NEWS | 2023/02/09 | LKRO
Tuwing tag-ulan ay marami tayong ikinababahala – sipon, basang mga sapatos at medyas, at mga putik at dumi na maaring tumalsik sa mga uniporme at damit ng mga estudyante, lalo na at kung kailangan mo pang tumawid ng hindi lamang isa, kundi dalawang ilog. Ngunit maliban dito ay may mas malaki pang pinangangambahan ang mga residente, magulang at mga estudyante ng Purok 3 at 4 ng Brgy. Sto Niño – di inaasahang malakas na bulwak ng tubig baha.
Sa tuwing umuulan kasi ay natitigil at nababara ang mga kabataan galing eskwela sa kabilang bahagi ng purok dahil sa malakas na pagbugso ng tubig baha sa ilog na kailangan nilang tawirin bago makauwi. Hindi lamang mga estudyante ang nagagambala ng nasabing ilog. Sapagkat gayundin ang suliranin na halos tuwing tag-ulan ay hinaharap ng kapwa residente at dumadaan sa partikular na daanan. Maliban pa sa mga tahanan na nakapaligid dito ay dito ay apektado din ng tubig baha ang mga motorista na tumatahak sa naturang ruta patungo sa Sitio San Miguel at Brgy. New Bohol.
Ang kalagayang ito ng mga ilog ay nagdulot ng lubos na pag-aalala sa mga magulang para sa kaligtasan ng kanilang mga anak, lalo na tuwing uwian galing eskwelahan dahil na din sa di mahulaang takbo ng panahon. Kung kaya at sinusundo na lamang nila ito araw-araw upang masiguro ang kanilang kaligtasan sa pagtawid sa dalawang ilog patungo sa kani-kanilang mga tahanan.
Upang maibsan ang pangamba ng mga mamamayan para sa kaligtasan ng lahat na tumatawid sa mga ilog ay agad itong pinalagyan ng City Government of Kidapawan ng Culverts. Lubos ang tuwa at pasasalamat ng mga residente sa nasabing baranggay dahil bukod sa ginhawa na hatid ng proyekto ay mas lalago pa ang kanilang lugar dahil sa maayos na daan.