Author: Ian Famulagan

You are here: Home

[tfg_social_share]


thumb image

KIDAPAWAN CITY (Sep 22, 2022) – ISA na namang tagumpay ang nakamit ng mga samahan ng Overseas Filipino Workers o OFWs sa Kidapawan City.

Ito ay makaraang makatanggap sila ng biyaya sa ilalim ng Tulong Puso grants mula sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA 12 at sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment o DOLE 12.

Ginanap ang ceremonial distribution ng Tulong Puso sa The Carpenter Hill, Koronadal City ngayong araw na ito ng Huwebes, Sep. 22, 2022.

Ang mga mapalad na asosasyon ay kinabibilangan ng OFW Associations ng Sikitan, Linangkob, Habitat (Sudapin), Kalasuyan na pawang tumanggap ng first tranche at Gayola at Binoligan na pawang tumanggap ng second tranche, ayon kay Aida R. Labina, Public OFW Desk Officer o PODO ng Kidapawan City.

Tig-P300,000 na halaga ng tseke ang natanggap ng Sikitan at Linangkob OFW Associations habang tig-P400,000 naman ang Habitat (Sudapin), Kalasuyan, Gayola, at Binolagan OFW Associations.

Kaugnay, nito pinasalamatan ni Labina si OWWA 12 Assistant Regional Director Arlene Bisnon na siya namang panauhing pandangal ng okasyon sa kapaki-pakinabang ng programa ng tanggapan.

Pinasalamatan din niya si Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo M. Evangelista sa patuloy na suporta sa PODO at sa mga OFWs sa lungsod.

Dumalo din sa nabanggit na ceremonial distribution si Surralah Municipal Mayor Pedro M. Matinong, Jr. at mga personnel mula sa tanggapan ni South Cotabato 1st District Representative Peter B. Miguel.

Layon ng Tulong Puso Program ng OWWA na suportahan ang mga lehitimong grupo o OFW associations sa pamamagitan ng pagbibigay ng grants upang magamit sa negosyo at iba pang uri ng livelihood o kabuhayan ng mga miyembro.

Nahahati naman ito sa tatlong bahagi – Livelihood Start-up o pagtatayo at pagsisimula ng negosyo, Livelihood expansion o pagpapalawak ng negosyo o pinagkakakitaan, at Livelihood Restoration o pagtulong sa mga negosyo o kabuhayan ng mga OFWs na matinding naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Kabilang naman ang mga nabanggit na OFW associations sa medium-sized OFW groups (16-30 members) kung kaya’t nakatanggap sila ng mula P300,000 to P400,000 na grant o funding kung saan lahat ng mga miyembrong OFW ay accredited /member ng OWWA. (CIO-jscj//if/photos by PODO Kidapawan)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Sep 22, 2022) – BILANG bahagi ng ayudang matatanggap mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD, isinagawa ang orientation ng Sustainable Livelihood Program o SLP para sa mga Overseas Filipino Worker o OFWs at mga Out-of-School-Youth o OSY mula sa Barangay Poblacion, Kidapawan City.

Abot sa 20 na OFws at 20 na OSY ang dumalo sa naturang aktibidad na ginanap sa Barangay Poblacion Gymnasium, Kidapawan City, alas-nuwebe ng umaga ngayong araw ng Huwebes, Sep. 22, 2022.

Mahalaga ang orientation para sa mga benepisyaryo upang maunawaan nila at magkaroon ng ibayong malasakit sa programa ng SLP na naglalayong tulungan ang iba’t-ibang sektor na una ng naapektuhan ng COVID-19 pandemic at iba pang kalamidad, ayon kay Micahel Joseph S. Salera, Project Development Officer II ng DSWD 12 na nanguna sa pagbibigay ng kaalaman sa mga partisipante kasama si Rex P. Tapia, personnel mula sa CSWD.

Nakapaloob sa orientation ang social preparation at capability building kasama na ang pagtatatag ng asosasyon ng mga benepisyaryong OFW at OSY, dagdag pa ni Salera.

Pinasalamatan ni Salera si Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista sa mahusay na koordinasyon at suporta sa mga programa ng DSWD para sa nabanggit na mga sektor.

Ipinarating din niya ang pasasalamat kay CSWD Officer Daisy P. Gaviola sa patuloy na implementasyon ng mga programa ng DSWD at paghimok sa mga benepisyaryo na pagbutihin at pagyamanin nang ang kanilang natatanggap na tulong upang ito ay maging instrumento sa pag-unlad ng kanilang buhay.

Sa kasalukuyan, abot na sa walo ang naitatag ng Sustainable livelihood Program Associations o SLPA sa Lungsod ng Kidapawan kung saan nakatanggap na ng mga tulong tulad ng business starter kits at iba pa ang mga benepisyaryo tulad ng Solo/Single Parent, Persons with Disability o PWD, Persons who Used Drugs o PWUD, OFW, at OSY. 

Mula naman sa Office of the President o tanggapan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, Jr. ang pondo ng DSWD12-SLP. (CIO-jscj//if/nl)

thumb image

Inaprubahan na ng mga miyembro ng Sanggunaing Panlungsod Ng Kidapawan ang Executive Legislative Agenda o ELA ng City Government. Nakasentro ang ELA sa konseptong LUNTIAN KIDAPAWAN na isinusulong ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa loob ng tatlong taong pamamahala. Nakapaloob dito ang mga programa at proyektong ipatutupad at tatahakin ng City Government.   Ang ELA ay inaprubahan ng konseho sa pamamagitan ng Resolution number 090 s. 2022 nito lamang September 8, 2022. (CIO

thumb image

KIDAPAWAN CITY – (September 21, 2022) UNTI-UNTI ng naisasakatuparan ng City Government of Kidapawan ang minimithing seguridad sa pagkain para sa mga Kidapawenyo at pagpapaunlad sa pamumuhay ng mga magsasaka ng lungsod.

Ito ay matapos pormal na ipinasa ng Department of Agriculture Region XII sa pamamagitan ng Agri-Business and Marketing Assistance Division (AMAD) nito ang bagong Kidapawan City Trading Post sa Barangay Magsaysay na nagkakahalaga ng P3M ngayong umaga ng Miyerkules, September 21, 2022.

Itinayo ang proyekto sa panahon ni dating City Mayor at ngayon ay Cotabato 2nd Legislative District Senior Board Member Joseph Evangelista upang tugunan ang pagkakaroon ng seguridad sa pagkain ng mga Kidapawenyo laban sa pananalasa ng COVID-19 pandemic na naka-apekto sa kabuhayan ng marami.

Sa kanyang mensahe, Pinasalamatan ni Mayor Atty. Pao Evangelista ang Department of Agriculture o DA sa pagbibigay ng proyekto na mapapakinabangan ng mga magsasaka sa lungsod.

Sinabi ni Mayor Evangelista na hindi lamang sa pagtatanim dapat umalalay ang gobyerno sa mga magsasaka, bagkus ay tungkulin din ng gobyerno na bigyang insentibo ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na maibenta ng tama ang kanilang mga produkto.

Maraming mga pamilyang Kidapawenyo ang naka depende sa agrikultura, dagdag pa ni Mayor Evangelista, kung kaya at prayoridad ng kanyang liderato na mapa-unlad ang kabuhayan ng mga magsasaka.

“𝘐𝘧 𝘸𝘦 𝘦𝘭𝘦𝘷𝘢𝘵𝘦 𝘵𝘩𝘦 𝘲𝘶𝘢𝘭𝘪𝘵𝘺 𝘰𝘧 𝘢𝘨𝘳𝘪𝘤𝘶𝘭𝘵𝘶𝘳𝘦 𝘪𝘯 𝘒𝘪𝘥𝘢𝘱𝘢𝘸𝘢𝘯, 𝘸𝘦 𝘢𝘭𝘴𝘰 𝘦𝘭𝘦𝘷𝘢𝘵𝘦 𝘵𝘩𝘦 𝘦𝘤𝘰𝘯𝘰𝘮𝘪𝘤 𝘴𝘪𝘵𝘶𝘢𝘵𝘪𝘰𝘯 𝘰𝘧 𝘧𝘢𝘮𝘪𝘭𝘪𝘦𝘴 𝘪𝘯 𝘒𝘪𝘥𝘢𝘱𝘢𝘸𝘢𝘯. 𝘐𝘧 𝘸𝘦 𝘨𝘪𝘷𝘦 𝘵𝘩𝘦𝘮 𝘰𝘱𝘱𝘰𝘳𝘵𝘶𝘯𝘪𝘵𝘪𝘦𝘴 𝘵𝘰 𝘱𝘳𝘰𝘷𝘪𝘥𝘦 𝘧𝘰𝘰𝘥 𝘰𝘯 𝘵𝘩𝘦 𝘵𝘢𝘣𝘭𝘦, 𝘐 𝘵𝘩𝘪𝘯𝘬 𝘵𝘩𝘦 𝘨𝘰𝘷𝘦𝘳𝘯𝘮𝘦𝘯𝘵 𝘩𝘢𝘴 𝘢𝘭𝘳𝘦𝘢𝘥𝘺 𝘥𝘰𝘯𝘦 𝘪𝘵𝘴 𝘱𝘢𝘳𝘵 𝘵𝘰 𝘦𝘭𝘦𝘷𝘢𝘵𝘦 𝘵𝘩𝘦 𝘭𝘪𝘷𝘦𝘴 𝘰𝘧 𝘪𝘵𝘴 𝘱𝘦𝘰𝘱𝘭𝘦”, mensahe pa ni Mayor Evangelista.

Magsisilbing food terminal ang bagong pasilidad na papatakbuhin ng City Agriculture Office kung saan ay bibilhin ng City Government ang mga produkto ng mga magsasaka.

Mula sa Trading Post ay ibabyahe at ipagbibili ng lungsod ang mga agricultural products nito sa mas malalaking pamilihan sa ibang lugar ng bansa.

Nagmula naman ang pondo sa DA samantalang nagsilbing equity ng City Government ang lupa kung saan itinayo ang Trading Post.

Pinangunahan nina Mayor Evangelista at ni DA12 AMAD Chief Dr. Ismael Intao ang turn-over ceremony ng Trading Post kung saan ay binasbasan naman ni Rev. Fr. Alfredo Palomar, DCK.

Dumalo din sina SP Committee on Agriculture Chair Carlo Agamon, City Agriculturist Marissa Aton at mga opisyal ng DA at City Government sa nabanggit na aktibidad.

Tiniyak naman ni Mayor Evangelista na pangangalagaan at patatakbuhin ng maayos ng City Government ang bagong Kidapawan Trading Post. (CMO-cio)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – ( September 19, 2022) – NAGING POSITIBO ang resulta ng ginawang pakikipagpulong ni Kidapawan City Mayor Atty.Jose Paolo M. Evangelista sa mga City Mayors ng Rehiyon dose nitong September 16, 2022.Layunin ng pagpupulong ang pagkakaroon ng matatag na ugnayan ng mga Local Chief Executives o mga City Mayors ng bawat rehiyon alinsunod sa mithiin ng League of Cities in the Philippines o LCP.Nagsilbing host ng luncheon meeting si Koronadal City Mayor Eliordo Ogena.Maliban kina Mayor Ogena at Evangelista, dumalo din si Tacurong City Mayor George Lechonsito samantalang di naman nakadalo si General Santos City Mayor Lorelie Pacquiao dahil sa naunang engagement nito.Gayunpaman ay pinag-usapan nina Mayor Ogena, Evangelista at Lechonsito ang kani-kanilang best practices sa usapin ng maayos na pamamahala at pagpapatakbo ng kani-kanilang Local Government Units.Si Mayor Ogena ay nasa kanyang ikalawang termino, ay siyang representante ng Region 12 sa maimpluwensyang LCP.Habang sina Mayor Evangelista, Lechonsito at Pacquiao ay mga neophyte Local Chief Executives.Tiniyak ng naturang mga opisyal na sa pamamagitan ng matatag na ugnayan ng mga lungsod ng Kidapawan, Koronadal, Tacurong at General Santos City ay mas lalago pa ang kanilang mga nasasakupan at buong SOCCSKSARGEN Region sa pangkalahatan.##(CMO-cio with reports from Tacurong City LGU)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (September 19, 2022)- BINIGYAN ng pagkilala ang limang mga barangay sa Lungsod ng Kidapawan na naglalayong makapasa sa Second Level Accreditation ng Adolescent-Friendly Health Facility.

Kabilang dito ang mga barangay ng Mua-an, Manongol, Patadon, Magsaysay, at Gayola kung saan ginanap ang awarding sa City Hall Lobby, alas-otso y media ngayong araw ng Lunes, Sep. 19, 2022.

Mula sa tanggapan ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang nabanggit na mga Certificate of Appreciation at ang mga cash incentives na tinanggap ng mga Punong Barangay.

Ito ay bilang suporta na rin sa  limang barangay upang mas mahusay nilang maipasa ang mga itinakdang guidelines at checklist ng Department of Health o DOH.

Nakapaloob rito ang mga programa para sa kapakanan at kagalingan ng mga adolescents o teenagers, ayon kay Virginia Ablang, Adolescent Health Program Coordinator at Population Commission Designated Nurse In-charge.

Kabilang rin dito ang national standards for adolescent service package, action plan for Information Dissemination, policies for flexible time, provision of service, and payment schemes, plan for outreach program, Information and Education Campaign materials, certificates of training at iba pa.

Kinakitaan din ang mga barangay na ito ng pagsunod sa mga protocols at iba pang altuntunin na itinakda ng DOH na nagpapatunay na naging prayoridad nila ang kapakanan ng mga kabataan.

Sinabi ni Mayor Evangelista na napapanahon ang pagkilala sa naturang mga barangay dahil magsisilbi silang mabuting halimbawa sa iba pang mga barangay pagdating sa pangangalaga, proteksyon at kagalingan ng mga adolescents. Maliban kay Mayor Evangelista at Ablang, dumalo din sa awarding program si City Health Officer Dr. Jocelyn Encienzo at iba pang personnel City Health Office. (CIO-jscj/aa/if)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Sep 16, 2022) – NARARAPAT lamang na gawing prayoridad ng mga opisina at ng iba’t-ibang establisimiyento ang disaster preparedness o pagiging handa sa anumang sakuna na posibleng mangyari anumang oras.

Ito ang binigyang-diin ni City Disaster Risk Reduction and Management o CDRRM Officer Psalmer Bernalte sa seminar na dinaluhan ng abot sa 57 empleyado ng With Love John Foundation na matatagpuan sa Barangay Nuangan, Kidapawan City.

Nakatuon sa Disaster Preparedness, Risk Assessment and Skills Training ang naturang seminar na ginanap sa compound ng With Love John Foundation, alas-nuwebe ng umaga ngayong Biyernes, Sep. 16, 2022.

Ibinahagi sa mga partisipante ang kahalagahan ng disaster preparedness kabilang na ang mahahalagang element tulad ng Prevention, Mitigation, Preparedness, Response, and Recovery.

Sinabi ni Bernalte na bilang mga personnel, ay hindi lamang sa trabaho o office at business work dapat nakatutok ang mga empleyado ngunit pati na rin sa aspeto ng kaligtasan at wastong pagtugon sa oras ng kalamidad.

Kabilang naman sa mga kalamidad na ito ay man-made calamity tulad ng arson o sunog, pagpapasabog at iba’t-ibang uri ng pagbabanta sa buhay ng tao at natural calamity gaya ng flashflood, landslide, volcanic eruption, earthquake at iba pa.

“Kailangang naka-focus at may sapat na kahandaan ang ating mga personnel pagdating ng mga kalamidad o disaster upang walang buhay na malalagas at kung may kasiraang mangyayari ay hindi ganoon kalaki ang damages sa mga ari-arian o mga gamit”, ayon kay Bernalte.

Matapos naman ang training ay nagsagawa ng fire and earthquake drill ang mga partisipante sa pangunguna ni Bernalte kasama ang mga personnel ng CDRRMO.

Mahalaga raw ito para madagdagan pa ang kahandaan ng mga personnel at kumpiyansa sa kanilang sarili, ayon pa kay Bernalte

Kaugnay nito, pinasalamatan ni With Love Jan Foundation Safety Officer Engr. Francis Abing si Bernalte at si City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista sa patuloy na pagsisikap na mabigyan ng sapat na kaalaman at kahandaan ang mga mamamayan para sa pagdating ng mga sakuna o kalamidad anumang oras. (CIO-jscj/if//photos by CDRRMO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (September 15, 2022) – TINIYAK ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA 12 na ginagawa ng tanggapan ang lahat ng makakaya para sa  kaligtasan at kaayusan ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs.

Sa pamamagitan ng webinar na pinangunahan ni OWWA 12 Regional Director Marilou M. Sumalinog ngayong umaga ng Huwebes, September 15, 2022 ay muling ibinahagi ng OWWA 12 ang mga programa at serbisyo ng tanggapan para sa mga OFW at mga pamilya nito.

Nakiisa sa pulong ang iba’t-ibang  mga Public OFW Desk Officer o PODO sa rehiyon kabilang si Aida Labina, PODO ng Kidapawan City.

Kabilang sa mga programa ng OWWA ay ang mga sumusunod: Livelihood Assistance fotr active members of OWWA, Educational Scholarship to college and skills training under TESDA, Repatriation of distressed OFWs and human remains, medical assistance and death and burial assistance.

Nakapaloob din dito ang OFW cases, Seafarers Business Individual Loans, “Sa Pinas Ikaw ang Mam at Sir (for licensed teachers working abroad), OFW associations at OFW children’s circle.

Sa naturang webinar ay binigyang-diin ni RD Sumalinog ang pagsisikap ng OWWA na itaguyod ang kapakanan ng mga OFW kasama ang kanilang mga pamilya.

Partikular na pinasalamatan ni RD Sumalinog ang mga PODO na siyang nilalapitan at kumukilos sa tuwing may kinakaharap na problema o isyu ang mga manggagawa sa ibayong dagat.

Bago lamang ay apat na mga OFWs mula sa Kidapawan City na nakaranas ng suliranin ang natulungang makauwi at makabalik sa kanilang pamilya. Ito ay kinabibilangan nina Jubelyn A. Rosas (Barangay Poblacion), Almarie B. Duengas (Barangay Balindog), Myrna T. Empleo (Barangay San Roque), at Elizabeth A. Caboneta (Barangay Mateo).

Pinasalamatan nila si Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo M. Evangelista at si PODO Labina sa mabilis na pagkilos ng City Government of Kidapawan at mahusay na koordinasyon sa mga concerned agencies tulad ng OWWA, POEA at iba pa kaya’t sila ay nakauwi sa lungsod at muling nakapiling ang kani-kanilang pamilya. (CIO-jscj/if/photos by PODO Kidapawan)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (September 15, 2022) – SAMA-SAMANG lumahok sa isang makabuluhang aktibidad ang mga miyembro ng Kidapawan City Organic Practitioners and Producres Association o KOPPA.

Ito ay sa pamamagitan ng farmers field day at techno demonstration on organic production na bago lamang ginanap sa Barangay Macebolig, Kidapawan City.

Layon nito na mabigyan ng dagdag na kaalaman aat makabagong pamamaraan ng mga miyembro patungkol sa organic production kasama ang iba pang mga crop growers sa lungsod.

Si Levi G. Fortuna, Department of Agriculture o DA12 Regional Technical Director for Monitoring, Evaluation, and Special Concerns at Maria Corazon Sorilla, Focal Person, DA12 Regional Organic Production ang mga naging bisita sa naturang okasyon.

Naging sentro o highlight ng field day at techno demo ang “Harvest Festival” ng KOPPA kung saan ipinakita ng mga kasapi ang masaganang ani ng organic rice.

Sinundan naman ito ng pamamahagi ng farming inputs tulad ng fertilizers at small farming tools para sa mga KOPPA members o mga partisipante.

Mula naman sa DA12 Organic Agriculture Program ang mga ipinamahaging farming inputs.

Samantala, bago lamang din ay ginanap ang induction of officers ng City Agriculture and Fisheries Council o CAFC ng Kidapawan sa Conference Room ng City Agriculturist Office.

Nanumpa bilang prersidente ng CAFC si Allan M. Masibay.

Si Kidapawan City Councilor at Chairperson of Agriculture Committee ng Sangguniang Panlungsod ang nagsilbing Inducting Officer.

Sa naturang pagkakataon ay nagbigay ng message of support si Kidapawan City Agriculturist Marissa T. Aton at inilatag niya ang mga programa para sa Agri-Fishery sector ng lungsod.

Nagbigay din ng suporta sa aktibidad sina CAFC Coordinator Efren E. Temario. (CIO-jscj/photos by OCA)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Sep 12, 2022) – NADAGDAGAN pa ang mga bagong pasilidad ng Kidapawan City Police Station o KCPS.

Ito ay makaraang ganapin ang Blessing and Turn-Over Ceremony ng bagong tayong Barracks ng KCPS ngayong umaga ng Lunes, bandang 8:30 ng umaga sa pangunguna ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista kasama si Kidapawan City Chief of Police PLTCOL Peter L. Pinalgan, Jr.

Taglay ng bagong barracks ang apat na mga silid na mag sisilbing quarters at pahingahan ng mga personnel ng city police.

Nakapaloob sa programa ang signing of deed of donation, ribbon cutting, blessing ng bagong gusali na pinangunahan ni Fr. Alfredo P. Palomar, DCK, at mensahe mula kay Mayor Evangelista kung saan binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa lungsod.

Nagmula sa City Government of Kidapawan ang halaga ng pondong ginamit sa pagpapatayo ng naturang barracks na abot sa P500,000.

Resulta naman ito ng ibayong koordinasyon at pagtutulungan ng KCPS at ng City Government of Kidapawan para sa ikabubuti ng mga personnel ng local police. (CIO-jscj/if/vb)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio