KAALAMAN NG TOURIST GUIDES AT PORTERS NADAGDAGAN MATAPOS SUMAILALIM SA CAPACITY BUILDING WORKSHOP

You are here: Home


NEWS | 2023/03/13 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY (Marso 10, 2023) – MALAKI ang ginagampanang papel ng mga tourist guide at mga porter sa pagsusulong ng turismo sa isang lugar. Kaya naman mahalaga na mabigyan sila ng sapat na kaalaman pagdating sa pangangalaga ng turista o mga bumibisita sa isang lugar tulad na lamang ng Lungsod ng Kidapawan kung saan matatagpuan ang iba’t-ibang tourist destination.Nitong Biyernes, Marso 10, 2023 ay nagtipon-tipon ang abot sa 30 tourist guides at 80 porters na pawang mga miyembro ng Mt. Apo Guides Association at Mt. Apo Porters Association at sumailalim sila sa Capacity Building Workshop sa RC Martinez Farm and Resort, Barangay Mua-an, Kidapawan City.Bilang panimula ay nagbigay ng kanyang mensahe si City Councilor Atty. Dina Espina-Chua, na siya namang OIC-Mayor ng araw na iyon. Ibinahagi ng konsehal ang kahalagahan ng pagiging handa sa anumang emergency situations. Inihalimbawa niya ang kanyang personal experience kung saan sumiklab ang apoy sa isang bahagi ng kanyang bahay at ang kakulangan niya sa kaalaman pagdating sa paggamit ng firefighting equipment tulad ng fire extinguisher.Kaya naman para sa kanya ay napakaimportante ng workshop na ito para sa mga partisipante at lahat ng kanilang nalalaman sa pagtugon sa emergency ay madaragdagan pa.Dalawang mahahalagang lectures ang ibinigay sa mga guide and porters at ito ay kinabibilangan ng Basic Forest/Peat Land Fire Management Orientation na ibinahagi ng Bureau of Fire Protection o BFP at Basic Ropemanship, Demonstration and Evaluation na ibinahagi naman ng City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO.Si Chief Inspector Marleap Nabor, ang Fire Marshall ng Kidapawan City ang nanguna sa pagtuturo tungkol sa ground fire, crown fires, at surface fire na posibleng maganap sa bundok ganundin ang peat fire o sunog na nagaganap dulot ng matinding pagkatuyo ng lugar at ang mga bagay na dapat isaisip at gawin sa oras na magkaroon ng sunog sa kabundukan tulad na lamang ng Mt. Apo. Nagbigay din ng karagdagang lecture si Senior Fire Officer 2 Cecilia Nabor kung saan binigyang-diin niya na lubhang mahalaga para sa mga guides at porters ang malaman ang mga hakbang na gagawin para mailigtas ang mga turista pati na kanilang mga sarili.Sa kabilang dako, sumentro naman sa tamang paggamit ng tali o rope ang lecture ng CDRRMO na pinangunahan ni Local DRRMO II Kelvin Lloyd Seron at mahalaga ito para sa guide and porter dahil magagamit sa pag-rescue ng mga bisita sa oras na magka-aberya partikular na ang basic knots na kinabibilangan ng bowline, overhand safety knot, water knot , at iba pa.Ikinatuwa naman ng kapwa tourist guide at porters ang workshop dahil ito ay magsisibing gabay sa kanilang hanay at refresher na rin sa dati na nilang nalalaman kaugnay ng kanilang mga trabaho. Pareho nilang pinasalamatan si City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa pagbibigay ng pagkakataon na sila ay matuto at lalo pang magiging responsable bilang mga kabalikat ng lokal na turismo ng lungsod.Samantala, ang one-day Capacity Building Workshop na ito para sa mga guides at porters ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng City Tourism Office at naglalayong mapaangat ang antas ng naturang sektor sa larangan ng emergency awareness and response dahil ang mga porters at guides ang nagsisilbing first line of defense sa oras ng aberya o disgrasya, ayon kay Senior Tourism Operations Officer Gillan Ray Lonzaga. Sinabi ni Lonzaga na may malaking impact ang workshop para sa mga miyembro ng Mt. Apo Guides Association at Mt. Apo Porters Association pagdating sa personal development ng mga ito at sa kanilang pagiging LGU registered guide and porter at sa pagganap bilang mahusay na emissary o agent ng local tourism ganundin sa pagtiyak sa kaligtasan ng mga turista, maging local man on international. Mula naman ng naging maluwag ang COVID-19 restrictions at magbukas muli ang lokal na turismo nitong nakalipas na taon ng 2022 ay naging aktibo muli ang mga guide at porter sa Mt Apo climb at ngayong nalalapit na ang Holy Week ay inaasahang dadagsa ang mga turista upang akyatin ang Mt. Apo at dito na magagamit ng mga LGU registered guides and porters ang kanilang mga natutunan sa workshop.



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio