NEWS | 2023/02/01 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Enero 30, 2023) – ISANG mahalagang araw para sa Lungsod ng Kidapawan ang Enero 30, 2023 partikular na sa kampanya laban sa sakit na COVID-19.
Ito ay dahil sa pagsasagawa ng Special Vaccination Day na laan para sa general population ng lungsod tulad ng pedia, adults, senior citizens at mga persons with comorbidity o immune-compromised individuals.
Ang Provincial Government of Cotabato sa pakikipagtulungan ng City Health Office ng Kidapawan ang nanguna sa pagpapatupad ng special vaccination day.
Layon ng aktibidad na mabigyan ng karagdagang proteksiyon laban sa COVID-19 virus ang mga mamamayan ng lungsod at mas mapalakas pa ang kanilang immunity, ayon kay Evelyn Cari, ang National Immunization Program Coordinator ng Kidapawan City,
VC… Cari
Nagtalaga ng limang vaccination sites ang City Health Office upang maging sistematiko ang vaccination at hindi na kailangan pang magtungo ang mga nasa malalayong barangay sa CHO para magpabakuna.
Naging mainit naman ang tugon ng mga residente sa mahalagang araw na ito. Sa City Health Office, maaga pa lamang ay dumagsa na ang mga gustong tumanggap ng bakuna at sumailalim sa mga hakbang o steps in vaccination.
Karamihan sa kanila ang mga adults na nagpaturok ng first at second booster shots pero meron pa ring mga ngayon lamang nakapag desisyon na magpabakuna na, ayon sa CHO.
Sa Kidapawan City Pilot Elementary School o KCPES kung saan nagpabakuna ang mga pedia o mga kabataan edad pitong taon pataas ay sinamahan ng kanilang magulang o care takers dala ang kanilang mga birth certificates, vaccination cards at iba pa dokumento bilang patunay sa kanilang edad.
Maliban sa mga mag-aaral ay marami ding guro mula sa Kidapawan City Schools Division ang nagpabakuna dahil para sa kanila sa tuwina ay exposed sila sa iba’t-ibang tao at kailangan nila ang karagdagang proteksiyon sa pamamagitan ng booster shots.
Pfizer at Sinovac ang brand ng mga bakuna na ibinigay sa mga vaccinees at sapat ang supply nito para sa mga nagpabakuna.
At bilang incentive namahagi naman ang Provincial Government of Cotabato ng P200 bawat vaccinee na ikinatuwa naman ng mga pumila sa vaccination sites
Sa report na ibinigay ng CHO, abot sa 796 ang mga nagpabakuna kahapon mula sa limang vaccination site. Sa bilang na ito ay tiyak na nadagdagan pa ang mga indibidwal na may kumpletong proteksiyon sa katawan laban sa nakamamatay na COVID-19.
Sabi pa nga ng mga batang nagpabakuna sa barangay.
Inaasahan naman na sa susunod na mga araw ay magsasagawa muli ng special vaccination ang City Health Office sa pakikipagtulungan ng Provincial Government of Cotabato upang madagdagan pa ang bilang ng mamamayan na may kumpletong proteksyon laban sa COVID-19.