OSCA KIDAPAWAN NAGPAALALA SA MGA DAPAT SUNDIN UPANG MAPAKINABANGAN NG MGA MIYEMBRO ANG 20% DISCOUNT

You are here: Home


NEWS | 2023/02/09 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY (Pebrero 9, 2023) – MALAKING tulong ang 20% discount o bawas sa presyo sa bilhin at serbisyong babayaran ng mga senior citizen. Sa pamamagitan ng naturang diskwento ay mas nagiging maginhawa ang mga elders dahil magagamit nila ang perang natipid sa iba pang mahahalagang bagay.
Kaugnay nito ay nagpaalala ang Office of the Senior Citizens Affair o OSCA Head Lorna C. Morales sa wastong pamamaraan upang makamit ang 20% discount para sa senior citizens na magbibigay daan para maging magaan ang kanilang budget.
Una, kailangang bitbit at ipakita ng mga elders ang kanilang Senior Citizen’s ID kung saan taglay nito ang mga impormasyon ng ID holder.
Ikalawa, kailangan din bitbit nila ang Purchase Slip Booklet kung saan ito ay aprubado ng Head ng OSCA. Ililista naman sa nabanggit na booklet ang lahat ng mga binili, kelan at saan binili at ang ang halaga ng discounted items.
Ikatlo, kung bibili naman ng mga gamot ay kailangang ipakita ang doctor’s prescription (update) kung saan makikita ang pangalan, edad, address, at petsa ng pagbibigay ng partikular na reseta; generic name ng gamot; pangalan at address ng doktor; at Professional Tax Receipt o PTR number at S2 license nito.
Ikaapat, kung hindi mismo ang senior citizen o miyembro ng OSCA ang bibili o magbabayad ng serbisyo, kailangan naman ng authorization letter kung saan nakasaad ang pangalan ng tao o authorized representative na pinahihituntulutang gumawa ng transakyon para sa miyembro. Kailangan ding may lagda ito ng senior citizen.
Kaugnay nito, hinimok ni Senior Citizen’s Kidapawan City Federation President Renato Torralba ang lahat ng mga miyembro ng OSCA na tiyaking sinusunod nila ang nabanggit na mga pamamaraan upang tiyak din ang pagbibigay sa kanila ng 20% discount at mapakinabangan ng husto ang pribilehiyong ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaan. (CIO-jscj//if)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio