KIDAPAWAN CITY – (December 4, 2023)
24/7 na magmamatyag at magbabantay, lalo na sa mga matataong lugar katulad ng terminal, palengke, city plaza, ecopark, business establishments at simbahan, ang K9 unit ng City Government, City PNP, Task Force Kidapawan ng Army at Barangay Peacekeeping Action Teams, upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko ngayong panahon ng kapaskuhan.
Ayon kay City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista, hindi ito kayang gampanan ng mga awtoridad na sila lang, kung kaya’t hinihikayat niya ang bawat isa na maging mapagmatyag at makipagtulungan alang-alang sa ligtas na selebrasyon ng pasko ngayong taon.
Inabisuhan din ng alkalde ang publiko na kapag may nakitang bagay o tao na kahina-hinala, agad itong ipaalam sa mga awtoridad, sa pamamagitan ng mga hotline numbers na ito: 0981-499-9991 (CDRRMO/ K9 Unit) at 0939-812-7169 (Kidapawan City Police Station).
Sa pamamagitan nito’y mapipigilan ang mga taong may masamang hangarin, at maiwasan din ang posibleng pagpapasabog, katulad ng nangyari sa Mindanao State University sa Marawi City kahapon, December 3.