Author: Dave Vibo

You are here: Home


thumb image

 

PRESS RELEASE
March 27, 2019
Mga kandidato muling pinaalalahanan sa responsableng pangangampanya
KIDAPAWAN CITY – MULING NAGPAALALA ANG Commission on Elections sa lahat ng Local Candidates sa kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin sa pagsisimula ng kampanya sa March 29, 2019.
Kinakailangang sumunod sa mga itinatakda ng Omnibus Election Code ang lahat ng kandidato ng hindi marahap sa reklamo, kapwa paniniyak pa nina City Election Officer Diosdado Javier at ni City DILG Director Aida Garcia.
Dapat nasa cartolina size ang campaign poster at ilalagay lamang sa mga common poster areas na pinili ng Comelec.
Pwedeng maglagay ng campaign posters sa mga tahanan, pribadong lugar o di kaya ay sa mga pampublikong sasakyan basta’t may pahintulot mula sa may-ari.
Mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng campaign posters sa mismong sasakyan ng Pamahalaan.
84,652 ang opisyal na bilang ng mga rehistradong botante sa Kidapawan City ayon na rin kay Javier.
Magbubukas ang polling precincts eksaktong alas sais ng umaga ng May 13, 2019 at matatapos ang botohan ganap na alas sais ng gabi.
Tiniyak ng opisyal na nakahanda ang Comelec sa ano mang aberya sa mismong araw ng Halalan.
Secured din ang mga balota at Vote Counting Machines na gagamitin ng Comelec para matiyak na hindi magkakaroon ng dayaan.
Sa usapin naman ng posibleng brownout, pwedeng gamitin ang VCM’s dahil sapat ang enerhiya ng baterya nito, wika pa ni Javier.
May 6-10, 2019 naman nakatakdang dumating sa lungsod ang mga VCM’s kung saan ay isasabay na rin ang final testing at sealing ng mga ito.
Agad malalaman ng resulta ng eleksyon sa gabi ng May 13 dahil automated ang sistema ng botohan at bilangan, pagtatapos pa ni Javier.##(CIO/LKOasay)

thumb image

PRESS RELEASE
March 23, 2019
Patutsada ni VM Jun Piñol ipinagkibit balikat lang ni Mayor Evangelista
KIDAPAWAN CITY – IBINAGKIBIT BALIKAT lamang ni City Mayor Joseph Evangelista ang mga patutsada ni Vice Mayor Bernardo Piñol Jr. sa media sa ipinatawag na presscon ng huli March 20, 2019.
Maliwanag na testamento ang tatlong taong magkakasunod na pagkamit ng City Government sa Seal of Good Local Governance sa maayos na pamamahala sa lungsod, paliwanag pa ni Mayor Evangelista.
Matatandaang nagpatawag ng presscon ang bise alkalde kung saan ay inilahad niya ang kanyang pagkayamot sa kapabayaan umano ni Mayor Evangelista sa pamamahala sa lungsod.
Nangyari ang presscon matapos aprubuhan ng Sanggunian ang declaration of State of Calamity ng lungsod dahil sa El Niño.
Maala alang nadelay ang deklarasyon matapos kwestyonin ni Piñol ang pagpapasa nito sa pangambang gagamitin sa pamomolitika ni Mayor Evangelista.
Ignorante umano sa batas ng Omnibus Election Code si Piñol buwelta ng alkalde dahil mahigpit na ipinagbabawal ng batas na makisawsaw o sumali ang mga politiko sa relief operation.
Mismo kasing si Piñol pa ang humiling kay Mayor Evangelista na kung maari ay isali din sila sa relief operation bagay na pinagtawanan ng alkalde dahil mananagot silang lahat sa batas kapag nagkataon.
Sa usapin naman ng Peace and Order lalo na sa isyu ng shooting incidents na nangyari sa Kidapawan na siya namang ikinayayamot ni Piñol dahil umano sa kapabayaan ng alkalde, ibinunyag ni Mayor Evangelista na hindi alam ng bise alkalde ang kanyang mga pinagsasabi dahil hindi naman siya umaattend ng CPOC Meetings bilang Vice Chair.
Bahala na ang mga mamamayan ng lungsod kung maniniwala sila kay VM Piñol ayon pa sa alkalde.
” Let the people decide”, wika pa ni Mayor Evangelista sa kung sino sa kanila ni VM Jun Piñol ang nararapat na mamuno sa lungsod pagkatapos ng halalan sa Mayo.##Lloyd Kenzo Oasay/CIO

thumb image

Pang-apat na LET exams sa Kidapawan City sa March 24, 2019 na
KIDAPAWAN CITY – 3,665 NA MGA LICENSURE Examination for Teachers examinees ang kukuha ng kanilang pagsusulit sa lungsod sa March 24, 2019.
Pang-apat na pagkakataon na na ginanap ang LET sa Kidapawan City mula ng makipag ugnayan si City Mayor Joseph Evangelista sa Professional Regulations Commission o PRC upang mabigyan ng pagkakataon na maka exam dito ang mga Education Graduates na taga Kidapawan City at karatig lugar.
Apat na mga testing centers ang ilalagay ng City Government para sa mga LET examinees na kinabibilangan ng Kidapawan City National High School; Kidapawan City Pilot Elementary School; Colegio de Kidapawan at ang Notre Dame of Kidapawan College.
Maglalagay ng istriktong seguridad ang City Government at City PNP sa mga testing centers, paniniyak pa ni Mayor Evangelista.
Pinapayuhan din ang mga examinees na kung maari ay maagang pumunta sa testing centers ng maiwasan ang ano mang klase ng aberya.
May itinalagang mga kawani ng City Government si Mayor Evangelista sa mga testing centers na siyang aalalay sa mga kukuha ng pagsusulit.
” I wish all the LET Examinees the best of luck.”, mensahe pa ni Mayor Evangelista sa mga LET examinees. ##(CIO/LKOasay)

thumb image

P400 PTA Subsidy ipatutupad ni Mayor Evangelista pagsapit ng school year 2019-2020
KIDAPAWAN CITY – ITATAAS NI CITY MAYOR JOSEPH EVANGELISTA sa P400 ang Parents Teachers Association Subsidy kada estudyanteng naka enroll sa public schools pagsapit ng school year 2019-2020.
Nais ni Mayor Evangelista na gawing magaan para sa mga magulang na pag-aralin ang kanilang mga anak sa public schools. 
Ito ay pasasalamat na rin ng alkalde sa aktibong suporta ng mga magulang sa pagsusulong ng kanyang Education, Health and Nutrition programs sa mga pampublikong paaralan.
Ito ay mas mataas kumpara sa P300 na PTA subsidy sa kasalukuyan.
Sa pamamagitan nito ay halos malilibre na ang mga bayarin ng mga estudyante sa enrollment mula sa kindergarten hanggang senior high school sa mga pampublikong paaralan.
Tinatayang mahigit sa 36,000 na mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ang direktang makikinabang sa PTA subsidy.
Kada bata ang sakop ng PTA Subsidy, paglilinaw pa ni Mayor Evangelista.
Makakatulong din ito sa mga paaralan sa pagpapatupad ng mga proyekto ng PTA.
Nagsimulang ipatupad ang PTA subsidy sa P100 noong school year 2014-2015.
Inihayag ni Mayor Evangelista ang dagdag na PTA subsidy sa awarding ng cash incentives sa mga nanalong atleta sa SRAA Meet kamakailan lang.
Alinsunod din ang dagdag na PTA subsidy sa zero collection policy ng Department of Education.##(CIO/LKOasay)

thumb image

100 graduates nagtapos sa JobStart Ph program
KIDAPAWAN CITY – EKSAKTONG ISANGDAANG GRADUATES SA ilalim ng JobStart Philippines Program ang nagtapos sa kanilang short term courses noong March 15, 2019.
Layun ng programa ng mabigyan ng trabaho ang mga out of school youths, mga hindi nakapagtapos ng kolehiyo o yaong mga nagnanais makakuha ng skills development. 
Pinondohan ng Canadian Government, Asian Development Bank at ng Department of Labor and Employment ang JobStart program.
Para maisakatuparan ang JobStart, nakipagkasundo si City Mayor Joseph Evangelista sa pamamagitan ng Public Employment Services Office para mabigyan ng trabaho ang mga beneficiaries ng programa, sa mga local employers na naghahanap ng mga empleyado.
Ilan lamang sa mga local employers ay ang Auto Haven Inc, D Farmhaus Picnic Grove and Garden Resort, Institute for Motorbikes and Auto Mechanics Inc; Kidapawan Technical School and Training Center, GS Ferrolino Construction and Supply; North Point College of Arts and Technology; DOLE Stanfilco at iba pang partner employers.
Libre para sa mga beneficiaries ang six month training na ibinigay ng kanilang mga employers na may kaakibat pa na allowances.
Matapos ang training ay pwede na silang i-hire mismo ng employer kapag pumasa sa assessment ng Technical Education and Skills Development Authority.
May matatanggap na National Certification o NC 2 Eligibility mula sa TESDA ang pumasa sa assessment ng ahensya.
Ginanap ang graduation ceremony ng 100 JobStart graduates sa City Convention Center.
Ito ay dinaluhan ng mga kaanak ng mga graduates at mga dignitaries mula sa DOLE 12, TESDA, Asian Development Bank, Kidapawan City Government at mga partner employers.##(CIO/LKOasay)

Photo caption : JOBSTART GRADUATE: personal na iniabot ni DOLE 12 Regional Director Sisinio B. Cano ang Certificate of Completion ng isa sa mga graduates ng JobStart Ph noong March 15, 2019.(CIO Photo)

thumb image

Mayor Evangelista hindi gagamitin sa politika at ipauubaya sa tamang ahensya ang pagbibigay tulong sa mga sinalanta ng El Niño
KIDAPAWAN CITY – HINDI magagamit sa pamomulitika ang pinaplanong relief distribution ng City Government sa deklarasyon ng state of calamity sa lungsod bunga ng El Niño.
Ito ang pagbibigay linaw ni City Mayor Joseph Evangelista lalo pa at inaasahang mahahagip ng kampanya sa local positions ang distribution ng relief assistance sa mga naapektuhang pamilya at komunidad.
Kahit pa nga noong 2016 Elections na panahon din na nanalasa ang EL Niño at kahit wala siyang katunggali, hindi sumali at nagpakita si Mayor Evangelista sa mga relief distribution bilang pagtalima sa batas at pagpapakita ng delikadesa sa mga mamamayan.
Bagamat March 29, 2019 pa magsisimula ang kampanya, hindi niya pakikialaman ang pagbibigay ng tulong.
Bagkus, ipauubaya na lang niya ito sa CSWDO, CDRRMO at sa Philippine Red Cross ang pamamahagi ng tulong na kinabibilangan ng bigas, de-latang pagkain, instant noodles at iba pa.
Mahigpit na ipinagbabawal ng RA 10121 at ng Comelec ang pagsali ng mga politiko sa relief assistance.
Kaugnay nito ay umabot na sa mahigit limampu at tatlong milyong piso ang naitalang damyos sa mga pananim ng unang tatlong barangay na nagdeklara ng state of calamity sa lungsod.
Ang mga ito ay ang Macebolig, Malinan at Patadon.
Patuloy naman ang pagbibigay ng tubig maiinom ng City Government sa mga lugar na tuyo na ang balon at malayo sa linya ng Metro Kidapawan Water District.
P13 Million ang ipapalabas na pondo ng City Government para sa relief assistance.
May P18 Million namang nakalaan sa El Niño Action Plan para sa recovery kagaya ng pagbibigay ng binhi ng palay, mais at gulay na itatanim ng mga apektadong magsasaka kapag normal na ang pag-ulan at infrastructure projects para maibsan ang epekto ng tagtuyot tulad na lamang mga water systems.
Posibleng magagamit ng City Government ang pondo sa El Niño Action Plan kapag lumampas sa tinatayang panahon ang tagtuyot para madagdagan ang relief assistance para sa mga nasalanta, pagtitiyak pa ng CDRRMC.##(CIO/LKOasay)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio