Month: May 2022

You are here: Home

[tfg_social_share]


thumb image

KIDAPAWAN CITY – IPINATUTUPAD na ng City Government of Kidapawan ang pagbibigay ng bagong pailaw sa iba’t-ibang mga barangay ng lungsod.

Abot sa 400 na mga Solar Lights ang nakapaloob sa unang batch ng pagbibigay pailaw lalo na sa mga malalayong barangay ng lungsod, ayon kay City Mayor Joseph Evangelista.

May lakas na 100 watts ang bawat solar light kasama na ang bakal na poste ang sinimulang ilagay sa mga barangay ng lungsod nitong kalagitnaan ng buwan ng Abril 2022.

Magkatuwang ang City Engineering Office at Task Force Kahayag ng City Mayor’s Office sa pagpapatupad ng programa.

Sa ganitong paraan ay mapapailawan ang maraming komunidad partikular na sa gabi at di maantala kahit na sa panahon ng mga power interruption.

Mahalaga rin ang mga solar light dahil nakakatulong ito sa pagpapanatili ng peace and order sa mga kanayunan, dagdag pa ni Mayor Evangelista. 

Kaugnay nito, ay may dagdag pang 1,200 na mga Solar Lights ang ilalagay ng City Government sa darating na mga buwan.

Nagkakahalaga ng P8M ang naturang proyektong pailaw sa mga barangay.

Lahat ng barangay ay mabibigyang pailaw, tiniyak ni Mayor Evangelista.

Tanging gagawin lamang ng mga opisyal ng barangay na makipag-ugnayan sa City Government para mabigyan ng serbisyong pailaw sa kanilang mga komunidad, wika pa ng alkalde ng lungsod.##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (May 18, 2022) – UPANG mabigyan sila ng wastong kasanayan sa paggawa ng tsokolate, abot sa 20 mga cacao growers mula sa lungsod ang sumailalim sa 1-day Hands-on Training on Basic Chocolate making.

Ginanap ang naturang aktibidad sa University of Southern Mindanao (USM) – Extension Service Office sa Kabacan, North Cotabato ngayong araw na ito ng Miyerkules, May 18, 2022.

Bahagi ito ng mga inisyatiba ng City Government of Kidapawan sa pamamagitan ng Office of the City Agriculturist (OCA) na palakasin ang produksyon ng cacao at matulungan ang mga cacao growers na mas maging produktibo lalo na sa paggawa ng tsokolate.

Ibinahagi din sa kanila ang ilang mga mahahalagang konsepto sa pagbebenta at paghahanap ng market sa kanilang produkto.

Mga miyembro ng ESO Kidapawan Cacao Growers and Producers, Inc. ang mga lumahok na cacao farmers kasama ang project coordinator.

Naging resource person sa training si Ma. Joy Canolas, ang Director of Community Extension ng USM.

Sa kabilang dako, nagsagawa naman nitong nakaraang lingo ang OCA ng delivery at test run ng mga mushroom equipment na gagamitin ng mga kasapi ng Kidapawan City Mushroom Growers Association sa ialim ng Agricultural Production and Food Sufficiency Program ng City Government of Kidapawan. (CIO/jscj//photos by ESO KCGPI/OCA)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (May 16, 2022) –  NANAWAGAN ngayon si Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa lahat ng sektor na magkaisa at magtulungan sa paglaban sa sakit na dengue.

Ito ay sa harap ng tumataas na kaso ng dengue sa lungsod kung saan mula January 1 – May 13, 2022 ay nakapagtala na ng abot sa 206 cases kumapara sa naitala noong 2021 na abot sa 18 lamang.

Katumbas naman ito ng 1,066% na pagtaas ng kaso ng dengue, kung saan dalawa na ang namatay.

Lahat ng ito ay nakapaloob sa report ng City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU na inilabas bago lamang.

Limang mga barangay sa lungsod ang nakapagtala ng mataas na dengue cases at ito ay kinabibilangan ng Poblacion (54), Sudapin (26), Balindog (17), Amas (15), Lanao (15) habang ang iba pa ay nakapagtala na rin ng mula 1 hanggang dalawang kaso.

Sa ginawang Health Cluster Meeting ngayong araw na ito ng Lunes, May 16, 2022, nanawagan si Mayor Evangelista sa bawat sektor at lahat ng mamamayan na magtulungan at magkaisa sa pagsugpo sa dengue.

Ito ay sa pamamagitan ng paglilinis ng kapaligiran o ng bawat tahanan upang maiwasan ang pagkalat pa ng naturang sakit.

“Kailangan nating sugpuin ang dengue dahil mapanganib ito sa buhay ng tao at posibleng ikamatay pa kapag hindi naagapan”, sinabi ni Mayor Evangelista.

Sinabi naman ni City Health Officer Dr. Joyce Encienzo na walang pinipili ang sakit na dengue. Katunayan, base sa pinakahuling CESU Dengue Bulletin ay mula 0-90 years old ang mga tinamaan ng dengue at karamihan ay nasa age bracket na 0-10 years old (median)sa lungsod.

Mas nakararami naman ang mga lalaking pasyente kumpara sa mga babae, ayon pa sa nabanggit na report.

Kaugnay nito ay ipinag-utos ni Mayor Evangelista sa City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO na ituloy ang ginagawang fogging lalo na sa mga highly affected areas.

Matatandaang nagsagawa ng fogging ang CDRRMO sa mga Barangay ng Poblacion, Balindog, Sudapin, Patadon kung saan may naitalang kaso ng sakit na dengue. Nakapaloob rito ang fogging sa abot sa 75 high schools at elementary schools.

Samantala, napagkasunduan din sa health cluster meeting na maliban sa free o libreng test para sa dengue patients ay may ilalaan ding financial assistance package and City Government of Kidapawan para sa mga maa-admit sa pagamutan, ayon muli kay Mayor Evangelista.

Nanawagan din ang alkalde sa mga nakakaranas ng sintomas ng dengue tulad ng lagnat, pananakit ng katawan, at skin rashes na agad na magpatingin sa doctor.

Maliban rito, palalakasin din ng City Health Office ang Information, Education and Communication campaign sa mga barangay upang maiparating ng mahusay sa mga mamamayan ang tamang impormasyon patungkol sa dengue kabilang dito ang lalo na sa wastong pag-iingat, pag-iwas at sama-samang pagkilos laban sa dengue.

Nagsasagawa naman ngayon malawakang clean up drive sa mga purok sa pangunguna ng kanilang mga barangay officials.  Halimbawa nito ay ang Barangay Manongol na nagsagawa ng clean up kahapon, May 15, 2022 sa pangunguna ng mga barangay officials kasama ang mga Sangguniang Kabataan, Barangay Health Workers, at maging mga BPAT. (CIO-jscj/if)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – BILANG TULONG NG City Government of Kidapawan at serbisyo na rin ng sector ng LGBTQ, ay isasagawa ang Libreng Gupit handog  sa publiko simula May 16 hanggang May 26, 2022.

Venue ng aktibidad ang City Convention Center sa may JP Laurel Street ng barangay Poblacion.

Bahagi ng programang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers ng Department of Labor and Employment ang libreng gupit.

Isa ang sector ng LGBTQ na apektado ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic kaya at marapat lamang na mabigyan din sila ng tulong pangkabuhayan ng pamahalaan sa loob ng 10 araw na libreng serbisyo sa mga mamamayan ng lungsod.

Babayaran ng City Government ang kanilang sweldo sa loob ng sampung araw na trabaho, ayon pa sa Public Employment Services Office o PESO Kidapawan City.

May iba naman namang kasapi ng LGBTQ na nagsasagawa din ng libreng gupit sa ilang piling barangay ng Kidapawan City na mga beneficiaries din ng TUPAD.

Mula alas nuwebe ng umaga hanggang alas kwatro ng hapon ang libreng gupit.

Maliban sa LGBTQ, ay nabigyan din ng DOLE at City Government ng TUPAD livelihood programs ang mga driver ng tricycle at habal-habal sa lungsod ng Kidapawan.##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (May 13, 2022) – ISINAGAWA ang orientation at contract signing para sa first batch ng TUPAD beneficiaries sa pangkat ng mga Skylab at Tricycle Operators sa Mega Tent ng City Hall nitong Huwebes, May 13, 2022.

Ito ay pinangunahan ng Public Employment Service Office (PESO) at ng Department of Labor and Employment (DOLE) na dinaluhan ng mga miyembro ng Magpet- Mlang -Makilala Skylab Operators Drivers Association, Inc. (KIMMMSODAI) Federation at Federation of Kidapawan Integrated Tricycle Association (FKITA) na binubuo ng 58 na iba’t-ibang mga asosasyon at may humigit-kumulang 1,000 na mga miyembro.

Ang mga nabanggit na mga benepisyaryo ay magtatatrabaho bilang mga Contract of Service (COS) workers sa ilalim ng Kidapawan City LGU, sa loob ng 10 araw. Tatanggap ang bawat isa sa kanila ng daily minimum wage at kailangan lamang nilang maglaan ng apat na oras bawat araw sa gawain na itatakda ng LGU.

Alinsunod ito sa DOLE Department Order No. 219, s. 2020 o “Guidelines on the Implementation of Tulong Panghanapbuhay Para Sa Ating Disadvantaged Displaced Workers o TUPAD under the Bayanihan to Recover as One Act”.

Maliban sa mga nabanggit na benepisyo ay may accident insurance coverage din sila sa ilalim ng GSIS na di bababa sa P5,000 na medical reimbursement at P50,000 na death claim.

Ikinatuwa naman ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista ang pakikiisa ng mga Skylab at Tricycle Operators dahil malaking tulong ito para sa mga drivers at kanilang pamilya.

Dumalo sa naturang aktibidad ang kinatawan ng DOLE na si Engr. Jayson Aro at si PESO Manager Herminia Infanta.

Inaasahan naman ang mas marami pang mga benepisyaryo sa pangalawang batch ng kaparehang aktibidad.

Lubos ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa naturang programa lalo na at napapanahon ang tulong na ito sa gitna ng pandemya ng COVID19 at patuloy na pagtaas ng mga presyo ng petrolyo at diesel. (CIO)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio