NEWS | 2023/05/12 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (May 12, 2023) β TULOY-tuloy ang buhos ng biyaya sa mga barangay sa Lungsod ng Kidapawan sa larangan ng infrastructure.
Kahapon, May 11, 2023 ay ginanap ang formal turn-over ng Farm-to-Market Road concreting project sa Barangay Gayola ganundin sa Barangay Sto Nino, Kidapawan City.
May haba na 345 meters ang Gayola FMR (Purok 3 to Purok 7) na nagkakahalaga ng P4,000,000.00 habang ang Sto Nino (Purok 4) naman ay may haba na 278 meters at ito ay nagkakahalaga din ng P4,000,000,00.
Ang pondong ginamit sa dalawang proyekto ay mula sa Local Government Support Fund-Support to the Barangay Development Program (LGSF-SBDP) na nakapaloob sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Si City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang nanguna sa formal turn-over ng mga FMR kung saan sinabi niyang mapalad ang mga barangay na nabiyayaan ng kahalintulad na proyekto.
Hinimok ni Mayor Evangelista ang mga residente lalo na ang mga opisyal ng barangay na ingatan ang kalsada dahil ito ay laan para sa kanila at sa pamamagitan nito ay mas mapapabilis ang mga serbisyo mula sa gobyerno tulad ng medical and health, maayos na pagdadala o transportasyon ng gulay, prutas, palay at iba pang produkto.
Binigyang-diin ng alkalde na ang mga FMR at iba pang proyekto ng pamahalaan ay hindi maaaring angkinin ng sinumang opisyal o pulitiko dahil ang tunay na nagmamay-ari nito ay ang mga mamamayan na siyang nagbabayad ng buwis.
Sa kanyang panig, ipinahayag naman ni Dept of Interior and Local Government Cotabato Provincial Director Ali B. Abdullah na hanga siya sa performance ng City Government of Kidapawan partikular na sa project implementation gaya na lamang ng FMR ng Gayola at Sto. Nino na maayos na sinimulan at nasunod ang contract duration.
Kaya naman tiniyak niya na masusundan o madaragdagan pa ang mga proyekto para sa lungsod sa pamamagitan ng pondo mula sa national government tulad ng NTF-ELCAC.
Sumuporta din sa okasyon ang mga Kagawad ng Lungsod na sina Michael Earvin Ablang, Jayson Roy Sibog kasama sina Acting City Administrator Janice Garcia, PESO Manager Herminia Infanta, Assistant Assessor Aurora Abril, City Local Government Operations Officer Julia Judith Geveso, habang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) naman ay nagpadala din ng kinatawan at ito ay sina Capt. Dennis Cortejo, Capt. Tuarez at si PCapt. Armando Carillo naman ang ipinadala ng Philippine National Police (PNP).
Masayang masaya na nagpaabot ng pasasalamat ang mga Punong Barangay na sina Albert Espina ng Sto. Nino at Dominador Nacua ng Gayola.
Inaasahan namang magtutuloy-tuloy na ang katahimikan at kaunlaran sa mga barangay tulad ng Gayola, San Roque at iba pang barangay sa pamamagitan ng mga proyektong ipinagkaloob ng LGSF-SBDP ng NTF-ELCAC at iba pang programa ng pamahalaan. (CIO)