KIDAPAWAN CITY – SUPORTADO ng sektor ng mga negosyante ang isasagawang ‘census’ ng City Government of Kidapawan sa mga nabakunahan at hindi pa nababakunahan kontra Covid19.
Layun ng census na malaman ang bilang ng mga nabakunahan at hindi pa nababakunahan kontra Covid19 sa lungsod, ayon kay City Mayor Joseph Evangelista.
Napagkasunduan ng mga nagmamay-ari ng mga negosyo na suportahan ang hakbang ni Mayor Evangelista na magpatupad ng census sa mga tindahan at mga papasok sa establisimiyento sa kanilang meeting ngayong umaga ng November 2, 2021.
Target ng City Government na mabakunahan ang abot sa 70% ng populasyon ng Kidapawan City bago matapos ang 2021 para makamit ang herd immunity at makatanggap na rin ng booster shots mula sa National Government bilang dagdag- proteksyon laban sa sakit.
Ipatutupad naman ang census sa pamamagitan ng mga security guards o compliance officer para sa lahat ng papasok sa mga tindahan, palengke, simbahan at maging sa mga border ng lungsod kung sila ba ay nabakunahan na o hindi pa.
Sa pamamagitan ng census ay mas tiyak ang proteksyon ang mga mamamayan laban sa Covid.
Nilinaw naman ni Mayor Evangelista na hindi pa ipatutupad ang No Vaccine No Entry sa lungsod.
Mangagaling pa rin sa National inter Agency Task Force on Covid19 ang pagpapatupad nito, dagdag pa ng alkalde.##(CIO/LKRO)
KIDAPAWAN CITY – MULING PINAYUHAN NI City Mayor Joseph Evangelista ang mga tricycle driver at maging mga driver ng habal-habal na hindi pa nagpapabakuna na samantalahin na ang isinasawagang walk in vaccinations sa lungsod.
Paraan ito na maging protektado ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan laban sa Covid19.
Malaki ang magiging epekto ng hindi pagbabakuna kung sakaling magkasakit ang driver ng tricycle at habal-habal dahil mawawalan sila ng kabuhayan sa mga araw na sana ay bumibyahe sila sa daan, paliwanag pa ni Mayor Evangelista.
Upang ma-engganyo ang mga driver na magpabakuna, namimigay na ng isang kilong frozen chicken at dalawang kilong bigas ang City Government para sa lahat ng makatatanggap ng unang dose ng bakuna.
Ito ang pamamaraan ng City Government na makatulong na makabawi sa isang araw na walang byahe at kita ang driver habang siya ay tatanggap ng bakuna kontra Covid19.
Sinabi ni Mayor Evangelista na kapag marami nang drivers ang bakunado at patuloy na bumaba ang kaso ng Covid19 sa lungsod, ay pwede na na niyang ipag-utos ang pagtatanggal ng plastic barrier sa loob ng tricycle, hindi na pagsusuot ng face shield at dagdagan ang bilang ng pasaherong pwedeng sumakay.
Umani naman ng positibong tugon ang panghihikayat ng alkalde na magpabakuna ang mga drivers.
Sa katunayan, ay nakikipagpulong na ang kanilang mga asosasyon sa City Government para mabigyan na ng eksklusibong schedule ang mga driver ng tricycle at habal-habal na makatanggap na ng unang dose ng anti – Covid19 vaccines. ##(CIO/LKRO)