NEWS | 2021/03/24 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – 510 NA MGA INDIGENT beneficiaries mula sa iba’t-ibang barangay ng lungsod ang nakatanggap na ng kanilang sahod sa ilalim ng Cash for Work Program ng DSWD at City Government.
Tumanggap ng tig Php 2,330 na sweldo sa loob ng sampung araw na pagta-trabaho at pagtulong sa mga Risk Resiliency Program for Climate Change Adaptation and Mitigation related activities ng kanilang mga barangay ang nabanggit na bilang ng mga indigent beneficiaries.
Pinangunahan ni City Mayor Joseph Evangelista at ng mga kawani ng DSWD Regional Office XII ang aktibidad umaga ng March 24, 2021 sa Mega Tent ng City Hall.
Sa kanyang mensahe sa mga beneficiaries, sinabi ni Mayor Evangelista na makakatulong ang kanilang natanggap na pantawid sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya lalo na sa panahon ng Covid19 pandemic.
Hinimok ng alkalde ang mga beneficiaries na gamitin ng wasto ang kanilang natanggap na tulong pinansyal lalo na para sa kanilang mga anak.
Tiniyak din ni Mayor Evangelista na bibigyang prayoridad ang mga mahihirap na mamamayan na makakatanggap ng bakuna kontra Covid19 kapag nakabili na nito ang City Government.
Basehan ng pagbibigay ng Cash for Work Program ang Administrative Order number 15 s. 2008 ng DSWD kaagapay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Layun ng programa na magbigay ng temporary employment sa mga nawalan ng trabaho o mahihirap na mamamayan bilang dagdag na pagtugon sa climate change at disaster risk reduction, mitigation at recovery programs.
Ilan lamang nito ang pagsasa-ayos ng mga evacuation centers, drainage canals at flood control facilities, clean up drive, kampanya kontra dengue at Covid19, at tree planting at mga disaster risk reduction and preparedness related activities.
Hinati sa dalawang batches ang kabuo-ang bilang ng mga beneficiaries na mabibigyan ng ayudang pinansyal ng DSWD.
Sila yaong mga na-validate ng ahensya sa tulong ng mga barangay officials na nangangailangan ng ayuda mula sa Pamahalaan. ##(CIO)