kanilang mga kaanak, ninong at ninang, at maging mga health service providers ng ospital at kasamang mga pasyente sa maternity ward.
Nais ng alkalde na maliban pa sa maging ganap ang pag-iibigan ng magsing-irog bilang legal na mag asawa, kinakailangan din ng kasal upang maging lehitimo ang kanilang panganay na batang lalaki.
Pinaalala ni Mayor Evangelista kay Nelmar na alagaan nitong mabuti si Zwitcel at ang kanilang anak, at gampanan ang tungkulin bilang responsableng ama at mister ng tahanan alinsunod sa mga isinasaad ng Family Code of the Philippines at ng Violence Against Women and Children Law.
Inuna ni Mayor Evangelista na ikasal ang magsing-irog sa ospital kahit nahuhuli na sa kanyang speaking engagement bilang Guest Speaker sa ika 65th Founding Anniversary ng katabing Bayan ng Makilala ngayong araw.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na may ikinasal na magsing-irog si Mayor Evangelista sa loob ng isang buwan sa mismong maternity ward ng isang ospital sa Kidapawan City.##(cio/lkoasay)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio