ABOT SA 7,000 ENDEMIC SEEDLINGS ITINANIM SA WATERSHED KASABAY NG PAGDIRIWANG NG INTERNATIONAL WOMEN’S DAY

You are here: Home


NEWS | 2023/03/09 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY (Marso 8, 2023) – TUMATAK sa puso’t-isipan hindi lamang ng mga kababaihan ngunit pati na sa mga kalalakihan ang isang espesyal na aktibidad na ginawa sa watershed area sa Barangay Perez, Kidapawan City sa mismong pagdiriwang ng International Women’s Day ngayong araw na ito ng Miyerkules, Marso 8, 2023.
Ito ay ang Tree Planting Activity na isa sa mga highlights ng National Women’s Month ngayong Marso at ng March 8 bilang International Women’s Day sa pangunguna ng City Social Welfare and Development Office o CSWDO at sa pakikipagtulungan ng Metro Kidapawan Water District o MKWD.
Isang Strict Protection Zone ang naturang lugar na kung saan ay matatagpuan ang malalaking punong kahoy at iba’t-ibang uri ng tanim o endemic trees and plants na pinangangalagaan ng MKWD at siya namang pinagkukunan ng supply ng tubig para sa mga mamamayan ng lungsod.
Abot sa 7,000 seedlings na kinabibilangan ng Sagimsim, Lawaan, Tinikaran, at White Nato ang mga itinanim ng mga partisipante na nagmula sa government, non-government, people’s organizations, civic organizations, business, academe, barangay, IP, solo parents, OFW at ibang organisasyon na may nagkakaisang hangarin makapagtanim ng punong-kahoy at makatulong sa pangangalaga ng kalikasan.
May apat na lugar na pinagtamnan ang mga lumahok sa tree planting at ito ay ang Site 1 kung saan nagtanim ang City Mayor’s Office, City Admin Office, Provincial Environment and Natural Resources Office o PENRO at ang Kidapawan City Police Station o KCPS; Site 2 kung saan lahat ng mga women’s groups ay sama-samang nagtanim; Site 3 na lugar naman para sa mga personnel at workers ng LGU Kidapawan; at Site 4 na lugar o planting site na inilaan para sa mismong personnel ng MKWD.
Samantala, naging mahalagang bahagi naman ng programang CANOPY 25 ng City Government of Kidapawan ang naturang Tree Planting Activity na kung saan ay nakamit ang target na maitanim ang 7,000 punong-kahoy sa malaking bahagi ng watershed.
Matatandaang noong February 21, 2023 ay inilungsad ang CANOPY 25 sa Barangay Ginatilan, Kidapawan City na isa sa pinakamalaki at pinakamahalagang proyekto ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista na naglalayong makapagtanim ng abot sa 2.5 milyong punong-kahoy sa ilang strategic areas sa lungsod sa loob ng isa hanggang dalawang taon upang makatulong sa environmental care and protection at mabawasan ang mga kalamidad tulad ng flashflood at landslide.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni Mayor Evangelista ang lahat ng mga nakiisa at buong-pusong sumuporta sa Tree Planting Activity sa Barangay Perez watershed.
Umaasa ang alkalde na magtutuloy-tuloy na ang pagtatanim ng mga punong-kahoy sa mga target areas at magkakapit-bisig ang bawat sektor sa pagkamit ng 2.5 milyong punong-kahoy na siya namang magbibigay proteksiyon sa kapaligiran at magbibigay-daan sa kaligtasan ng mga susunod na henerasyon.



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio