KIDAPAWAN CITY – (February 21, 2024) PORMAL NG IBINIGAY NG Department of Agriculture o DA XII ang nagkakahalaga ng 1M na Hydroponics Greenhouse Project para sa mga guro at kasapi ng Kidapawan City Pilot Elementary School (KCPES) Teachers and Employees Association.
Ang proyektong nabanggit ay mula sa National Urban and Peri-Urban Agriculture Project ng DA XII. Dito itatanim ang mga gulay tulad ng lettuce.
Itinayo ang proyekto sa pamamagitan na rin ng tulong ng City Government of Kidapawan sa mga guro at kawani ng paaralan mula sa DA XII.
Magsisilbing income generating project ng mga guro at kawani ng paaralan ang proyektong ito.
Personal na iniabot ni Dr. Rey Domingo ng DA XII sa pamunuan ng KCPES sa pamamagitan ng kanilang School Principal Ms. Noemi N. Cawagas, City DepEd Schools Division Superintendent Miguel Fillalan, Jr. at Mark Jullius O. Bula President ng KCPES Teachers and Employees Association ang Hydroponics Greenhouse Project nitong umaga ng Martes, February 20, 2024.
KIDAPAWAN CITY (February 21, 2024) – NAIS GAYAHIN ng Local Government Unit ng Midsayap, Cotabato ang konsepto ng Farmers Trading Post o Bagsakan ng mga produkto ng magsasaka at Luntian Clean and Green Agri-Fair (Merkado Kidapaweño) na programa ng City Government.
Nais pag-aralan ng LGU Midsayap ang konsepto ng matagumpay na pagpapatupad ng nabanggit na mga programa ng City Government para na rin makatulong na mai-angat ang kabuhayan ng mga magsasaka sa kanilang munisipyo.
Makakatulong ang programa lalo na sa aspeto sa kung papano maibebenta ng mga magsasaka ng Midsayap ang kanilang produkto.
Mga Agricultural Technicians na naka assign sa agribusiness at high value crops sa pangunguna ni Ms. Jane Oqueriza ang team na nagmula sa LGU Midsayap.
Malugod silang tinanggap ni City Agriculturist Marissa T. Aton sa kanilang pagbisita sa Farmers Trading Post sa Barangay Magsaysay ng lungsod.
Ipinaliwanag din ng opisyal ang konsepto sa likod ng matagumpay na Luntian Merkado Kidapaweño.
Kidapawan City (February 21, 2024) – Masayang sinalubong ng mga maliliit na negosyante mula sa Suroyan sa Kidapawan sa Overland Terminal si City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista kahapon, February 20.
Kasama ng Alkalde, si Department of Labor and Employment Provincial Director Ernesto Coloso na may dalang magandang balita para sa mga stall owners.
Isinagawa kahapon ang MOA signing sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan at DOLE XII kung saan makakatanggap ng Livelihood Assistance ang mga negosyante sa Suroyan.
Dagdag puhunan ang hatid ng pinirmahang kasunduan na aabot sa mahigit kumulang P30,000.00 ang tatanggapin ng bawat isa.
Ayon sa mga Opisyal hindi cash ang matatanggap ng mga Beneficiaries, kung di mga kagamitan, raw materials at iba pang makakatulong sa kanilang pangkabuhayan. Malaki naman ang pasasalamat ng mga local vendors dito.
Ang nasabing programa ay isinakatuparan sa layong mabigyan ng dagdag na tulong ang Kidapawaneños na araw-araw na nagtitinda sa lugar.
Present rin sa MOA Signing si Suroyan Manager Kris Eigor Tan, PESO Manager Herminia Infanta at Atty. Levi Tamayo ng Civil Society Development Unit na may malaking ambag at pagsuporta sa programa.
KIDAPAWAN CITY (February 20, 2024) – Limang groundbreaking ceremony ang pinangunahan nila City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista, City Vice Mayor Melvin E. Lamata, Jr. at mga City Councilors nito lamang Martes, February 20.
Tinugonan ng Lokal na Pamahalaan ang problema sa daan ng tatlong mga lugar sa lungsod sa pamamagitan ng pagpapasaayos dito. Isinagawa ang groundbreaking ceremony para sa Road Concreting Project at Reinforced Cement Pipe Culvert o RCPC sa Purok 7A, Purok 5C at St. Therese Village ng Barangay Sudapin, Purok Avocado patungong Purok Santol ng Barangay Luvimin at Purok 6 ng Barangay Magsaysay.
Naging mainit naman ang pagtanggap ng mga opisyales mula sa tatlong barangay. Kanilang ipinagpasalamat ang nasabing proyekto na magbibigay ng kaginhawaan sa mga mamamayan nito.
Inaasahan namang matatapos ang mga proyektong ito sa buwan ng Abril at Mayo ng taong kasalukuyan.
KIDAPAWAN CITY – ( February 20, 2024) TUMANGGAP ng Certificate of Completion at P10,000 cash incentive ang tatlong (3) Gagmay’ng Kristohanong Katilingban o GKK na nagtanim ng daan-daang puno sa ilalim ng Canopy’25 program ng City Government.
Inabot mismo ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang certificates at cash incentives sa Immaculate Conception GKK ng Barangay Mua-an, Our Mother of Perpetual Help GKK Barangay Nuangan at Sto. Niňo GKK ng Barangay Ginatilan.
600 na bilang ng durian seedlings ang itinanim ng Immaculate Conception, 200 seedlings (50 durian, 50 mangosteen at 100 lanzones) ang sa Our Mother of Perpetual Help at 827 durian seedlings naman sa Sto Niňo.
Itinanim ng nabanggit na mga GKK’s ang dami ng puno sa bakuran ng kanilang mga miyembro at sa iba’t-ibang lugar na rin ng kanilang pamayanan.
Iginawad ang certificates at cash incentives sa mga GKK sa ginanap na Convocation Program ng City Government, Lunes ng umaga, February 19, 2024.
KIDAPAWAN CITY (February 19, 2024) – Pinangunahan ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista, City Vice Mayor Melvin E. Lamata, Jr. at City Councilors ang groundbreaking ceremony para sa nakatakdang ipapagawang Road Concreting, Reinforced Cement Pipe Culvert or RCPC, Open Canal at Slope Protection sa mga Barangay ng Kalasuyan at New Bohol, nito lamang araw ng Lunes, February 19.
Ito ay pauna lamang sa labing apat (14) na proyekto na nakatakdang isagawa ang groundbreaking ceremony ngayong linggo.
Ito ay upang bigyan ng pangmatagalang solusyon ang problema ng mga barangay sa daan na paulit-ulit na lang inaayos, lalo na tuwing tag-ulan.
Matatapos ang mga proyekto ngayong buwan ng Mayo at Hulyo ng taong kasalukuyan.
Kidapawan City (February 19, 2024) – Inulan man noon ng reklamo at komento ang mga Tricycle drivers sa Kidapawan City, mas marami pa rin ang may mabubuting loob na bumabyahe sa lungsod ayon kay Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista.
Patunay na rito ang labing tatlong (13) mga Good Samaritan Tricycle Drivers na binigyang pagkilala ng City LGU sa isinagawang Convocation Ceremony, Lunes ng umaga.
Karamihan sa kanila ay nakapagsauli ng mga naiwang mahahalagang kagamitan sa kanilang pampasaherong unit tulad ng bag, pitaka na naglalaman ng mahahalagang dokumento, identification cards, pera na nagkakahalaga ng 44,000.00 at cellphone.
Binigyan din ng pagkilala ng alkalde ang isang concerned citizen na may matapat na adhikain matapos niyang isauli ang natagpuan niyang black pouch na may lamang 50,000.00.
Bahagi ng naging mensahe ni Mayor Evangelista sa programa, na naway pamarisan ng mas marami ang ginawa ng mga nabanggit, umaasa rin siya na mas maraming Kidapaweños pa ang magiging matapat at mapagkakatiwalaang mamayan ng lungsod.
KIDAPAWAN CITY – ( February 19, 2024) BINIGYANG PARANGAL AT PAGKILALA ng City Government of Kidapawan ang dalawang elementary pupils na nanalo ng medalya sa Asian Open Schools (AOS) Invitational Aquatics Championship sa bansang Thailand kamakailan lang.
Tumanggap ng Certificate of Recognition mula kay City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista sina Ylaenna C. Lonzaga, Grade 2 pupil ng Notre Dame of Kidapawan College Integrated Basic Education (NDKC-IBED) at One T. Dela Cruz, Grade 4 pupil naman ng Northwest Hillside School na parehong matatagpuan sa lungsod ng Kidapawan.
Nagwagi si Lonzaga ng limang (5) gold medal, isang (1) silver, at tatlong (3) bronze, samantalang dalawang bronze naman ang napanalunan ni Dela Cruz sa AOS Invitational Championships 2024 na ginanap sa Assumption University Aquatic Center sa Bangkok Thailand.
Tumanggap din ng kahalintulad na Certificate of Recognition ang kanilang coach na si Benito Rebong sa Convocation Program ng City Government ngayong umaga ng Lunes, February 19.
KIDAPAWAN CITY – ( February 18, 2024) APATNAPU AT PITONG (47) mga violators ng Section A ng City Ordinance number 18-1211 o ang pagbabawal na manigarilyo o mag vape sa mga pampublikong lugar ang pinagmulta ng Kidapawan Anti Vice Regulation and Enforcement (KIDCARE) Unit.
Ang bilang ay base na rin sa kanilang Apprehension Report na may petsang January 30 – February 10, 2024 kung saan nahuli ang naturang bilang ng mga violators sa iba’t ibang lugar sa Kidapawan City.
P1,500 para sa 1st Offense, P 3,000 para sa 2nd Offense at P5,000 para sa 3rd Offense ang multang babayaran ng mga violators, base na rin sa probisyong nakasaad sa ordinansa.
KIDAPAWAN CITY – (FEBRUARY 17, 2024) NAGBIGAY ng malawakang impormasyon ang City Government para sa kapakanan ng riding public na magrereklamo laban sa mga pasaway na driver o operator ng tricycle.
Nitong umaga ng February 17, araw ng Sabado, naglagay ng sticker sa mga rehistradong tricycle ang City Government na siyang magbibigay ng gabay sa mga pasahero kung papaano at kanino sila magrereklamo laban sa mga driver o operator ng tricycle na mananamantala sa kanila.
Ganito ang pamamaraan ng tamang pagrereklamo : Kunin ang KD Number ng tricycle at pangalan ng driver.
a. itawag o itext sa hotline number o i-message sa FB pages ang mga sumusunod na detalye: petsa at oras ng pangyayari, ilahad ang totoong ginawa ng driver sa pasahero,
b. Pwede din na ipaabot ang reklamo sa TODA o asosasyon kung saan miyembro ang driver pati na kung saan ang kanyang ruta.
Ipapaalam ng City Government sa pasaherong nagrereklamo kung kailan gagawin ang hearing sa adjudication board para mapatawan ng kaukulang disciplinary action ang driver o operator.
Narito naman ang hotline numbers ng padadalhan ng reklamo: 𝗔𝗱𝗷𝘂𝗱𝗶𝗰𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗕𝗼𝗮𝗿𝗱 #𝟬𝟵𝟲𝟯-𝟴𝟬𝟬-𝟭𝟮𝟬𝟵, 𝗧𝗠𝗘𝗨 # 𝟬𝟵𝟮𝟬-𝟰𝟬𝟬-𝟰𝟮𝟲𝟲 𝗮𝘁 𝗣𝗡𝗣 #𝟬𝟵𝟯𝟵-𝟴𝟭𝟮-𝟳𝟭𝟲𝟵.
Pwede din sa Facebook page ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista (FB Atty Pao Evangelista) at sa TMEU (FB Traffic Management and Enforcement Unit – Kidapawan City.
Ginawa ang paglalagay ng sticker sa loob ng tricycle sa harap ng St. Mary’s Academy at Mariposa Building ng Kidapawan City Pilot Elementary School.