PUMAYAG NA ANG Sangguniang Panlungsod na pumirma sa isang confidentiality agreement si City Mayor Joseph Evangelista sa isang pharmaceutical company bago masimulan ang proseso ng negosasyon at pinaplanong pagbili ng bakuna kontra sa Covid19.
Unanimous ang naging approval ng mga kasapi ng SP sa kahilingan ng alkalde sa pamamagitan ng kanilang 21st Special Session na ginanap nitong February 2 ng hapon.
Ipinaliwanag ni City Legal Officer Atty. Pao Evangelista ang legal na nilalaman ng Confidentiality Agreement.
“This confidentiality agreement is a necessary step towards the dream of restoring normalcy to the people of our beloved city.”, aniya.
Mahalaga ang kasunduang papasukin ng City Government lalo pa at dito malalaman ng LGU ang ‘bisa at kaligtasan’ ng paggamit ng pinaplanong bibilhing bakuna, ayon pa kay Atty. Evangelista sa kanyang pagharap sa konseho.
Sa pamamagitan ng kasunduan, magkakaroon ng pagkakataon ang City Government na mapag-aralan ang bisa ng nasabing bakuna.
Kapag nagkasundo naman ang City Government at pharmaceutical company, dito na magsisimula ang opisyal na negosasyon sa pamamagitan ng approval ng SP para sa pagbili ng bakuna at ang pagpasok sa isang Tripartite Agreement sa pagitan ng City LGU, National Government at ng kompanya ng Covid19 vaccine.
Napag-alaman na ganito rin ang ginagawa ng iba pang Local Government Units ng bansa na nagnanais bumili ng Covid19 vaccine sa mga kompanya ng gamot.
Maliban pa sa pagpasok sa confidentiality agreement ng City Government, inaprubahan din ng Sanggunian ang MOA ng City Government sa Energy Development Corporation para sa pinaplanong pagtatayo ng Molecular Laboratory para sa pagsasagawa ng Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction o RT-PCR test sa mga suspected Covid19 patients, at isa pang Memorandum of Agreement sa Cotabato Regional Medical Center para sa PCR Testing ng mga pasyente ng Covid na taga Kidapawan City.
Presider ng Special Session si Vice Mayor Jivy Roe Bombeo samantalang, on-leave naman si City Councilor Ruby Padilla Sison. ##(CIO)