DRAWING OF LOTS PARA SA OFW VILLAGE GINANAP, 179 OFW’s AT KANILANG PAMILYA MABIBIGYAN NA NG BAGO AT PERMANENTENG TAHANAN

You are here: Home


NEWS | 2021/11/24 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY – MABIBIGYAN na ng mga bagong tahanan ang unang batch na abot sa 179 na mga kapamilya ng Overseas Filipino Workers matapos ang drawing of lots para sa OFW Village sa Barangay Kalaisan ng lungsod.

Pinagunahan ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista at ng mga miyembro ng City Housing Board ang draw ng mga lote para sa mga OFW beneficiaries na makatatanggap ng permanenteng tahanan sa nabanggit na lugar.

Ginawa ang drawing of lots kaninang umaga sa Mega Tent ng City Hall na dinaluhan ng mga OFW at kanilang pamilya at ng mga opsiyal ng City Housing Board.

Magkatuwang ang City Government of Kidapawan at National Housing Authority sa naturang proyekto na itinayo sa apat at kalahating ektaryang lupang binili ng Cotabato Provincial Government at City Government of Kidapawan sa bahagi na sakop ng Barangay Kalaisan.

Layon ng proyekto na tulungan at mabigyan ng disenteng tahanan ang mga overseas workers ng taga Kidapawan City na sumusweldo ng P30,000 pababa kada buwan.

Halos ang lahat naman ng mga ito ay pawang mga household workers na nagta-trabaho sa Middle East, Hong Kong, at Singapore, kung saan ay nauna ng binisita ni Mayor Evangelista noong mga nakalipas na taon.

Hindi bababa sa 120 square meters ang sukat ng lote na pinagtayuan ng bagong bahay at babayaran ito kada buwan ng mga benepisyaryo sa loob ng lima hanggang sampung taon sa murang halaga lamang, ayon kay Mayor Evangelista.

Sa buwan ng Hulyo 2022 pa magsisimula ang pagbayad nila ng monthly amortization sa City Government.

Bawat bahay ay may sariling solar panel, water tank, septic tank at toilet fixtures.

Sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan na ang City Government of Kidapawan sa Metro Kidapawan Water District (MKWD) at Cotabato Electric Cooperative (COTELCO) para malagyan na ng koneksyon ng linya ng tubig at kuryente ang lugar.

Ilalagay naman ng City Government sa isang trust fund ang nakolektang monthly amortization upang magpatayo pa ng dagdag na OFW Village sa susunod na pgkakataon.

Unang nakabunot ng kanyang lote si Mrs. Renilda Salmorin na may anak na household worker na nagta-trabaho sa Kuwait.

Katuparan na aniya ito, sa pangarap ng kanyang anak na mabigyan sila ng disente at permanenteng tahanan mula sa kanyang pagta-trabaho sa ibang bansa.##(CIO/lkro)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio