NHA magbibigay ayuda sa mga nasiraaan ng bahay sa lungsod bunga ng malakas na lindol
KIDAPAWAN CITY – ABOT SA TATLUMPUNG libong pisong building materials ang ibibigay na ayuda ng National Housing Authority para sa mga nasiraan ng tahanan sa lungsod bunsod ng magnitude 6.3 lindol na tumama noong October 16, 2019.
Nakipag-ugnayan na si Mayor Joseph Evangelista sa NHA para sa pagbibigay ng ayuda para maayos ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad ang kanilang mga nasirang bahay.
P30,000 na halaga ng mga materyales para sa mga totally damage at P20,000 para naman sa mga partially damaged na mga tahanan ang pwedeng ibigay ng ahensya, ayon pa kay Mayor Evangelista.
Kinakailangan ng iilang clearances kagaya na lamang ng Inspection clearances mula sa CDRRMO at City Engineering Office, certification mula sa Barangay at lagda ni Mayor Evangelista.
Maaring sumangguni sa NHA Kidapawan City para sa karagdagang impormasyon.
Ang NHA ay isa lamang sa mga ahensyang magbibigay ng tulong sa mga nasalanta upang makabangon mula sa kalamidad.
Nagpapatuloy naman ang assessment ng Pamahalaan sa pinsalang idinulot ng malakas na lindol.
Hindi lamang kasi mga bahay ang napinsala ng kalamidad.
May kasiraan din na tinamo ang iilang pampublikong paaralan, mga government buildings at business establishments ayon na rin kay Mayor Evangelista. ##(cio/lkoasay)
City Gov’t namigay ng 30 sakong bigas para sa mga nasalanta ng lindol sa bayan ng Tulunan
KIDAPAWAN CITY – TATLUMPUNG SAKO ng bigas ang ibinigay ng City Government para sa mga nasalantang pamilya ng lindol sa bayan ng Tulunan, North Cotabato.
Sa bisa ng isang Resolusyon ng City Disaster Risk Reduction ang Management Council sa pangunguna ni City Mayor Joseph Evangelista ay ipinalabas nito ang nabanggit na bilang ng bigas upang ibigay tulong sa mga apektadong pamilya ng bayan.
October 21, 2019 ng personal na inabot ng mga kagawad ng CDRRMO sa Local Government ng Tulunan ang mga bigas.
Matatandaang isinailalim sa State of Calamity ang Tulunan dulot ng pinsala ng Magnitude 6.3 na lindol na yumanig sa Mindanao noong gabi ng October 16, 2019.
Bagamat isa ang Kidapawan City sa mga nagtamo ng pinsala, nagawa pa nitong magbigay ng tulong lalo pa at mas mahirap ang kalagayan ng mga mamamayan ng Tulunan na naapektuhan ng lindol.
Abot sa mahigit isang libong pamilya ang nawalan ng tirahan sa bayan ng Tulunan matapos masira ang kanilang mga tahanan dulot ng nabanggit na kalamidad.##(cio/lkoasay)
Photo caption – City Govt namigay ng tulong sa Bayan ng Tulunan: Opisyal na itinurn-over ni City DRRMO Psalmer Bernalte(green shirt) sa Tulunan LGU ang tulong mula sa Kidapawan City Government para sa mga nasalantang pamilya ng Magnitude 6.3 lindol na yumanig at nagdulot ng lubhang pinsala sa bayan.Isinagawa ang pamimigay tulong noong October 21, 2019.(photo is from CDRRMO)
City Gov’t 4 time winner na sa SGLG
KIDAPAWAN CITY – MULING NAGWAGI SA Seal of Good Local Governance –SGLG ng DILG ang City Government. Ito na ang ikaapat na magkasunod na taong nagwagi ang lungsod sa prestihiyosong patimpalak. Ang SGLG o ang Pagkilala sa Katapatan at Kahusayan ng mga Pamahalaang Lokal ay pagkilala sa mga natatanging Local Governments ng bansa na nagpakita ng accountability at transparency sa pamamagitan ng tamang paggamit ng pondo ng gobyerno, pamimigay ng sakto at tamang serbisyo publiko, business friendliness, disaster risk reduction and management, anti-illegal drugs campaign, at environmental protection. “Patunay lamang ito na naging maayos ang pagbibigay serbisyo at pamamahala ng City Government sa mamamayan ng lungsod. Ito ay para sa ating lahat.”, wika pa ni City Mayor Joseph Evangelista. Maala-alang sumailalim sa serye ng evaluation mula sa Department of the Interior and Local Government ang City LGU kung saan ay sinuri ang mga programa, serbisyo at tamang paggamit ng pondo. Kahit na SGLG Hall of Famer na ang City Government mula ng manalo noong 2016, 2017 at 2018, ipinagpatuloy at hinigitan pa ng City Government ang mandato nitong makapaglingkod ng tapat sa mamamayan. Tanging Kidapawan City lamang sa buong Region 12 ang nakakuha ng SGLG sa City Government Awardees ng DILG. May kalakip na Performance Challenge Fund na insentibong matatanggap ang City Government mula sa pagkakapanalo ng SGLG. Tatanggapin ni Mayor Evangelista, City LGOO Aida Garcia at department heads ng City Government ang SGLG sa National Capital Region kasabay ng ika 28 taong anibersaryo ng pagkakalikha ng RA 7160 o Local Government Code of 1991. Sa kabuo-an ay may limampu at pitong mga City Government Awardees ang tumanggap ng selyo ngayong 2019. Tumanggap din ng SGLG sa Municipal Category ang iba pang mga bayan sa Rehiyon dose. Ito ay ang Midsayap North Cotabato, Surallah South Cotabato at ang mga bayan ng Lambayong at Lutayan sa Sultan Kudarat.##(cio/lkoasay)
Delinquent real property taxpayers tumugon sa panawagan ng City Government
KIDAPAWAN CITY – TUMUGON sa panawagan ang marami sa mga delinquent Real Property Taxpayers na magbayad ng kanilang buwis sa City Government.
Sila yaong may mga pag-aaring lupa, gusali at makinarya na isusubasta na sana ng City Government dahil sa kabiguang mabayaran ang kanilang karampatang buwis o real property taxes.
Mula sa bilang na walumpo at isang delinquent real properties na sinilbihan ng Notices for Public Auction ng City Government, animnapu at siyam sa mga ito ang nagbayad na ng kanilang bayarin sa City Treasurer’s Office, ayon na rin sa mga kawani ng tanggapan.
Ikinatuwa ni City Mayor Joseph Evangelista ang pagtugon ng mga delinkwenteng tax payers mula ng magpalabas ng public announcement sa mga himpilan ng radyo ang City Government.
Una ng naglibot sa mga barangay ang mga kawani ng CTO upang ipagbigay alam ang isasagawang Public Auction ng City Government sa mga lupain, gusali at makinarya na may kaukulang buwis na hindi nabayaran mula taong 2018 pababa.
Kinapapalooban ng mga residential, agricultural, at commercial ang mga real properties na isusubasta na sana ng Lokal na Pamahalaan.
Basehan ng pagsasagawa ng Public Auction ang mga probisyon ng RA7160 o Local Government Code of 1991.
Panawagan ng City Government sa lahat na ugaliing i-update ang kanilang mga babayarang buwis sa CTO upang hindi maisasali sa subasta ang kanilang mga propyedad.
Tuloy pa rin ang isasagawang Public Auction ng iba pang delinquent real properties sa petsang iaanunsyo ng City Treasurer’s Office sa kalaunan.##(cio/lkoasay)
City Gov’t limang taon ng nagpapatupad ng road clearing operations – Mayor Evangelista
KIDAPAWAN CITY – LIMANG TAON ng nagpapatupad ng clearing operation ang City Government sa mga pangunahing daan sa lungsod.
Reakyon ito ni City Mayor Joseph Evangelista sa isyu na umano ang bumagsak sa panuntunan ng Department of the Interior and Local Government ang City LGU sa pagpapatupad ng road clearing operation sa buong bansa sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagsagawa na ng clearing ang City Government bago pa man ang kautusan ng Pangulo.
Hindi nakita ng mga evaluators ng DILG ang isinagawang clearing ng City Government noon at naging basehan lamang nito ay ang kasalukuyang sitwasyon sa Kidapawan City, ani pa ng alkalde.
Unfair ang naging assessment ng mga evaluators ng DILG dahil matagal ng panahon ginagawa ng City Government ang clearing sa mga pangunahing daan bahagi ng road widening porgrams ng National Government.
Malinaw naman na maluwag na ang National Highway sa lungsod at di na nahihirapang dumaan dito ang maraming sasakyan.
Kaugnay nito ay naglaan na rin ng relocation sites ang City Government sa mga residenteng apektado ng clearing noon.
Ginawaran pa nga ng National Government ang City LGU noong 2017 sa epektibong pagpapatupad nito ng Comprehensive Land Use Plan kung saan ay nasolusyunan nito ang problema sa mga informal settlers na nakatira sa mga road right of way na tinamaan ng road clearing operation katuwang ang Department of Public Works and Highways.
Bineberipika na ni Mayor Evangelista kung totoo nga ulat ng DILG dahil magpasahanggang ngayon ay hindi pa siya nakatatanggap ng report mula naman sa mismong Provincial DILG.
Planong iapela ng City LGU ang markang binigay ng DILG dahil positibo naman si Mayor Evangelista na makikinig ang ahensya sa kanya.##(cio/lkoasay)
Mayor Evangelista ikinasal ang magsing-irog sa maternity ward ng ospital
KIDAPAWAN CITY – MULING pinatunayan ni City Mayor Joseph Evangelista na walang pinipiling oras at pagkakataon ang pagbibigay serbisyo sa kanyang mga constituents.
Ito ay matapos niyang ikasal mismo sa maternity ward ng isang ospital sa lungsod ang mag-asawang naka schedule sanang ikakasal sa kanyang opisina ngayong October 10, 2019 ngunit napa-anak ang bride-to-be kagabi.
Pinag-isang dibdib ni Mayor sina Nelmar Omandac at Zwitcel Obas sa isang simple ngunit makabuluhang seremonya ng kasal sa mismong maternity ward ng Kidapawan Doctors Hospital matapos manganak ang huli kagabi.
Sinaksihan ito ng kanilang mga kaanak, ninong at ninang, at maging mga health service providers ng ospital at kasamang mga pasyente sa maternity ward.
Nais ng alkalde na maliban pa sa maging ganap ang pag-iibigan ng magsing-irog bilang legal na mag asawa, kinakailangan din ng kasal upang maging lehitimo ang kanilang panganay na batang lalaki.
Pinaalala ni Mayor Evangelista kay Nelmar na alagaan nitong mabuti si Zwitcel at ang kanilang anak, at gampanan ang tungkulin bilang responsableng ama at mister ng tahanan alinsunod sa mga isinasaad ng Family Code of the Philippines at ng Violence Against Women and Children Law.
Inuna ni Mayor Evangelista na ikasal ang magsing-irog sa ospital kahit nahuhuli na sa kanyang speaking engagement bilang Guest Speaker sa ika 65th Founding Anniversary ng katabing Bayan ng Makilala ngayong araw.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na may ikinasal na magsing-irog si Mayor Evangelista sa loob ng isang buwan sa mismong maternity ward ng isang ospital sa Kidapawan City.##(cio/lkoasay)
Kidapawan City, 100 percent drug cleared na-PDEA-12
SERTIPIKADO na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-12 ang Kidapawan City bilang drug clear city dahil sa matatag at pinalakas na kampanya ng lungsod kontra sa iligal na droga.
Muli kasing nag validate ang PDEA-12 sa apatnapung mga barangay ng lungsod kung saan lumalabas na ang 38 naunang drug cleared barangays ay napanatili ang status, habang ang 2 natirang barangay na sumailaim sa validation ay na cleared narin.
Pinakahuling mga barangay na isinailalim sa validation ay ang Barangay Poblacion at Sudapin.
Ikinagalak naman ni Mayor Joseph A. Evangelista ang pagiging 100 percent drug cleared ng lungsod, kasunod ang apila sa mga barangay officials na dapat ay mapanatili ito sa mga susunod pang mga buwan.
Iprenesenta din ng PDEA-12 ang dokumento na nagpapatunay na nakapag comply nga ang lahat ng mga barangay sa panuntunan ng Dangerous Drug Board (DDB) hingil sa deklarasyon ng pagiging drug cleared status.
Kabilang sa mga batayan ng PDEA 12 ang walang record na may nagsu-supply ng iligal na droga sa barangay, walang drug laboratory at taniman ng marijuana at higit sa lahat ang aktibong Barangay Drug Abuse Council (BDAC) sa kampanya kontra sa droga.
Kumpiyansa si Mayor Evangelista na ipagpapatuloy ng mga barangay officials ang ganitong mga programa lalo pa at puspusan din ang isinasagawang paglilinis ng mga awtoridad sa mga nagbebenta at gumagamit ng droga.
Nangako ang alkalde na susuportahan niya ang lahat ng mga programa laban sa iligal na droga at nakahanda anya siyang magbigay ng ayuda sa mga opisyal na magpapatupad nito.
Apila ni Mayor Evangelista sa mga barangay officials, maging mapagbantay at agad na iulat sa kinauukulan ang anumang mga kahina-hinalang mga bagay o taong nasa kanilang lugar upang maiwasan ang anumang iligal na Gawain.
Tiniyak nito ang agarang aksiyon at ang pagtugon sa anumang ulat na may kinalaman sa iligal na droga sa pamamagitan ng pagpapakilos sa mga miyembro ng PNP na silang may mandato para manghuli ng mga nagbabalak na magbenta o kaya ay gumamit ng droga.(CIO)
Mahigit pitong libo bagong botante nagpatala sa Comelec Satellite Registration sa lungsod
KIDAPAWAN CITY – 7,480 NA MGA bagong botante ang nakapagpatala sa isinagawang Comelec Satellite Registration para sa Barangay Sangguniang Kabataan Elections mula August 1-September 30, 2019.
Ito ay ayon na rin rin sa ipinalabas na datos mula sa opisina ni City Comelec Election Officer Angelita Failano.
Mataas na ang nabanggit na bilang aniya, kung saan marami sa mga ito ay pawang botante sa unang pagkakataon.
Matatandaang ipinakiusap ni City Mayor Joseph Evangelista sa mga opisyal ng Barangay at SK na hikayatin ang kanilang mga constituents na nasa edad 15 anyos pataas na magpatala para sa gaganaping Halalan sa Mayo 2020.
54.32% o sa kabuoa-ng 4,063 sa nabanggit na bilang ay first time voters samantalang 26.15% o 1,956 ang bilang ng mga transferred voters o yaong lumipat ng tirahan.
Ngunit, nilinaw ni Failano na kinakailangan pa ring sertipikahan at i-cross check ng kanyang opisina ang bilang na nabanggit.
Kapag tama na ang mga ito, ang pitong libong mahigit ay idadagdag na sa opisyal na bilang ng mga botante sa Kidapawan City.
Sa kasalukuyan, ang opisyal na bilang mga registered voters ng lungsod ay 73,476.
36,233 sa mga ito ay male voters samantalang 37,243 naman ang female voters.
Una ng isinagawa ng Comelec ang Satellite Registration of Voters sa apatnapung Barangay ng Kidapawan City. ##(cio/lkoasay)
City Gov’t at DTI nagpaalala kontra substandard Christmas Lights
KIDAPAWAN CITY – NAGPAALALA ANG City Government at Department of Trade and Industry sa publiko na iwasang bumili at gumamit ng substandard na Christmas Lights gayung papalapit na ang panahon ng Kapaskuhan.
Itinuturong dahilan ng maraming kaso ng sunog sa panahon ng BER months ang mga depektibong Christmas lights, ayon na rin sa mga otoridad.
May mga ulat na nakarating sa atensyon ng DTI at kay City Mayor Joseph Evangelista na may iilang tindahan sa lungsod na nagbebenta ng substandard na Christmas lights at iba pang uri ng de kuryenteng kagamitan.
Hindi umano sumusunod sa regulasyon ng Pamahalaan ang mga nabanggit at napaka delikadong gamitin.
Kadalasan ay maninipis ang wirings ng mga substandard na Christmas lights kung kaya at madaling uminit at masunog ang mga ito.
Ang iba naman ay depektibo at hindi sumisindi ang ilaw at madaling matalop na insulations dahil hindi dumaan sa tamang quality control, ayon pa sa DTI.
Dapat din na may nakalagay na ‘totoong Product Standard o PS Mark Sticker na inisyu ng DTI sa produktong lokal at Import Commodity Clearance o ICC Mark naman sa produktong imported’ na patunay na dumaan sa DTI at ligtas gamitin ang mga ito.
Hinihikayat ng mga otoridad ang publiko na agad ireport sa mga kinauukulan ang mga tindahang magbebenta ng mga nabanggit.
Kaugnay nito ay inaaanyayahan din ni Mayor Evangelista at ng DTI ang lahat na makiisa sa mga aktibidad sa pagdiriwang ng October 2019 Consumer Month.
Tema ng Consumer Month 2019 ay “Sustainable Consumption: Understanding the Impact of Consumer’s Choices in a Shared Environment”. ##(cio/lkoasay)
(photo is from bandilyo.com November 8, 2017 and the Dept. of Trade and Industry)