FULL IMPLEMENTATION NG NO HELMET, NO TRAVEL POLICY SA LUNGSOD NG KIDAPAWAN SINIMULAN NA

You are here: Home


NEWS | 2023/01/17 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY (Enero 16, 2023) – IPINATUPAD na ang No Helmet, No travel Policy sa Kidapawan City simula Enero 12, 2023, araw ng Huwebes kung saan kailangang nakasuot ng full-face helmet ang mga motorista pati na kanilang mga back rider.
Sa unang araw ng full implementation, abot sa 264 motorista ang pinara ng composite team ng Traffic Management and Enforcement Unit, Land Transportation Office 12, at Kidapawan City Police Station kung saan 102 ang naaktuhang bumibiyahe na walang suot na helmet. Abot naman sa 24 motorsiklo ang na-impound dahil sa iba pang mga traffic violations, ayon kay Moises Cernal, ang Head ng Traffic Management and Enforcement Unit p TMEU ng Kidapawan.
Pagsapit ng Enero 13, ikalawang araw ng full implementation ng naturang batas ay abot naman sa 312 motorista ang pinara at dito ay naaktuhan ang 100 motorista na bumibiyahe na walang suot na helmet bilang proteksyon sa ulo. Kasabay nito ay ang pag-impound sa 37 motorsiklo na kinakitaan din ng iba’t-ibang violation.
Lahat ng mga violators ay na-isyuhan o binigyan ng Temporary Operator’s Permit o TOP ng mga LTO personnel at kailangan nilang magbayad ng halagang P1,500 bawat isa bilang penalidad.
Sa kabila nito, patuloy naman ang TMEU sa pamamahagi ng libreng full-face helmet sa mga motoristang kumpleto ang mga papeles o dokumento sa biyahe tulad ng driver’s license, OR/CR ng sasakyan at maayos na kondisyon ng sasakyan.
Sinabi naman ni Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista na seryoso ang kanyang administrasyon sa pagpapatupad ng No Travel No Helmet Policy para na rin sa kaligtasan ng mga mamamayan partikular na ang mga motorista at back rider.
Alinsunod naman ang kautusang ito ni Mayor Evangelista sa Republic Act 4136 – An Act to Compile the Laws Relative to Land Transportation and Traffic Rules, to Create a Land Transportation Commission and for Other Purposes at may titulong “Land Transportation and Traffic Code” at sa Republic Act No. 10054 o ang” Motorcycle Act of 2009” ay kailangang magsuot ng standard protective helmets ang mga motorista habang nagmamaneho, malayo man o malapit ang biyahe at anumang oras na bibiyahe.

Samantala, dumating din sa lungsod si LTO 12 Regional Director Macario Gonzaga kasama ang mga personnel mula sa LTO Regional Office 12 bilang tugon sa kahilingan ni Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista na maipatupad ng buo ang No Helmet, No Travel Police sa lungsod sa tulong ng LTO.
Sinabi ni RD Gonzaga na tungkulin ng LTO na tiyaking nakarehistro ang mga motorsiklo at iba pang sasakyan, mag-issue at monitor ng driver’s license at ipatupad ang ang batas sa transportasyon.
Sa kabilang dako, nanawagan naman si City Disaster Risk Reduction and Management Officer o CDRRMO Psalmer Bernalte na sundin ang No Helmet, No Travel Policy para makaiwas sa mas malalang sitwasyon tulad ng pagkamatay sa aksidente dahil walang suot na proteksyon sa ulo o maiwasan ang malaking gasto sa pagpapagamot sa oras na maaksidente.



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio