Month: January 2024

You are here: Home

[tfg_social_share]


thumb image

Kidapawan City (January 9, 2024) – Pumirma ng kasunduan sina City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista at Notre Dame of Kidapawan College (NDKC) President Bro. Arnel Alfanta, FMS kaninang umaga upang magtulungan sa pagpapalago ng turismo sa lungsod.

Saklaw ng pinirmahan nilang Memorandum of Agreement o MOA ang pagbuo ng bagong Tourism Development Plan o TDP ng City Government, na syang magsisilbing gabay sa mga programa at proyektong ipatutupad para mas lalo pang mapalago ang turismo dito.

Tutulong ang NDKC (isa sa mga pribadong paaralan sa lungsod) sa pamamagitan ng kanilang Office of the Research, Planning, Innovation, and Development (RPID), na syang mangangasiwa sa mga research, seminar workshops, pagrereview at pag-update ng TDP.

Ang City Government ay magbibigay ng logistic support sa RPID ng NDKC upang matiyak na magtatagumpay ang bagong TDP ng lungsod.###(Lloyd Kenzo Oasay│City Information Office)

thumb image

Kidapawan City (January 9, 2024) – Pinaghahandaan na ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng City Government ang isasagawang Barangay Disaster Risk Reduction and Management (BDRRM) Plan Training para sa apat napong (40) mga barangay ng lungsod sa susunod na lingo. Alinsunod ito sa Memorandum Circular No. 2018-01 ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.

Layunin ng training, na nakatakda sa January 16 hanggang 24 sa Operation Center ng CDRRMO, na magkaroon ng maayos at akmang plano at programa ang bawat DRRMC ng barangay upang maibsan kung hindi man maiwasan ang matinding epekto o pinsala ng anumang emerhensiya, kalamidad at sakuna sa kani-kanilang komunidad.

Mahalaga ang training upang mas maunawaan, wastong maipatupad at mas mapaghandaan pa ng mga Punong Barangay, Secretary, Treasurer, at Records Keeper (lalo na yaong mga bago lang nailuklok sa pwesto) ang kanilang bubuohin at babalangkasing DRRM Plan.###(Rachiel Abella│City Information Office)

thumb image

Kidapawan City (January 9, 2024) – Walong (8) distressed na mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang natulungan ng mga taga Overseas Workers Welfare Administration o OWWA XII at City Government, sa pamamagitan ng Public OFW Desk Office (PODO), na makauwi ng bansa, partikular na sa lungsod noong nakaraang taon.

Ayon sa taga PODO, maliban sa repatriation o pagpapauwi sa kanila, nabigyan din ang mga distressed OFW ng medical at welfare services, pati narin livelihood assistance.

Isang distressed OFW din ang natulungan upang sumailalim sa
Psycho-Social intervention ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), at laboratory at medical assistance ng City Health Office (CHO) at Pag-Amuma Assistance Unit (PAU).

Dalawang (2) labi ng mga pumanaw na OFW ang naiuwi pabalik sa kani-kanilang mga mahal sa buhay at nabigyan din ng burial assistance ng PAU.

Samantala, isang daang (100) returning OFWs ang tumanggap ng tulong mula sa Balik Pinas Balik Hanapbuhay (BPBH) Program ng OWWA, kung saan animnapo’t siyam (69) sa kanila ang tumanggap ng cash assistance, habang labing walo (18) ang nabigyan ng welfare at medical assistance.

Tumanggap din ng Tulong Pangkabuhayan sa Pag-Unlad ng Samahang OFWs o Tulong PUSO, na nagkakahalaga ng isang milyong piso (second and third tranche) ang mga miyembro ng tatlong OFW Associations mula sa mga Barangay ng Mateo, Marbel at Sto Niňo.

Dahil dito muling naisulong ng mga distressed OFW ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya (sa pamamagitan ng pagkakaroon nila ng sariling negosyo kagaya ng sari-sari store, bigasan at motor parts) sa kabila ng kanilang kabiguan sa ibang bansa.###(Lloyd Kenzo Oasay │ City Information Office)

thumb image

Kidapawan City (January 9, 2024) – Pinarangalan, pinuri at pinasalamatan ng City Government kasabay ng Convocation Program kahapon sa City Hall lobby, ang dalawang pamilya na nagbigay ng karangalan sa lungsod sa buong SOCCSKSARGEN Region noong nakaraang taon. Tumanggap sila ng plaque of recognition mula sa City LGU.

Napiling Model OFW Family para sa taong 2023 ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) XII ang pamilya nina Master Mariner Carlito F. Catubig (sea-based) at Engr. Edwin T. Paragas (land-based) dahil napatunayan nila na sa kabila ng kanilang paglayo para magtrabaho sa ibang bansa napanatili parin nilang buo, masaya, at nagmamahalan ang kanilang pamilya.

Kabilang sila sa mga pamilyang natulungan ng Public OFW Desk Office (PODO) ng City Government. ### (Lloyd Kenzo Oasay I City Information Office)

thumb image

Kidapawan City (January 8, 2024)-Lumagda ng kasunduan si City Social Welfare and Development Officer Daisy P. Gaviola at Punong Barangay Ricardo Ceballos upang tuldokan ang mga kaso ng pamamalimos sa Barangay Lanao. Ang naturang kasunduan sa pagitan ng CSWDO at BLGU Lanao ay upang mabigyan ng proyektong pangkabuhayan ang kliyenteng kinilala na si Eldison Sabellita Abing.

Si Abing bilang isang Person With Disability o PWD ay naiulat na namamalimos sa entrance ng Gaisano Grand Mall sa loob ng maraming taon . Alinsunod sa Anti-Mendicancy Law o Presidential Decree 1563 ay higit na ipinagbabawal ang pamamalimos at ang pagbibigay ng limos sa mga mahihirap sa kalye. Kaya inimbitahan ng tanggapan ng CSWD si Mr. Abing para sa isang pag-uusap noong nakalipas na buwan upang magawan ng paraan na maiahon ito mula sa kanyang sitwasyon.

Bahagi ng kasunduan na mangangako ito na itigil na ang lahat ng kanyang mga aktibidad na ipinagbabawal ng Anti-Mendicancy Law saan man sa lungsod at sa halip ay gumawa ng disenteng hanapbuhay. Magbibigay ang City Government ng tulong financial sa pamamagitan ng CSWDO bilang puhunan kay Mr. Abing na makapagsimula ng kanyang naisipang negosyong Kwek-kwek food cart. Patuloy din siyang susubaybayan ng CSWDO at BLGU Lanao upang matulungang palaguin ang kanyang negosyo.

thumb image

Kidapawan City (January 2, 2024)—
Agad pinulong ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista, sa unang araw ng trabaho (ngayong araw), ang mga department managers at assistant department heads upang ipaalam ang mga alituntunin ng Lokal na Pamahalaan ngayong taon.

Sa pagpupulong ay ipinaalala ng alkalde sa mga department heads na seryosohin ang kanyang ipinatutupad na No Drug Test-No Renewal para sa mga casual, contract of service at job order workers ng city government. Layunin nito na maging malinis mula sa bisyo ng ipinagbabawal na gamot ang lahat ng manggagawa ng lokal na pamahalaan. Matatandaang nasa 26 na mga barangay na ng lungsod ang nananatiling drug-cleared ng PDEA.

Sinabi din ni Mayor Pao na gagawin na niyang bukas ang kanyang satellite office sa Barangay Ginatilan at Barangay San Isidro upang mas madali syang mapuntahan ng mga mamamayan at di na kailangan pang lumuwas patungong city hall. Kaya kinakailangang mas de kalidad na pamamahala ng mga department manager ng ibat-ibang mga tanggapan dahil mas magiging mas madalas ang alkalde sa mga itatalagang mga satellite offices nito sa barangay.

Hinamon din niya ang lahat na manggagawa ng city hall na may tungkulin sa e-Business One Stop Shop na gawing mas mabilis at madali lang ang proseso ng eBOSS para sa kapakanan ng mga mamamayan at lahat ng taxpayers.

thumb image

Kidapawan City (January 2, 2024) —
Nagsimula nang magbigay serbisyo sa publiko ang City Government para sa mga business owners at operators (na magrerenew o mag-aapply pa ng negosyo) sa lungsod sa pamamagitan ng Electronic Business One Stop Shop (E-BOSS).

Sa City Gymnasium, kung saan isinasagawa ang E-BOSS, maaring magproseso– ng Community Tax Certificate o Cedula, Sanitary Permit, Locational/Zoning Clearance, Annual Inspection Certificate, Fire Safety Inspection Certificate, CCTV Compliance Certificate, Business Application, RPT Payment and Tax Clearance, at Gross Sales/Receipts Declaration –para sa mga walk-ins.

Para naman sa online applications, bumisita lang sa website ng Department of Information and Communications Technology o DICT, Integrated Business Processing and Licensing System o IBPLS, dahil nakakonekta na halos lahat ng Local Government units ng bansa sa kanilang portal.

Naglagay na rin ang City Government ng sangay ng E-BOSS sa Mega Market at Kidapawan Integrated Transport Terminal para naman sa mga may pwesto doon.

Magtatagal ang E-BOSS hanggang sa January 20.

Nung nakaraang taon (2023) mayroong higit limang libo (5,519) na mga registered business owners sa lungsod.

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio