Month: August 2022

You are here: Home


thumb image

KIDAPAWAN CITY (August 16, 2022) – SINIMULAN na ng City Government of Kidapawan ang paggamit ng mga bagong makinarya para sa pagpapatupad ng Solid Waste Recycling Program.

Ang mga bagong machineries ay kinabibilangan ng mga sumusunod: 2 units portable multi-purpose shredder, 1 unit plastic melting densifier, 1 unit mixer, at 2 units manual brick molder.

Nagkakahalaga ang naturang mga makinarya ng P1.4M at ang pondo na ginamit sa pagbili ay nagmula sa Office of the City Mayor.

Ang City Environment and Natural Resources Office o CENRO ang mangangasiwa ng mga bagong machineries at naatasan sa pagpapatupad ng programa.

Sa ilalim ng Solid Waste Recycling Program, bibilhin ng City Government of Kidapawan ang mga recyclable wastes tulad ng mga bote, paper styro at used cooking oil mula sa mga partner establishments o mga piling kumpanya sa lungsod.

Ipoproseso naman ito sa pamamagitan ng naturang mga makina at ang resulta nito (melted misture) ay lay ihahalo sa buhangin na gagamitin naman sa paggawa ng bricks.

Sa pamamagitan nito ay makakatipid sa materials na ginagamit sa paggawa ng bricks ngunit hindi naman nakokompromiso ang kalidad ng produkto, ayon kay City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista.

“Mahalaga ang pag-recycle ng mga basura dahil maliban sa nakakatulong ito sa proteksyon ng kalikasan ay maaari pang magamit sa makabuluhang proyekto tulad na lamang ng brick making” dagdag pa ng alkalde.

Si Mayor Evangelista ang nanguna sa ginawang demonstration at dry run ng mga bagong makinarya kasama ang mga personnel ng CENRO at City Planning and Development Office o CPDO at ang mga representante ng FSK Builders na siyang supplier ng machineries.

Kaugnay nito, hinimok muli ni Mayor Evangelista ang mamamayan na huwag basta-bastang itapon ang mga basurang pwede pang gamitino i-recycle upang mapakinabangan at makatulong sa environmental protection at local economic development. (CIO-jscj/if/aa)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (August 15, 2022) – BINUKSAN na ang Kidapawan Cultural Heritage Museum na nagtatampok sa “Pusaka” (heirlooms) o mga kagamitang minana ng mga Obo Monuvu sa Lungsod ng Kidapawan.

Ginanap ang launching ng naturang museum ngayong araw ng Lunes, August 15, 2022 ganap naalas-nuebe ng umaga.

Sinimulan ang pagbubukas ng museum sa pamamagitan ng “Ahung” o beating of gong na sinundan naman ng ng Pomaas (ritual) ng Obo Monuvu at iba pang mga ritwal ng tribu kaugnay sa binuksang museum tulad ng Kodsavuk to Manuk diyot Kulungan (putting of the Uhis no Manuk on the crate).

Pinangunahan nina Datu Lamberto delfin at Datu Camillo Icdang ang nabanggit na mga ritwal ganundin ang iba pang mga seremonya na nilahukan nina Bo-I Jennifer Sibug, Datu Melchor Bayaan (Museum Curator), Datu Oto Puntas.

Nagbigay naman ng description ng museum at orientation si Karlo Galay David, author ng librong Proclivities: Stories of Kidapawan.

Matatagpuan sa Kidapawan Cultural Heritage Museum ang mga heirlooms tulad ng Ollon (belt) at Kopuan (brass container), Ahung (agong or gong), Lihis (glass pin insulator), Porokuu (ax), Londasan (metal in wood), Pongassu (spear), Mokina no Bililling (sewing machine), Tongkuu (carpet), Ollon woy Kopuan (brass).

Matatagpuan din dito ang Soning (embroidery), Sangngi (dagger), Iklam at Lipi (sheath), Suku/Ngipon to Baansi (magical stones), Kutsara to Opun (spoon), Sinongkabow (large bolo), Soning (sling) at iba pa.

Ang lahat ng ito ay maituturing na bahagi ng kasaysayan ng Lungsod ng Kidapawan partikular na ng tribong Obo Monuvu.

Sa pamamagitan ng Kidapawan Cultural Heritage Museum of mapapangalagaan ang nabanggit na mga kagamitang minana pa sa mga ninuno.

Dumalo sa launching ceremony si City Administrator Janice V. Garcia bilang kinatawan ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista, at Supervising Tourism Operation Officer Gillan Ray Lozaga, mga City Councilors na sina Judith Navarra, Francis E. Palmones, Jason Roy Sibug, Michael Earving Ablang, at Morga Melodias (ABC Federation President).

Tumugtog naman ng Kulintang at sumayaw ang Kultura Kutawato Dance Ensemble sa naturang pagkakataon. (CIO-jscj/if)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (August 12, 2022) – SUMAILALIM sa isang makabuluhang pagsasanay ang abot sa 25 na mga kabataang magsasaka sa Kidapawan City.

Ito ay sa pamamagitan ng Binhi ng Pag-asa Program (BPP) on Free Range Native Chicken Production and Feed Formulation na bago lamang ginanap sa University of Kabacan o USM-Kabacan, Cotabato.

Ayon kay City Agriculturist Marissa Aton,layon ng pagsasanay na mabigyan sa sapat na training ang mga kabataang magsasaka sa tamang pag-aalaga ng native chicken ganundin ang paggawa ng pagkain o feeds para sa mga manok.

Sa ilalim ng programa, binibigyan ng mga kasanayan ang mga youth farmers kabilang na ang mga poultry raisers upang mapaunlad pa ang kanilang livelihood o kabuhayan kabilang na ang mga kabataang nais magsimula ng maliit na negosyong manukan.

Nabigyan ang lahat ng business starter kits ang bawat youth farmers o mga partisipante upang magamit sa kanilang negosyo.

Naisagawa ang naturang pagsasanay sa pamamagitan ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute o DA-ATI Region 12 sa pakikipagtulungan ng Office of the City Agriculturist, Provincial Government of Cotabato, at ng tanggapan ni Senator Grace Poe.

Tumanggap din ng Certificate of Completion mula sa DA-ATI12 ang nabanggit na bilang ng mga youth farmers.

Samantala, hinimok ngayon ni Aton ang magsasaka sa lungsod na magpatala sa Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC at makinabang sa mga bepenisyo tulad ng cost-recovery lending maliban pa sa insurance ng kanilang mga sakahan o pananim.

Bahagi naman ng disaster resiliency strategy ng Office of the City Agriculturist ang pagpapatala ng mga local farmers sa PCIC upang lubos silang matulungan lalo na sa panahon ng mga kalamidad. (CIO-jscj/photos by OCA/DTI-ATI12)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (August 2, 2022) – BUKAS na para sa lahat ng 18-49 years old na may co-morbidities at 50 years old pataas na general population ang second booster ng bakuna laban sa COVID-19.

Nitong araw ng Lunes, August 1, 2022 ng nagpalabas ng anunsyo ang Department of Health Regional Office 12 na pinapayagan na ang pagbabakuna ng second booster dose para sa nabanggit na eligible age group.

Una ng nagpabakuna si City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista at ang kanyang maybahay na si Atty. Anj Evangelista upang maipakitang ligtas ang booster shot kontra COVID-19 at hikayatin ang lahat na magpabakuna na rin.

Kinumpirma rin ni Kidapawan City Health Office Anti COVID-19 Vaccination Program Coordinator Jasna Isla-Sucol ang naturang DOH advisory na nilagdaan ni DOH 12 Regional Director Aristides Concepcion Tan, MD kung saan pinapayuhan nito ang lahat ng provincial, city at municipal health officials ng SOCCSKSARGEN Region na simulan na ang pagbibigay ng second booster dose ng bakuna.

Apat na buwan matapos tumanggap ng unang booster dose ang minimum requirement bago mabakunahan ng pangalawang booster dose.

Mula araw ng Lunes hanggang Biyernes ang schedule ng pagbibigay ng pangalawang booster dose ng bakuna na ginagawa sa CHO, ayon pa kay Isla.

Kinakailangang ipakita ang unang booster dose vaccination card at dadaan pa rin sa kinakailangang medical screening ang lahat bago mabigyan ng pangalawang booster dose, ayon pa sa CHO.

Tanging bakuna lamang ang makakapagligtas sa lahat laban sa komplikasyong idudulot ng COVID19, binigyang-diin pa ng mga health officials. (CMO-cio/lkro)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (August 1, 2022) – GINAWARAN ng Department of Interior and Local Government o DILG ang City Government of Kidapawan bilang 2021 Good Financial Housekeeping passer.

Patunay ito sa wasto at makatotohanang paggamit ng pondo ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan, ayon kay City Local Government Operations Officer o CGLOO Julia Judith Jeveso sa awarding ceremony na ginanap sa Flag Raising Ceremony ngayong umaga ng Lunes, August 1, 2022.

Personal na tinanggap ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista ang award mula sa DILG kasama ang ilang opisyal ng city government.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Mayor Evangelista ang lahat ng mga opisyal at kawani ng City Government sa natanggap na recognition mula sa DILG.

Ito ay pagpapakita ng ‘transparency’ kung saan ipinagbibigay alam sa mamamayan kung paano ginagamit ang pondo sa pagpapatupad ng mga proyekto, programa at serbisyo ng City Government, ayon kay Mayor Evangelista.

Basehan ng pagbibigay ng Good Financial Housekeeping Passer award ang DILG Memorandum Circular no. 2014-13 kung saan ay pumasa ang City Government of Kidapawan  sa mga sumusunod na pamantayan: Most recent available COA Audit Opinion para sa mga taong 2019-2020 at Full Disclosure Policy- posting of all 14 documents in three conspicuous places and in the FDP Portal for all quarters of CY 2020 and first quarter of CY 2021.

Buwan ng December 2021 pa sana tinanggap ng City Government ang gawad ngunit kamakailan lamang ito ibinigay dahil na rin sa pinapatupad na electiony ban sa nakalipas na May 9, 2022 National and Local Elections. ##(CMO-cio/lkro)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (July 31, 2022) – MAITUTURING na malaking biyaya sa mga residente ng Barangay New Bohol sa Lungsod ng Kidapawan ang launching ng Kabaranggayan, Dad-an og Proyekto ug Serbisyo (KDAPS) na ginanap noong Biyernes, July 29, 2022.

Nakapaloob sa KDAPS ang pagtungo ng mga tanggapan o departamento sa City Government of Kidapawan upang magbigay ng serbisyo sa mga mamamayan tulad ng City Health Office, Office of the City Agriculturist, Office of the City Veterinarian, Office of the City Engineer, Office of the City Treasurer, Office of the City Assessor, Office of the City Budget Officer, Office of the City Accountant, Office of the Building Official, Office of the Barangay Affairs.

Kasama ding nagbigay ng serbisyo ang Public Employment Service Office, City Social Welfare and Development Office, City Legal Office, City Tourism and Investment Promotions, Office of the Senior Citizen Affairs at ang mismong Office of the City Mayor sa pangunguna ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista.

Nakiisa din ang Sangguniang Panlungsod ng Kidapawan sa pamamagitan nina City Councilors former Hon. Judge Francis Palmones at Atty. Dina Espina-Chua.

MGA AHENSIYA NG GOBYERNONG LUMAHOK SA KIDAPS

Maliban sa mga departamento ng City Government of Kidapawan ay lumahok din sa KDAPS ang mga ahensiya ng gobyerno na nasa Kidapawan City tulad ng Philhealth, DOLE, DTI, PNP, BFP, COMELEC, DOST, DAR, LTO, TESDA, BIR, NBI, PSA at ang COTELCO at MKWD na pawang naghatid ng serbisyo sa mga residente ng nabanggit na barangay tulad ng clearance, certifications, information dissemination, queries, job application, service assistance to clients at iba pa.

Itinaon ang pagsasagawa ng kauna-unahang KDAPS sa ika-25 Anibersaryo ng Barangay New Bohol kaya’t maraming residente doon ang nakiisa at sumuporta sa programa ng City Government of Kidapawan.

Kabilang ang KDAPS sa mga nangungunang programa ng City Government of Kidapawan kung saan binigyang-diin ni Mayor Evangelista ang kahalagahan ng pagtungo sa mismong mga barangay upang mas mabilis na maihatid at maibigay ang mga programa at proyekto para sa mga mamamayan.

Highlight din ng KDAPS ang siyam na couples o pares mula sa lugar na ikinasal sa “Kasalan ng Barangay” na pinangunahan ni Mayor Evangelista.

Malaki naman ang pasasalamat ng mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Punong Barangay Pepito G. Iremedio kasama ang kanyang mga Kagawad dahil sa kanyang barangay unang naipatupad ang KDAPS.

MGA SERBISYONG HATID NG KDAPS

Kabilang naman sa mga benepisyong naipagkaloob sa mga mamamayan ng Barangay  New Bohol sa pamamagitan ng KDAPS ay medical service mula sa City Health Office – Ekonsulta registration (27), ultrasound for pregnant women (5), circumcision (15), pharmacy services provision of medicines(24), family planning counseling (12), family planning implant insertion (1), dental services for children with fluoride varnish plus toothbrush distribution (25), dental check-up pregnant woman(2)at laboratory services tulad ng urinalysis (4), blood typing (3), Hepatitis B (2), at Syphilis (3). 

Nakapagbigay naman ang Office of the City Agriculturist ng sumusunod na serbisyo – farm consultation, distribution of Information Education Campaign o IEC materials, distribution of quality vegetable seeds, Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA)at maging crop insurance.

Mula naman sa Office of the City Veterinarian, ay nakapagsagawa ng castration o kapon – (6 dogs, 6 cats), provision of multi-vitamins, deworming, disinfectant for livestock and poultry at nagbigay din ng consultation at animal dispersal briefing.

Sa kaparehong okasyon ay nagbigay ng tulong ang CSWDO para sa mga Person with Disability (PWD) at kabilang dito sina Alvin Naces (wheelchair at stipend), Maria Theresa Tedio at Wella Quilaton (stipend).  

MGA TANGGAPAN/AHENSIYA AT BILANG NG NABIGYAN NG SERBISYO

CCR-9 (kasalan), PSA- 58 verification, CSWDO- 61, OSCA- 35, CHO- 123, CDRRMO- standby, Philhealth- 28, City Agri- 148, DAR 12, OCVET – 30, BPLO- 1, City Assesor- 4, BFP-50, PNP 7, NBI- 4, LTO- 20, DOLE/TESDA/PESO- 119, DOST- verification for starbooks, DTI- 80 (P11,000 sales), OCBO- 2, City Treasury, City Tourism- interview with Punong Barangay, City Legal- 5, MKWD- 2, COMELEC- 15, SP Kidapawan – 10, Haircut- 28, Hair color- 25, Manicure/pedicure- 34 o kabuuang bilang na 910 na mga indibidwal.  

Muling isasagawa ang KDAPS sa iba pang mga barangay ng Kidapawan City at itataon ito sa kanilang mga foundation anniversaries kung kaya’t ngayon pa lamang ay naghahanda na ang mga tanggapan at ahensiya upang muling magbigay ng karampatang serbisyo publiko sa mamamayan ng lungsod. (CIO-jscj/if/aa/vb)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio