77 PAMPUBLIKONG ELEMENTARYA AT SEKUNDARYA SA KIDAPAWAN CITY -TULUY-TULOY NA SA PROGRESSIVE FACE TO FACE CLASSES, KIDAPAWAN CITY SCHOOLS DIVISION NAGPASALAMAT SA ABOT SA P20M SUPORTA NG CITY GOVERNMENT

You are here: Home


NEWS | 2022/04/07 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY (April 5, 2022) – TULUYAN ng magsasagawa ng face to face classes (progressive) ang abot sa 77 na mga public elementary at high schools sa Lungsod ng Kidapawan.

Ito ang sinabi ni Kidapawan City Schools Division Superintendent Dr. Natividad G. Ocon, CESO VI kaugnay ng pagbubukas o 100% opening of classes ng lahat ng antas ng pampublikong paaralan sa lungsod.

Matatandaang nitong nakalipas na buwan ng Nobyembre 2021 ay unang nagsagawa ng limited face-to-face classes ang abot sa tatlong mga pampublikong paaralan sa Kidapawan City at ito ay kinabibilangan ng Kidapawan City National High School (KCNHS), Paco National High School, Binoligan Integrated School, at North West Hillside (private school).

Sinundan naman ito ng karagdagang 27 paaralan na nagsagawa ng expanded limited face-to-face classes noong Marso 2, 2022 at ang implementasyon ng progressive face-to-face o in person classes sa karagdagang 47 schools sa kaparehong buwan ng Marso at ngayong Abril 11, 2022.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni SDS Ocon ang City Government of Kidapawan partikular na si City Mayor Joseph A. Evangelista sa halos P20M assistance na ipinagkaloob sa mga paaralan ng DepEd Kidapawan Schools Division na mula sa Special Education Fund o SEF.

Ayon kay SDS Ocon bawat paaralan ay may pangangailangan sa pagsasagawa ng face-to-face classes partikular na ang pagbili ng mga COVID-19 essentials para sa mga guro at mag-aaral.

Kabilang dito ang paglalagay ng mga karagdagang washing area, alcohol, sanitizers, germicidal soap, face masks, gloves, thermal scanners at pagtatalaga ng holding area (kung may sintomas ng COVID-19) sa bawat paaralan.

Sinabi ni SDS Ocon na prayoridad ng DepEd Kidapawan at ng City Government of Kidapawan ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral kaya’t mahalaga ang mga nabanggit na bagay.

Kaugnay nito ay ipinaalala ni SDS Ocon sa bawat guro at mag-aaral na sundin ang lahat ng itinakdang alituntunin sa pagsasagawa ng face-to-face classes lalo na ang minimum health standards upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Hinihimok ngayon ng Deped Kidapawan ang mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak (7-11 y.o. at 12-17 y.o.) upang magkaroon ng sapat na proteksyon laban sa COVID-19 subalit papayagan pa rin naman ang mga batang unvaccinated na pumasok basta’t lagdaan lamang ang Parents Consent na ipinadala sa mga magulang. (CIO-jscj/if)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio