Month: September 2022

You are here: Home

[tfg_social_share]


thumb image

KIDAPAWAN CITY (September 19, 2022)- BINIGYAN ng pagkilala ang limang mga barangay sa Lungsod ng Kidapawan na naglalayong makapasa sa Second Level Accreditation ng Adolescent-Friendly Health Facility.

Kabilang dito ang mga barangay ng Mua-an, Manongol, Patadon, Magsaysay, at Gayola kung saan ginanap ang awarding sa City Hall Lobby, alas-otso y media ngayong araw ng Lunes, Sep. 19, 2022.

Mula sa tanggapan ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang nabanggit na mga Certificate of Appreciation at ang mga cash incentives na tinanggap ng mga Punong Barangay.

Ito ay bilang suporta na rin sa  limang barangay upang mas mahusay nilang maipasa ang mga itinakdang guidelines at checklist ng Department of Health o DOH.

Nakapaloob rito ang mga programa para sa kapakanan at kagalingan ng mga adolescents o teenagers, ayon kay Virginia Ablang, Adolescent Health Program Coordinator at Population Commission Designated Nurse In-charge.

Kabilang rin dito ang national standards for adolescent service package, action plan for Information Dissemination, policies for flexible time, provision of service, and payment schemes, plan for outreach program, Information and Education Campaign materials, certificates of training at iba pa.

Kinakitaan din ang mga barangay na ito ng pagsunod sa mga protocols at iba pang altuntunin na itinakda ng DOH na nagpapatunay na naging prayoridad nila ang kapakanan ng mga kabataan.

Sinabi ni Mayor Evangelista na napapanahon ang pagkilala sa naturang mga barangay dahil magsisilbi silang mabuting halimbawa sa iba pang mga barangay pagdating sa pangangalaga, proteksyon at kagalingan ng mga adolescents. Maliban kay Mayor Evangelista at Ablang, dumalo din sa awarding program si City Health Officer Dr. Jocelyn Encienzo at iba pang personnel City Health Office. (CIO-jscj/aa/if)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Sep 16, 2022) – NARARAPAT lamang na gawing prayoridad ng mga opisina at ng iba’t-ibang establisimiyento ang disaster preparedness o pagiging handa sa anumang sakuna na posibleng mangyari anumang oras.

Ito ang binigyang-diin ni City Disaster Risk Reduction and Management o CDRRM Officer Psalmer Bernalte sa seminar na dinaluhan ng abot sa 57 empleyado ng With Love John Foundation na matatagpuan sa Barangay Nuangan, Kidapawan City.

Nakatuon sa Disaster Preparedness, Risk Assessment and Skills Training ang naturang seminar na ginanap sa compound ng With Love John Foundation, alas-nuwebe ng umaga ngayong Biyernes, Sep. 16, 2022.

Ibinahagi sa mga partisipante ang kahalagahan ng disaster preparedness kabilang na ang mahahalagang element tulad ng Prevention, Mitigation, Preparedness, Response, and Recovery.

Sinabi ni Bernalte na bilang mga personnel, ay hindi lamang sa trabaho o office at business work dapat nakatutok ang mga empleyado ngunit pati na rin sa aspeto ng kaligtasan at wastong pagtugon sa oras ng kalamidad.

Kabilang naman sa mga kalamidad na ito ay man-made calamity tulad ng arson o sunog, pagpapasabog at iba’t-ibang uri ng pagbabanta sa buhay ng tao at natural calamity gaya ng flashflood, landslide, volcanic eruption, earthquake at iba pa.

“Kailangang naka-focus at may sapat na kahandaan ang ating mga personnel pagdating ng mga kalamidad o disaster upang walang buhay na malalagas at kung may kasiraang mangyayari ay hindi ganoon kalaki ang damages sa mga ari-arian o mga gamit”, ayon kay Bernalte.

Matapos naman ang training ay nagsagawa ng fire and earthquake drill ang mga partisipante sa pangunguna ni Bernalte kasama ang mga personnel ng CDRRMO.

Mahalaga raw ito para madagdagan pa ang kahandaan ng mga personnel at kumpiyansa sa kanilang sarili, ayon pa kay Bernalte

Kaugnay nito, pinasalamatan ni With Love Jan Foundation Safety Officer Engr. Francis Abing si Bernalte at si City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista sa patuloy na pagsisikap na mabigyan ng sapat na kaalaman at kahandaan ang mga mamamayan para sa pagdating ng mga sakuna o kalamidad anumang oras. (CIO-jscj/if//photos by CDRRMO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (September 15, 2022) – TINIYAK ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA 12 na ginagawa ng tanggapan ang lahat ng makakaya para sa  kaligtasan at kaayusan ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs.

Sa pamamagitan ng webinar na pinangunahan ni OWWA 12 Regional Director Marilou M. Sumalinog ngayong umaga ng Huwebes, September 15, 2022 ay muling ibinahagi ng OWWA 12 ang mga programa at serbisyo ng tanggapan para sa mga OFW at mga pamilya nito.

Nakiisa sa pulong ang iba’t-ibang  mga Public OFW Desk Officer o PODO sa rehiyon kabilang si Aida Labina, PODO ng Kidapawan City.

Kabilang sa mga programa ng OWWA ay ang mga sumusunod: Livelihood Assistance fotr active members of OWWA, Educational Scholarship to college and skills training under TESDA, Repatriation of distressed OFWs and human remains, medical assistance and death and burial assistance.

Nakapaloob din dito ang OFW cases, Seafarers Business Individual Loans, “Sa Pinas Ikaw ang Mam at Sir (for licensed teachers working abroad), OFW associations at OFW children’s circle.

Sa naturang webinar ay binigyang-diin ni RD Sumalinog ang pagsisikap ng OWWA na itaguyod ang kapakanan ng mga OFW kasama ang kanilang mga pamilya.

Partikular na pinasalamatan ni RD Sumalinog ang mga PODO na siyang nilalapitan at kumukilos sa tuwing may kinakaharap na problema o isyu ang mga manggagawa sa ibayong dagat.

Bago lamang ay apat na mga OFWs mula sa Kidapawan City na nakaranas ng suliranin ang natulungang makauwi at makabalik sa kanilang pamilya. Ito ay kinabibilangan nina Jubelyn A. Rosas (Barangay Poblacion), Almarie B. Duengas (Barangay Balindog), Myrna T. Empleo (Barangay San Roque), at Elizabeth A. Caboneta (Barangay Mateo).

Pinasalamatan nila si Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo M. Evangelista at si PODO Labina sa mabilis na pagkilos ng City Government of Kidapawan at mahusay na koordinasyon sa mga concerned agencies tulad ng OWWA, POEA at iba pa kaya’t sila ay nakauwi sa lungsod at muling nakapiling ang kani-kanilang pamilya. (CIO-jscj/if/photos by PODO Kidapawan)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (September 15, 2022) – SAMA-SAMANG lumahok sa isang makabuluhang aktibidad ang mga miyembro ng Kidapawan City Organic Practitioners and Producres Association o KOPPA.

Ito ay sa pamamagitan ng farmers field day at techno demonstration on organic production na bago lamang ginanap sa Barangay Macebolig, Kidapawan City.

Layon nito na mabigyan ng dagdag na kaalaman aat makabagong pamamaraan ng mga miyembro patungkol sa organic production kasama ang iba pang mga crop growers sa lungsod.

Si Levi G. Fortuna, Department of Agriculture o DA12 Regional Technical Director for Monitoring, Evaluation, and Special Concerns at Maria Corazon Sorilla, Focal Person, DA12 Regional Organic Production ang mga naging bisita sa naturang okasyon.

Naging sentro o highlight ng field day at techno demo ang “Harvest Festival” ng KOPPA kung saan ipinakita ng mga kasapi ang masaganang ani ng organic rice.

Sinundan naman ito ng pamamahagi ng farming inputs tulad ng fertilizers at small farming tools para sa mga KOPPA members o mga partisipante.

Mula naman sa DA12 Organic Agriculture Program ang mga ipinamahaging farming inputs.

Samantala, bago lamang din ay ginanap ang induction of officers ng City Agriculture and Fisheries Council o CAFC ng Kidapawan sa Conference Room ng City Agriculturist Office.

Nanumpa bilang prersidente ng CAFC si Allan M. Masibay.

Si Kidapawan City Councilor at Chairperson of Agriculture Committee ng Sangguniang Panlungsod ang nagsilbing Inducting Officer.

Sa naturang pagkakataon ay nagbigay ng message of support si Kidapawan City Agriculturist Marissa T. Aton at inilatag niya ang mga programa para sa Agri-Fishery sector ng lungsod.

Nagbigay din ng suporta sa aktibidad sina CAFC Coordinator Efren E. Temario. (CIO-jscj/photos by OCA)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Sep 12, 2022) – NADAGDAGAN pa ang mga bagong pasilidad ng Kidapawan City Police Station o KCPS.

Ito ay makaraang ganapin ang Blessing and Turn-Over Ceremony ng bagong tayong Barracks ng KCPS ngayong umaga ng Lunes, bandang 8:30 ng umaga sa pangunguna ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista kasama si Kidapawan City Chief of Police PLTCOL Peter L. Pinalgan, Jr.

Taglay ng bagong barracks ang apat na mga silid na mag sisilbing quarters at pahingahan ng mga personnel ng city police.

Nakapaloob sa programa ang signing of deed of donation, ribbon cutting, blessing ng bagong gusali na pinangunahan ni Fr. Alfredo P. Palomar, DCK, at mensahe mula kay Mayor Evangelista kung saan binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa lungsod.

Nagmula sa City Government of Kidapawan ang halaga ng pondong ginamit sa pagpapatayo ng naturang barracks na abot sa P500,000.

Resulta naman ito ng ibayong koordinasyon at pagtutulungan ng KCPS at ng City Government of Kidapawan para sa ikabubuti ng mga personnel ng local police. (CIO-jscj/if/vb)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (September 9, 2022) – MAGPAPALABAS ng isang Executive Order si Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista hinggil sa energy conservation measures na ipatutupad ng City Government.Layunin ng EO na gawing maayos at tama ang paggamit ng kuryente sa mga opisina at tanggapan ng City Government pati na rin ang gasolina sa mga sasakyan nito ng mabawasan ang negatibong epekto sa kapaligiran, alinsunod na Rin sa isinasaad ng Republic Act number 11285 o ang Efficient Energy Conservation Act. “Makakatulong ang wasto at matipid na paggamit ng nako-konsumong kuryente at gasolina ng City Government hindi lamang sa environmental protection, kundi para mababawasan din nito ang bayarin natin sa kuryente at gasolina na pwede nating ilaan sa iba pang makahulugang programa at proyekto ng City Government”, ayon pa kay Mayor Evangelista. Sa pamamagitan nito ay mahihikayat din ang mga Kidapawenyo na maging conscious at aware sa matipid at wastong paggamit ng kuryente lalo na at tumataas na rin ang singil nito sa kasalukuyan. Sa ilalim ng batas, mandato para sa bawat Local Government Unit na ipatupad ang RA 11285 sa pamamagitan ng pagtatalaga ng isang Energy Efficiency Conservation o EEC Officer na tututok sa implementation ng batas sa level ng City Government.Sa ilalim ng EO na ipapalabas ni Mayor Evangelista, tungkulin ng EEO Officer na gumawa ng monthly report sa pamamagitan ng monthly inventory ng kuryente at gasolinang nakokonsumo ng City Government at magrekomenda sa City Mayor sa kung papano ito mababawasan at magagamit ng wasto habang nagbibigay serbisyo publiko sa lahat. Isusumite ang nasabing monthly report sa Office of the City Mayor at maging sa Department of Energy o DOE base na rin sa itinatakda ng RA 11285. Bagama’t ipapatupad pa ang nasabing EO, pansamantala munang itatalaga ang General Services Office o GSO sa implementation ng Energy Efficiency and Conservation sa mga tanggapan at pasilidad na pinatatakbo ng City Government.May kautusan man o wala, hinikayat naman ang mga opisyal at empleyado ng City Government na gawin ang wasto at pagtitipid sa konsumo ng kuryente sa kanilang mga opisina na bahagi ng efficient energy conservation efforts nito sa kasalukuyan, paliwanag pa ni Mayor Evangelista. ##(CMO-cio)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (September 9, 2022) – BILANG pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-122 Anibersaryo ng Civil Service Commission o CSC ngayong buwan ng Setyembre, ginanap ang isang bamboo planting activity sa bahagi ng Barangay Sumbac, Kidapawan City 5:30 ng madaling-araw ngayong Biyernes, September 9, 2022.

Kinabibilangan ng mga personnel ng City Government of Kidapawan bilang volunteers sa pangunguna ng Human Resource Management Office o HRMO, City Environment and Natural Resources o CENRO at City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO kasama ang iba pang mga tanggapan.

Ayon kay HRMO Head/Officer Maria Magdalen Bernabe, sabay-sabay na tinungo ng abot sa 100 na mga empleyado ang tabing-ilog na dumadaloy sa Barangay Sumbac mula sa Lika River ng Barangay Lika hanggang sa bahagi ng Barangay Poblacion, Kidapawan City.

Pagpapakita ito ng suporta at pakikiisa sa month-long celebration ng CSC 122nd Anniversary ng Philippine Civil Service na nagsimula noong Sep 2, 2022 sa pamamagitan ng “Race to Serve: Fun Run 2022” at kick-off ceremony sa City Hall lobby.

Nakapaloob ang aktibidad sa Riverbank Rehabilitation Development Project na naglalayong protektahan ang ilog at ang mga naninirahan malapit sa lugar laban sa flashfloods at landslides, sinabi ni CENRO Head/Officer Edgar Paalan.

Abot naman sa 500 iron bamboo strips ang matagumpay na naitanim ng mga empleyado sa tabing-ilog na dumadaloy sa Barangay Sumbac na konektado sa Lika River sa bayan ng M’lang, Cotabato at dumadaloy hanggang sa bahagi ng Poblacion, Kidapawan City, ayon kay CDRRM Officer Psalmer Bernalte.

Hindi naman magtatapos sa pagtatanim ang naturang aktibidad dahil babalikan ito ng mga volunteers sa takdang panahon at tityaking mabubuhay ang kanilang mga itinanim na iron bamboo at di masasayang ang kanilang pagsisikap na protektahan ang kalikasan.

Sa kabuuan ay naging maayos at makabuluhan ang aktibidad kung saan ipinakita ng mga empleyado ng City Government of Kidapawan ang mabuting halimbawa o gawain bilang kawani ng pamahalaan at ang kanilang mainit na suporta sa mga adhikain ng Civil Service Commission o CSC. (CIO//-iscj/if/vb/aa)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (September 6, 2022) –PORMAL ng binuksan sa publiko ngayong araw na ito ng Martes, Sep 6,2022 ang libreng Wifi sa Kidapawan City Plaza.

Layon ng hakbang na ito na magkaroon ng libreng access ang mga namamasyal sa City Plaza lalo na ng mga estudyante na walang internet connection sa kanilang tahanan na makapag-research at makatulong sa nagpapatuloy na face-to-face classes, ayon Kay Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo M. Evangelista.

Mayroong apat na itinalagang Wifi stations sa loob ng City Plaza na kinabibilangan ng LUNTIAN KIDAPAWAN 1, LUNTIAN KIDAPAWAN 2, LUNTIAN KIDAPAWAN 3, at LUNTIAN KIDAPAWAN 4.

Kailangan lamang i-click ang Wifi network na pinakamalakas ang signal at mag log-in na.

Nilagayan naman ng limit ang paggamit ng bawat indibidwal /bawat gadget ng hanggang isang oras bawat araw upang mabigyan din ang ibang namamasyal ng pagkakataong gumamit ng naturang mga Wifi. (CIO-vh/jscj)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Sep 5, 2022)– PORMAL ng nagbukas sa publiko ang Department of Foreign Affairs – Kidapawan Consular Office ngayong araw ng Lunes, September 5, 2022.

Pinangunahan ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista at mga opisyal ng DFA, National Economic Development Authority, Cotabato 2nd District Congressional Office, Cotabato Provincial Government, at City Government ang ginanap na opening at blessing ng bagong gusali na matatagpuan sa Alim Street, Barangay Población katabi lamang ng City Overland Terminal.

Itinayo ang DFA Consular Office sa pamamagitan ni former City Mayor at ngayon ay Cotabato 2nd District Senior Board Member Joseph Evangelista at Cotabato 2nd Congressional District Representative Rudy Caogdan, DFA, NEDA Regional Development Council XII at Ng Dept. of Public Works and Highways o DPWH.

“Malaki ang pakinabang ng DFA Consular Office dahil hindi lamang nito matutulungan ang mga kababayan nating nangangailangan ng passport at iba pang serbisyo ng DFA, kungdi, makakatulong din ito na mabuksan ang Kidapawan City sa larangan ng tourism and investment na magbibigay ng dagdag na kaunlaran sa lungsod”, ayon kay Mayor Pao Evangelista.

Bukas na para magbigay ng serbisyo ang DFA Kidapawan Consular Office simula ngayong araw na ito pero kailangang online ang magiging appointment ng mga kliyente.

Panauhing pandangal ng okasyon sina DFA Undersecretary for Civilian Security and Consular Affairs Jesus Domingo, DFA Asst. Secretary for Consular Affairs Henry Bensurto, Jr. at si NEDA 12 Regional Director at Chair ng Regional Development Council Teresita Socorro Ramos.

Pinuri ng nabanggit na mga opsiyal ang ginawang inisyatibo ng mga local officials sa pamumuno nina BM Evangelista at City Mayor Evangelista na nagkaisa at nagtulungan upang maisakatuparan ang pagpapatayo ng DFA Consular Office.

Maliban pa sa passporting services, magbibigay din ng assistance to nationals and distressed Overseas Workers, at Civil Registry para ma-update ang status ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, ayon naman kay USEC Domingo.

Malaking tulong din ang DFA Consular Office Cotabato -Kidapawan lalo na sa mga Overseas Workers ng Kidapawan at Cotabato province na siyang pinakamaraming bilang sa buong SOCCSKSARGEN Region, sinabi naman ni NEDA 12 Director Socorro-Ramos.

Bukas para magbigay ng serbisyo ang pasilidad para sa mga taga lungsod at mga karatig bayan sa lalawigan ng Cotabato at kalapit na mga rehiyon mula araw ng lunes hanggang biyernes , sinabi ni DFA Consular Office Cotabato – Kidapawan Head Nadjefah Acampong – Mangondaya.

Binasbasan naman ni Rev Fr. Jay Virador, OMI ang bagong gusali bago ito opisyal na nagbukas para bigyang serbisyo ang unang 30 na mga walk-in-clients na nag-aaply online para makatanggap o makapag-renew ng pasaporte. ##(CMO-cio)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – September 5, 2022 SUMAILALIM sa Seal of Good Local Governance o SGLG National Evaluation ang City Government of Kidapawan ngayong araw ng Lunes, September 5, 2022.

Layuninng evaluation na masukat ang kagalingan o kahusayan ng City Government sa maayos na pamamahala at pagbibigay ng serbisyo publiko sa mamamayan, pagpapatupad ng mga programa at proyekto, at pangangalaga at wastong paggamit ng pondo ng pamahalaan.

Kinakailangang makakuha ng mataas na marka ang City Government sa apat na mga SGLG core areas gaya ng financial administration, disaster preparedness, social protection, at peace and order.

Samantala, dapat maipasa din ng City Government ang isa sa alin mang dagdag na core areas na mga sumusunod upang makamit ang selyo ng mabuting pamamahala gaya ng business friendliness and competitiveness; tourism, culture and the arts; at environmental protection.

Bagama’t Hall of Famer na ang Kidapawan City sa SGLG award matapos nitong mapagawaran ng SGLG sa apat na magkakasunod na taon mula 2017-2020, nais pa rin ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista na makamit ito sa ikalimang pagkakataon magkasunod limang taon.

“Hindi lamang ito accomplishment ng ating mga local officials, ngunit pati na rin ng lahat ng mga kawani o empleyado na nagtulong-tulong para makamit ang SGLG”, pahayag ni Mayor Evangelista.

Mga National Evaluators ng Department of Interior and Local Government kabilang DILG Region 3 ang magsasagawa ng evaluation kung saan ay kanilang kakapanayamin ang mga Department Heads ng City Government of Kidapawan at susuriin na ang mga reports at mga  dokumentong may kaugnayan sa pagpapatupad ng mga nasabing core areas ng SGLG.

Kung papalaring makuhang muli ang SGLG sa ikalimang magkasunod na taon, mabibigyan ulit ng proyekto ang City Government mula sa DILG sa pamamagitan ng Performance Challenge Fund at patio na technical assistance para sa pagpapatupad ng mga pangunahing programa at proyektong makakatulong na mai-angat ang kabuhayan ng mga mamamayan ng Kidapawan City.##(CMO-cio)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio