NEWS | 2022/06/29 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (June 29, 2022) – GINAWARAN ang Lungsod ng Kidapawan bilang Top 1 o nangungunang lungsod sa buong Region 12 o SOCCSKSARGEN Region na nakakuha ng mahigit 100% collection efficiency sa target locally sourced revenues.
Ang parangal ay iginawad ng Bureau of Local Government Finance – Department of Finance o BLGF-DOF para sa CY 2021 sa Office of the City Treasurer ng Kidapawan nito lamang June 24, 2022.
Target collection ng Office of the City Treasurer ang halagang P 151,592,099 para sa Locally Sourced Revenues para sa nakaraang taon ng 2021 ngunit umabot sa P225,261,026.68 ang nakolekta o katumbas ng 148.60% collection efficiency.
Ito ang nagbigay daan upang makamit ng City Government of Kidapawan ang dalawang award at ito ay kinabibilangan ng Top 1 Collection Efficiency of Locally Sourced Revenues at Top 1 Nominal Collection of Locally Sourced Revenues among the cities in Region 12.
Matatandaang noong 2020 ay ginawaran din ang City Government of Kidapawan bilang Top 2 o ikalawang puwesto sa Locally Sourced Revenues batay sa Year-on-Year Growth in Locally Sourced Revenues.
Abot sa P220,556,487.78 ang LSR para sa 2020 at ito ay tumaas pa ng 2.13% sa 2021 at umakyat sa P225,261,026.68 batay sa performance report ng Office of the City Treasurer, ayon kay City Treasurer Redentor Real.
Patunay naman ito ng mahusay at epektibong pamamahala o pagpapatakbo ng City Government of Kidapawan partikular na ng Office of the City Treasurer sa pagkamit ng kanilang mga target revenues.
Kaugnay nito, ikinatuwa ni City Mayor Joseph A. Evangelista ang tagumpay na ito ng Office of the City Treasurer at hinimok ang tanggapan na panatilihin ang kanilang mahusay na serbisyo publiko. (CIO-jscj/if)