Hanging bridge na nagdurugtong sa Brgy. Amas at Sitio Puas inda, inayos na!

You are here: Home


NEWS | 2023/03/15 | LKRO


thumb image

Natupad ang matagal nang dalangin ng mga taga Purok Sambag ng Barangay Amas, matapos ayusin ang kanilang hanging bridge na nagdurugtong sa kanilang purok at Sitio Puas Inda, kung saan matatagpuan ang paaralan ng kanilang mga anak.

Ang edukasyon ang tulay tungo sa maliwanag at maginhawang kinabukasan. Ito ang pinakamahalagang pamana na maiiwan ng isang magulang para sa kanilang mga anak. Lalo na at ito ang tanging yaman na kailanman ay hindi mananakaw. Kaya todo kayod ang mga magulag upang mapag-aral ang kanilang mga anak upang masiguro ang kanilag maliwanag na kinabukasan. Subalit, maliban sa pambaon ay maraming sinisiguro ang mga magulang, nangunguna na dito ang kanilang seguridad papunta at pauwi mula sa eskwelahan.

Sa tuwing tayo ay napagsasabihan, madalas nating naririnig ang mga linyang, ‘ilang ilog pa ang kailangan naming tawirin para lang makapag-aral’, at madalas ay binabale wala na lamang ito ng mga kabataan ngayon. Subalit, lingid sa ating kaalaman ay mayroon pa ring mga liblib na pook na humaharap sa ganitong pagsubok araw-araw. At isa na nga dito ang Purok Sambag ng Brgy. Amas. Ang paaralan na pinakamalapit dito ay ang Puas Inda Integrated Elementary School na matatagpuan sa katabi nitong sitio. Ang mga mag-aaral mula sa Purok Sambag ay kailangan pang bumaba sa pangpang at tawirin ang ilog na lubha na mang maanagnib, lalo na ngayong paiba-iba ang bugso ng panahon para lang makapasok sa eskwelahan. Dahil dito ay napilitan ang ibang bata na tumigil dahil sa pag-aalala ng kanilang mga magulang sa panganib na dala ng pagtawid ng kanilang mga anak.

Subalit ang kanilang pangamba ay napalitan ng tuwa at gihawa nang malagyan ito ng Lokal na Pamahalaan ng Steel Hanging Bridge na may habang dalawampu’t limang metro o 25 meters na syang nagdudugtong sa naturang purok at Sitio Puas Inda. Ilang taon na rin ang nakalilipas ng mailagay ang naturang tulay kung kaya’t upang mas maging panatag ang loob ng mga dumadaan dito at masigurong matibay at ligtas ito ay inayos at mas pinagtibay ang tuly. Ang nasabing Repair and improvement project ng Office of the City Engineer ay nagkakahalaga ng abot sa P247,336.74.

Malaki ang pasasalamat ng mga magulang sa ginawang aksyon ng City Government of Kidapawan sa pamumuno ni Atty. Jose Paolo M. Evangelista na naniniwalang edukasyon ang susi sa maliwanag na kinabukasan ng kabataan at pamayanan.

Ngayon ay ligtas nang makakapunta ang mga bata sa kanilang paaralan at makakatawid na sila ng walang takot o pangamba dahil sa proyekto ng Gobyerno para sa kanila. Umaraw man o umulan ay kaya nilang tahakin ang daan tungo sa kanilang maliwanag na kinabukasan at maitawid ang kanilang mga sarili at bayan mula sa kahirapan tungo sa maginhawa at panatag na kinabukasan.



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio