OFFICE OF THE CITY MAYOR
MAYOR EVANGELISTA TINIYAK ANG KANYANG SUPORTA SA LAHAT NG 60 PUROK NG BRGY POBLACION

You are here: Home


NEWS | 2023/02/10 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY – NAGPA-ABOT NG SUPORTA si City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista sa lahat ng animnapung purok leaders ng Barangay Poblacion sa ginanap na Mass Oath Taking Ceremony ng mga opisyal nito, umaga ng February 9, 2023.
Mismong si Mayor Evangelista ang siyang nagbigay ng sabayang panunumpa ng mga opisyal ng purok sa ginanap na seremonya sa Barangay Poblacion Covered court ngayong umaga.
Makakatiyak ang lahat ng mga opisyal na mabibigyan ng tulong mula sa City Government ang lahat ng purok ng barangay, ayon pa kay Mayor Evangelista.
Kaugnay nito ay hiniling ng alkalde sa mga opisyal ng purok na makipagtulungan sa City Government upang mapanatiling maayos at ligtas ang mga residente sa pamamagitan ng pagtiyak ng mga opisyal na titulado ang lupang kinatatatayuan ng kanilang purok, mapanatiling malinis ang paligid at maayos na nakokolekta ang mga basura at pagseguro na rin na walang gagala-galang aso sa komunidad upang maiwasan na makakagat ang mga ito at ang disgrasya ng mga motorista sa daan.
Magbibigay ng cash assistance si Mayor Evangelista sa mga purok na makagagawa nito.
Ang cash assistance ay gagamitin sa improvement ng purok o kanilang proyekto.
Tutulong din ang City Government sa pagbibigay ng libreng materyales at labor sa pagpapatayo ng mga purok na nangangailangang ilipat ng lugar at pagpapatayo na rin ng sarili nitong palikuran, dagdag pa ni Mayor Evangelista.
Makatitiyak din ang mga residente ng animnapung purok ng Población na malalagyan ng LED Streetlights ang kanilang komunidad para na rin sa kaligtasan ng lahat lalo na sa pagsapit ng gabi.
Magmumula sa P22 Million na savings noong nakalipas na taon ang pagpapatayo ng mga LED streetlights, paliwanag pa ni Mayor Evangelista.
Maglalagay din ng Closed Circuit Television Camera o CCTV na may kaakibat na Artificial Intelligence o AI Technology para agad na makatugon ang mga otoridad sakaling may mangyaring krimen o bayolasyon ng mga umiiral na ordinansa ng lungsod na pwedeng mangyari sa mga komunidad ng purok, dagdag pa ng alkalde.
Katunayan ay may inilaan ng mahigit sa P12 Million na nagmula sa taong 2023 na pondo ng City Disaster Risk Reduction and Management Office ang planong paglalagay ng CCTV Cameras.
Hinikayat ni Mayor Evangelista ang mga opisyal ng purok na makipag-ugnayan kay Poblacion Brgy Chair Arnold Sumbiling at barangay officials para maproseso ang mga nabanggit.
Hiningi naman ng alkalde ang suporta ng lahat para sa gaganaping ika 25th Foundation Anniversary ng Lungsod sa darating na February 12, 2023.
Ginanap ang Mass Oath taking Ceremony ng mga purok officials sa covered court ng Barangay Poblacion na matatagpuan sa Sinsuat Extension at Purslane Street sa bagong Diversion Road ng lungsod.(CMO-CIO)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio