NEWS | 2022/08/15 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (August 12, 2022) – SUMAILALIM sa isang makabuluhang pagsasanay ang abot sa 25 na mga kabataang magsasaka sa Kidapawan City.
Ito ay sa pamamagitan ng Binhi ng Pag-asa Program (BPP) on Free Range Native Chicken Production and Feed Formulation na bago lamang ginanap sa University of Kabacan o USM-Kabacan, Cotabato.
Ayon kay City Agriculturist Marissa Aton,layon ng pagsasanay na mabigyan sa sapat na training ang mga kabataang magsasaka sa tamang pag-aalaga ng native chicken ganundin ang paggawa ng pagkain o feeds para sa mga manok.
Sa ilalim ng programa, binibigyan ng mga kasanayan ang mga youth farmers kabilang na ang mga poultry raisers upang mapaunlad pa ang kanilang livelihood o kabuhayan kabilang na ang mga kabataang nais magsimula ng maliit na negosyong manukan.
Nabigyan ang lahat ng business starter kits ang bawat youth farmers o mga partisipante upang magamit sa kanilang negosyo.
Naisagawa ang naturang pagsasanay sa pamamagitan ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute o DA-ATI Region 12 sa pakikipagtulungan ng Office of the City Agriculturist, Provincial Government of Cotabato, at ng tanggapan ni Senator Grace Poe.
Tumanggap din ng Certificate of Completion mula sa DA-ATI12 ang nabanggit na bilang ng mga youth farmers.
Samantala, hinimok ngayon ni Aton ang magsasaka sa lungsod na magpatala sa Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC at makinabang sa mga bepenisyo tulad ng cost-recovery lending maliban pa sa insurance ng kanilang mga sakahan o pananim.
Bahagi naman ng disaster resiliency strategy ng Office of the City Agriculturist ang pagpapatala ng mga local farmers sa PCIC upang lubos silang matulungan lalo na sa panahon ng mga kalamidad. (CIO-jscj/photos by OCA/DTI-ATI12)