NEWS | 2022/10/10 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (October 10, 2022) – PORMAL ng nagbukas ang bagong Trading Post o Bagsakan ng gulay sa Barangay Magsaysay, Kidapawan City ngayong araw na ito ng Lunes, Oct. 10, 2022.
Kaugnay nito, “ibinagsak” sa lugar ang mga preskong gulay at isda (tilapia at hito) para sa mga wholesalers (10 kilos above) ng mga nabanggit na produkto sa murang halaga lamang.
Mga miyembro ng Kidapawan City Vegetable Growers Association at mga fisherfolks mula sa mga barangay ang “nagbabagsak” ng kanilang produkto sa Trading Post.
Kabilang sa mga gulay na mabibili sa “bagsakan” ay pechay, talong, kalabasa, pipino, broccoli, radish, pati na sibuyas at kamatis.
Mga naglalakihang hito at tilapia naman ang maaaring mabili ng mga consumers.
Layon nito na matulungan ang mga local vegetable at local fisherfolks na magkaroon ng sure market ang kanilang ani o produkto at palakasin pa ang food production and sustainability sa lungsod, ayon kay City Agriculturist Marissa T. Aton.
Samantala, nagsimula na ring magbenta ng bigas ang mga local rice farmers sa Trading Post at ito ay maaaring wholesale at per sack – 50kg (P1,800.00), 25kg (P900.00), habang mura lang din ang presyo bawat kilo ng bigas sa halagang P37.00.
Nakapaloob naman ito sa buy-back program ng City Government of Kidapawan na naglalayong mabigyan ng mas malaking oportunidad ang mga local rice farmers.
Pinondohan ng Dept. of Agriculture 12 sa ilalim ng Agri-Business and Marketing Assistance Division ang nabanggit na Trading Post ng abot sa P3M kung saan isinagawa ang turn-over ceremony mula sa kamay ng DA12 patungong City Government of Kidapawan noong Sep. 21, 2022.
Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ay bukas ang Trading Post para sa mga retailers at mga consumers sa pangkalahatan.
Sa kabilang dako, patuloy naman ang retail o pagbebenta ng tingi ng mga preskong gulay, hito, at tilapia sa Kidapawan Farmer’s Market sa harap ng City Hall sa mababang halaga mula Lunes hanggng Biyernes. Ito, ayon kay Aton ay upang mapagsilbihan o mabigyan naman ng pagkakataon ang mga households na makabili ng nabanggit na mga produkto sa mas murang halaga direkta mula sa mga vegetable farmers at wala ng middlemen. (CIO-jscj//if//photos CIO/OCA)