Month: January 2021

You are here: Home


thumb image

January 7, 2021

MAHIGIT ANIM NA RAANG BENEFICIARIES NABIGYAN NG LIBRENG BIRTH CERTIFICATES AT LATE REGISTRATION SA ILALIM NG ‘REHISTRO MO, SAGOT KO’ NG CITY GOVERNMENT

KIDAPAWAN CITY – PASASALAMAT ANG IPINAAABOT NG MAY 650 na beneficiaries sa ‘REHISTRO MO, SAGOT KO’ na programa ng City Government.

Dahil sa programa ay nagkaroon ng libreng birth certificates ang nabanggit na bilang ng mga benepisyaryo na naserbisyuhan ng Lokal na Pamahalaan.

Nagsimula ang programa noong Pebrero 2020 kung saan ay mismong mga kinatawan ng City Civil Registrar’s Office, City Legal at Information Office ang pumunta sa mga barangay upang direktang iproseso ang birth certificates at late registration ng mga beneficiaries na walang kaukulang dokumento.

Nakatulong din ang REHISTRO MO, SAGOT KO na makatanggap ng serbisyo ang mga mamamayan sa panahon ng Covid19 pandemic gayung pinadali na ng City Government ang proseso ng late registration dahil hindi na gagasto pa ang mga beneficiaries na pupunta pa sa City Hall para sa dokumentong nabanggit.

Malaking bilang ng mga beneficiaries ay mga senior citizens, indigenous people at mga estudyante.

“ Pangunahing karapatan ng bawat Filipino na kilalanin ng Pamahalaan ang kanyang kapanganakan. Paano ba tayo makakatanggap ng tulong o programa mula sa Pamahalaan kung tayo mismo ay hindi kinikilala nito? Ito ang nais nating iparating sa ating mga kababayan kaya patuloy nating ginagawa ito katuwang ang CCR para sa lahat ng Kidapawenyos”, paliwanag pa ni City Information Officer Atty. Jose Paolo Evangelista.

Sa panig naman ni CCR Raul Malaluan sinabi niya na ang REHISTRO MO, SAGOT KO ay alinsunod na rin sa hangarin ng Philippine Statistics Authority o PSA na marehistro ang lahat ng mga Filipino.

Pangunahing dokumento kasi ang birth certificate para makatanggap ng tulong at serbisyo mula sa iba’t ibang ahensya ng Pamahalaan, ani pa ng opisyal.

Kaugnay nito mahigit din sa limangdaang indibidwal ang nakabenepisyo sa libreng legal services ng CLO na kasali din sa REHISTRO MO, SAGOT KO program.

Magpapatuloy ang REHISTRO MO, SAGOT KO sa iba pang mga barangay, kabilang na ang Poblacion ngayong 2021.##(CIO/lkro)

thumb image

January 7, 2021

STATE OF CALAMITY IREREKOMENDANG IDEKLARA SA LUNGSOD DAHIL SA COVID19 PANDEMIC, CITY GOV’T MAGLALAAN NG P20 NA PAMBILI NG COVID19 VACCINES

KIDAPAWAN CITY – ISASAILALIM SA STATE OF CALAMITY ANG lungsod dahil na rin sa epekto ng COVID19.

Kasabay din nito ang pagpapalabas ng pondo ng City Government sa abot dalawampung milyong piso na ibibili ng Covid19 vaccines para maprotektahan ang mamamayan laban sa pandemya.

Kahapon ipinasa na ng City Disaster Risk Reduction and Management Council ang Resolutions number 1, 2 and 3 s. of 2021 na nagrerekomendang ideklara under the State of Calamity ang lungsod dahil sa Covid19 at reprogramming ng LDRRM Fund para pambili ng Covid vaccines.

Pinangunahan ni City Mayor Joseph Evangelista ang meeting ng CDRRMC kung saan napagkasunduan na gagamitin ang bahagi ng LDRRM Fund para tustusan ang kinakailangang bakuna.

Sakop ng P20 Million DRRM fund ang pambili ng Covid19 vaccines, apat na mga bagong ambulance at IEC Materials, ayon pa sa CDRRMO.

Manggagaling ang pondo mula sa bahagi ng LDRRM fund para sa 2021 at 2020.

Basehan ng pagdedeklara ng State of Calamity ang Presidential Proclamation number 922 ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglalagay sa buong bansa sa National State of Health Emergency kasabay ng pagdedekalra mismo ng World Health Organization na isa ng ganap na pandemya ang Covid19, at ang paragraph 1 ng Criteria for Declaration of State of Emergency ng NDRRMC Memorandum Order number 60.##(CIO/AJPME/lkro)

thumb image

January 6, 2021

CITY GOV’T BABALIK SA FOUR-DAY WORK WEEK DULOT NG DAGDAG NA KASO NG COVID19

KIDAPAWAN CITY – MULING BABALIK SA four-day work week schedule ang City Government simula ngayong January 6, 2021.

Dahilan nito ang dagdag na kaso ng Corona Virus disease 2019 sa lungsod.

Ito ang nakapaloob sa Memorandum number 039 s. 2021 kung saan ay i-ipinarecall ng opisina ni City Mayor Joseph Evangelista ang naunang Memorandum number 1865 dated December 23, 2020 na nag-uutos na ibalik na sa 5 days regular working schedule ang City Government.

Ibig sabihin, mula araw ng Lunes hanggang Huwebes lamang ang pasok sa maraming tanggapan ng Lokal na Pamahalaan.

Bukas naman para sa mamamayan ang mga essential offices ng City Government na sakop ng EO 73 s. of 2020 ni Mayor Evangelista na naatasang magbigay serbisyo sa panahon ng pandemya.

Sa ilalim nito ay maglalagay ng skeletal workforce sa mga opisinang sakop ng EO 73 at magkakaroon din ng work from home ang ilang mga empleyado para matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyo sa mga mamamayan.

Bukas naman sa araw ng Biyernes ang mga opisinang hindi sakop ng Memo number 039 gaya ng: Business Processing and Licensing Office, Treasurer’s Office, City Assessor, CPDO Zoning Division, Office of the City Building Official at iba pa na napapabilang sa Business One Stop Shop o BOSS para tumanggap at magproseso ng transaksyon sa mga renewals and applications ng mga business permits at tricycle franchises.##(CIO/AJPME/lkro)

thumb image

 

 

January 4, 2021

RENEWALS NG BUSINESS PERMITS AND LICENSES SINIMULAN NG GAWIN NG CITY GOVERNMENT

KIDAPAWAN CITY – NAGSIMULA NG IPROSESO ng City Government ang lahat ng renewals at applications ng mga Business Permits at Licenses ngayong January 4, 2021.

Bahagi ito ng Business One Stop Shop – BOSS na ginagawa ng City Government sa pagsisimula ng taon.

Inilagay ng lahat ng City Government ang mga tanggapang naatasang magbigay serbisyo sa mismong Mega Tent ng City Hall upang doon na iproseso ng mga business owners ang kani-kanilang mga lisensya.

Dahil na rin sa ipinatutupad na mga quarantine protocols kontra Covid19, dapat pa ring magsuot ng face mask at face shields ang lahat ng papasok at magpo-proseso ng kanilang mga business permits and licenses sa BOSS.

Dagdag pa rito ang pagpapasailalim sa thermal scanning. disinfection, CCTS Card scanning at log book.

Istrikto namang ipatutupad ang social distancing sa loob ng BOSS kung kaya at hinhingi ng City Government ang pang-unawa at pagsunod ng lahat.

May mga itinalagang empleyado na maaring lapitan ng publiko upang humingi ng gabay kung mgapo-proseso ng kanilang mga papeles.

Sa kabilang dako, ipinag-utos ni City Mayor Joseph Evangelista na wala munang gagawing ‘ inspection’ sa mga tricycle na magre-renew ng kanilang mga permit at franchise.

Layun nito na maiwasang magkaroon ng unnecessary exposure ang mga operator, tsuper at maging kawani ng Traffic Management Unit sa Covid19.

Matatandaang hindi muna ipinatupad ang seminar ng mga tricycle bilang paraan para iwas Covid19.

Ang mga nabanggit ay mga pangunahing rekisito para makapag renew ng permit ang mga tricycle.

Sa halip, kinakailangan na lamang na magdala ng OR/CR ng motor, old franchise, drivers license at ID, at iba pang pertinenteng dokumento para makapag-renew ang operator at driver ng tricycle sa BOSS.

Magtatagal ang BOSS hanggang sa January 31, 2021.##

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio