Listahan ng mga botante ilalabas na bago matapos ang Enero 2019

You are here: Home

[tfg_social_share]


NEWS | 2019/01/15 | LKRO


thumb image

Listahan ng mga botante ilalabas na bago matapos ang Enero 2019

KIDAPAWAN CITY – IPAPALABAS na ng City Comelec ang opisyal na listahan ng mga rehistradong botante sa lungsod bago matapos ang Enero 2019.

Ito ay kinumpirma mismo ni City Election Officer Diosdado Javier ng tanungin ukol sa mga ginagawang paghahanda ng kanyang opisina sa Mid Term Elections sa Mayo 2019.

Makatutulong ang listahan para malaman ng mga voters kung saang presinto sila buboto sa eleksyon, wika pa ni Javier na bago lang muling itinalaga sa Comelec Kidapawan City.

Ang nakalimbag na listahan ng botante ay ipapaskil ng Comelec sa labas ng kanilang opisina sa likurang bahagi ng City Gymnasium.

84,651 ang opisyal na bilang ng rehistradong botante sa Kidapawan City kung saan ay hinati sa 110 precincts ang apatnapung barangay nito, ayon na rin sa datos ni Javier.

Dahil nagsimula na rin ang Election period noong January 13, 2019, may mga panuntunan na dapat sundin ang lahat ng mga kumakandidato sa iba’t-ibang posisyong lokal pati na rin ang mga botante.

Una na rito ang pagbabawal sa pagdadala ng baril o ano mang uri ng sandata alinsunod na rin sa pinaiiral na Comelec Gun Ban.

May inilagay na check points ang PNP at AFP para sa pagpapatupad ng gun ban, wika pa ng opisyal.

Pwedeng maglagay ng posters ng pagbati ang mga kumakandidato basta’t hindi nakalagay ang “vote for” para sa kanya.

Ganito rin ang panuntunan kung gumagamit ng Facebook o alin mang social media ang kumakandidato, paliwanag pa ni Javier.

Magsisimula ang campaign period para sa mga national candidates sa Pebrero 12 habang Marso 30 naman sa local positions.

Mula Enero 12 hanggang Hunyo 12, 2019 ang election period. ##(CIO/LKOasay)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio