KIDAPAWAN CITY (June 1, 2022) – 50 na mga kabataan at 24 na indibidwal mula sa mga barangay sa ilalim ng End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) na kinabibilangan ng Gayola, Katipunan, Linangkob, San Roque, san Isidro at Malinan ang nabigyan ng mga Business Starter Kits at iba pang suplay sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa Program (PPG) ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ang mga nabanggit na mga kabataan ay binubuo ng mga out-of-school youth, fire victims, health calamity victims at IP Youth mula sa mga barangay ng lungsod. Pumili ang mga nabanggit na mga benepisyaryo ng Business Starter Kits na kanilang mapapakinabangan sa ginanap na Orientation and Entrepreneurial Mind-setting Seminar noong March 16, 2022.
Layon ng naturang programa na tulungan ang mga benepisyaryo na makapagsimula ng kanilang sari-sariling pagkakakitaan upang matustusan ang pang araw-araw na pangangailangan at makatulong sa pamilya.
Mapalad na nakatanggap ng tulong ang 74 na mga benepisyaryo, kung saan 33 ang tumanggap ng Bigasan Livelihood Starter Kit, 20 Mini Grocery livelihood starter kit, 8 Mini Carenderia Livelihood Starter Kit, 4 BBQ Livelihood Starter Kit, 3 Kakanin Livelihood Starter Kit, 3 Siomai Starter Kit, 1 Mani-Pedi Starter Kit, 1 Parlor Starter Kit at 1 Bamboo Craft Starter Kit.
Sasailalim naman ang mga benepisyaryo sa quarterly monitoring ng DTI upang masubaybayan ang sustainability ng kanilang mga negosyo. Libreng bibigyan ng karagdagang pagsasanay ang sinumang benepisyaryo na magkakaroon ng problema sa kanilang Negosyo upang mas makapisado pa nila ang kanilang tinatahak na pangkabuhayan.
Dumalo sa naturang turn-over ceremony sina DTI OIC Division Chief Ken P. Wong, Jr., DTI PPPG Focal Person Samsi Sarip-Banlasan, mga personnel ng DTI Cotabato Provincial Office, Local Youth Development Officer Tryphaena Collado at Acting City Administrator, Ludivina Mayormita, kinatawan ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista. Tuwang-tuwa at nagpasalamat ang mga tumanggap ng Livelihood Starter Kits dahil nabigyan sila ng pagkakataong magsimula at umangat ang kanilang antas ng pamumuhay. (CIO)