MAHIGIT 400 NA MGA TRICYCLE AT SKYLAB OPERATORS MAKIKINABANG SA EMERGENCY EMPLOYMENT SA ILALIM NG TUPAD NG DOLE

You are here: Home


NEWS | 2022/05/13 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY (May 13, 2022) – ISINAGAWA ang orientation at contract signing para sa first batch ng TUPAD beneficiaries sa pangkat ng mga Skylab at Tricycle Operators sa Mega Tent ng City Hall nitong Huwebes, May 13, 2022.

Ito ay pinangunahan ng Public Employment Service Office (PESO) at ng Department of Labor and Employment (DOLE) na dinaluhan ng mga miyembro ng Magpet- Mlang -Makilala Skylab Operators Drivers Association, Inc. (KIMMMSODAI) Federation at Federation of Kidapawan Integrated Tricycle Association (FKITA) na binubuo ng 58 na iba’t-ibang mga asosasyon at may humigit-kumulang 1,000 na mga miyembro.

Ang mga nabanggit na mga benepisyaryo ay magtatatrabaho bilang mga Contract of Service (COS) workers sa ilalim ng Kidapawan City LGU, sa loob ng 10 araw. Tatanggap ang bawat isa sa kanila ng daily minimum wage at kailangan lamang nilang maglaan ng apat na oras bawat araw sa gawain na itatakda ng LGU.

Alinsunod ito sa DOLE Department Order No. 219, s. 2020 o “Guidelines on the Implementation of Tulong Panghanapbuhay Para Sa Ating Disadvantaged Displaced Workers o TUPAD under the Bayanihan to Recover as One Act”.

Maliban sa mga nabanggit na benepisyo ay may accident insurance coverage din sila sa ilalim ng GSIS na di bababa sa P5,000 na medical reimbursement at P50,000 na death claim.

Ikinatuwa naman ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista ang pakikiisa ng mga Skylab at Tricycle Operators dahil malaking tulong ito para sa mga drivers at kanilang pamilya.

Dumalo sa naturang aktibidad ang kinatawan ng DOLE na si Engr. Jayson Aro at si PESO Manager Herminia Infanta.

Inaasahan naman ang mas marami pang mga benepisyaryo sa pangalawang batch ng kaparehang aktibidad.

Lubos ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa naturang programa lalo na at napapanahon ang tulong na ito sa gitna ng pandemya ng COVID19 at patuloy na pagtaas ng mga presyo ng petrolyo at diesel. (CIO)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio