KIDAPAWAN CITY (November 4, 2022) – NGAYON pa lamang ay natitiyak na ang paglago ng fish farming industry sa lungsod partikular na ang tilapia raising.
Ito ay matapos ang ginawang pamamahagi ng abot sa 110,000 sexually reversed red tilapia fingerlings sa 56 recipients o mga fish farmers na nagpapalago ng mga fishpond sa iba’t-ibang barangay.
Ginanap ang distribution sa Mega Tent, City Pavilion sa pangunguna ni City Agriculturist Marissa Aton at mga personnel ng kanyang tanggapan.
Nakapaloob sa Cost Recovery Program ang naturang distribution kung saan kalahati lamang ng halaga ng proyekto ang kanilang babayaran at ang City Government of Kidapawan na mismo ang bibili ng kanilang harvest sa pamamagitan ng City Agricultural Market and Trading Center.
Sa ganitong paraan ay matitiyak ang benta at kita ng mga fish farmers at malaki ang oportunidad na mas lumago pa ang kanilang mga negosyo, tulad na lamang ng mga local rice, fruit and vegetable farmers na nakikinabang din sa kahalintulad na programa, ayon kay Aton.
Nagmula naman sa mga sumusunod na barangay ang mga fish farmers – Balabag, Perez, Binoligan, Indangan, Singao, Kalaisan, Indangan, San Isidro, Ilomavis, Balindog, San Roque, Mua-an, at Ginatilan.
Nakapaloob sa Executive Order No. 053 series of 2022 – “An Order establishing the Kidapawan City Agricultural Market and Trading Center and Creating its Technical Working Group for the Development of Policies and Guidelines Governing its Operations” ang pagbibigay ng kaukulang ayuda sa mga local rice, veghetable, fruit and fish farmers.
Kaugnay nito, hinikayat ni City Mayor Atty Jose Paolo M. Evangelista ang mga fish farmers na lalo pang pagbutihin ang kanilang livelihood project dahil makatutulong ito sa pag-angat ng antas ng pamumuhay at sa pag-unlad ng buong komunidad. (CIO-jscj//if/aa)
KIDAPAWAN CITY (Nov. 3, 2022) – BILANG bahagi ng benepisyo ng mga Senior Citizens ay maayos na natanggap ng mga pensioners mula sa Lungsod ng Kidapawan ang kanilang Social Pension para sa ikatlong quarter ng 2022.
Abot sa 8,804 Social Pensioners ang masayang nakatanggap ng naturang benepisyo at nagmula sila sa 40 barangay sa Kidapawan City, ayon kay Daisy G. Perez, City Social Welfare and Development Officer.
Katumbas ito ng 95.55% ng target pensioners mula sa kabuuang bilang na 9,214 kung saan mayroong 410 o katumbas ng 4.45% ang hindi nakatanggap dahil sa iba’t-ibang kadahilanan tulad ng namatay o namayapang pensioner, double entry, on vacation, transfer of residence at iba pa.
Bawat pensioner ay tumanggap ng P1,500 o P500 bawat buwan sa loob ng 3rd quarter (July-Sep), 2022.
Mula October24-28, 2022 isinagawa ng CSWD ang payout sa mga Barangay Halls at iba pang pasilidad kung saan naging matagumpay ang pamamahagi ng pension sa mga senior citizens sa pamamagitan ng CSWDO personnel at sa tulong ng Office of the Senior Citizen Affairs o OSCA, Kidapawan City Police Station o KCPS, AFP, at mga opisyal ng bawat barangay, ayon pa kay Perez.
Samantala, magtatakda pa ng petsa o schedule ang CSWD para sa mga pensioner na hindi pa nakukuha ang benepisyo at posibleng ito ay gawin sa huling linggo ng Nobyembre o unang linggo ng Disyembre 2022.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni Perez ang mga social pensioners/senior citizens sa kanilang suporta at kooperasyon na nagresulta sa mahusay na payout o pamamahagi ng monthly pension ganundin ang bawat sektor na naging bahagi ng programa ng DSWD. (CIO-jscj//if/photos CSWDO)
KIDAPAWAN CITY (November 3, 2022) TULUYAN at mahigpit ng ipagbabawal ang ano mang uri ng pangongolekta o ‘unauthorized contribution’ mula sa mga magulang at mag-aaral sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Lungsod ng Kidapawan.Ito ang nakasaad sa Executive Order No. 060 na nilagdaan ni City Mayor Jose Paolo M. Evangelista nitong Miyerkules, Nov. 2, 2022 kung saan ay bawal na humingi o mangolekta ng mga unauthorized contribution maging pera o in-kind ang school management mula sa mga guro, magulang at estudyante at obligadong sumunod ang lahat dito. Malinaw sa EO No. 060 na bawal humingi ng pera o ano mang bagay ang sino man kung wala itong direktang kaugnayan sa academic development o sa ikabubuti ng pag-aaral ng mga bata sa mga eskwelahan.Mapaparusahan ang sino mang mapapatunayang hindi sumunod sa EO No. 060 batay sa Executive Order number 292 o ang Administrative Code of the Philippines, Revised Rules of Procedure of the Department of Education in Administrative Cases at Article 213 ng Revised Penal Code. Maaring magsumite ng written complaint sa pamamagitan ng liham o di kaya ay online gamit ang internet sa tanggapan ni Mayor Evangelista o di kaya ay sa City Legal Office upang maaksyunan ang ano mang reklamo. Magsasagawa ng kaukulang imbestigasyon ang City Government of Kidapawan sa matatanggap na reklamo patungkol sa sapilitang paniningil ng kontribusyon. Ganito rin ang aksyon na gagawin kung anonymous o hindi nagbigay ng pangalan ang nagpadala ng reklamo, dagdag pa ng alkalde. Tiniyak naman ni Mayor Evangelista na dadaan sa tama, makatarungan at patas ang proseso ng imbestigasyon at aksyon na gagawin hinggil sa mga reklamo ng mandatory solicitations. Samantala, exempted sa naturang EO ang mga school contributions na pinapayagan ng Order o Memorandum ng Commission on Higher Education at Department of Education.Ipinag-uutos din ng EO #060 sa mga school heads, officials and teachers na dapat magbigay ng official receipt bilang ebidensya sa pagbabayad ng school contribution na pinapayagan ng CHED o he DepEd. ##(CMO-CIO)
KIDAPAWAN CITY (November 2, 2022) – LABING-TATLONG mga kabataang namamalimos o street children ang nakabiyaya mula sa programang Educational Cash Assistance o ECA ng City Social Welfare and Development Office o CSWDO.
Tinanggap ng nabanggit na mga street children ang ayuda sa distribution na ginanap sa Office of the City Mayor, alas-nuwebe ng umaga sa pangunguna ni Mayor Jose Paolo M. Evangelista kasama si City Social Welfare and Development Officer Daisy G. Perez, RSW.
Sa ginawang profiling ng CSWDO, napag-alaman na karamihan sa mga natukoy na street children ay mga mag-aaral mula sa Barangay Sudapin ng lungsod at namamalimos umano upang may pambaon at pambili ng gamit sa paaralan.
Kaya naman matapos ang kaukulang assessment and verification ay agad ding ipinatupad ang pagbibigay ng ayuda sa mga bata.
Labing-isa sa mga bata ay nakatanggap ng P5,000 habang dalawa ay tumanggap ng tig P2,000. Kasama nila sa pagtanggap ng tulong ang kanilang mga nanay.
Nakapaloob ito sa Comprehensive Program for Street Children o CPSC ng City Government of Kidapawan kung saan nakasaad ang mga intervention na ipatutupad para sa mga street children o mga batang namamalimos, sinabi ni Perez.
Layon ng CPSC na tulungan ang mga street children sa pamamagitan ng pagpapatupad ng angkop na hakbang upang hindi na sila magtungo pa sa mga lansangan at iba pang pampublikong lugar upang humingi ng limos.
Nais din ng City Government of Kidapawan sa pamamagitan ng CSWDO na tiyaking nasa loob ng paaralan ang mga batang lansangan at matiyak ang kanilang kaligtasan .
Maliban rito, layon din ng programa na matulungan pati na ang mga magulang ng mga street children na makahanap ng livelihood o mapagkakakitaan para na rin sa kapakanan ng kanilang mga anak.
Nakabatay din sa Presidential Decree No. 1563 o Anti-Mendicancy Law ang programang ito kung saan ipinauunawa sa publiko na hindi tama at hindi nakakatulong ang pagbibigay ng limos sa mga street children bagkus ay nakadadagdag pa sa problema dahil nawawalan sila ng interes na magsikap at itutuon na lamang ang panahon sa panlilimos.
Samantala, sa pamamagitan ng CSWDO ay naitatag ang organisasyon ng mga magulang ng mga street children sa Barangay Sudapin, Kidapawan City upang mabigyan sila ng kaukulang tulong sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program o SLP at mga capacity building.
Susundan naman ito ng pagsasagawa ng family case work at school and house visitations na isasagawa ng CSWDO upang magtuluy-tuloy na ang pagbabago at pag-angat ng antas ng pamumuhay ng mga street children at kanilang mga magulang. (CIO-jscj//aa/if)