NEWS | 2024/01/25 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (January 23, 2024) – KINILALA at binigyang insentibo ng City Government of Kidapawan ang tatlong Gagmay’ng Kristohanong Katilingban o GKK sa aktibong pakikibahagi ng mga ito sa Canopy ’25 program.
P10,000 na cash incentive ang ibinigay ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista para sa bawat GKK ng Sr. San Roque Mompeller at San Isidro Labrador ng Barangay New Bohol at GKK Immaculada Concepcion ng Barangay Sudapin bilang pagkilala sa naging mahalagang kontribusyon nila sa pangangalaga ng kalikasan at sa minimithing 2.5 milyon na dami ng punong itatanim sa lungsod sa ilalim ng Canopy ‘25.
Iba’t-ibang uri ng fruit trees ang itinanim ng GKK Sr. San Roque (1,200) at San Isidro Labrador (1,000).
Habang tatlong daang (300) mga bamboo seedlings ang itinanim naman ng GKK Immaculada Concepcion.
Itinanim ng kanilang mga kasapi ang naturang bilang ng mga puno sa kanilang mga lupain at sa iba pang lugar sa kanilang barangay.
Bahagi ito ng partnership sa pagitan ng City Government of Kidapawan at ni Bishop Jose Colin Bagaforo, D.D. ng Roman Catholic Diocese of Kidapawan na naglalayong mapangalagaan ang kalikasan at protektahan ang mga nilikha ng Panginoon.
Isinagawa ang recognition at pamimigay ng cash incentive sa mga GKK nitong January 22, araw ng Lunes sa ginanap na Convocation Program ng City Government.