KIDAPAWAN CITY – PINURI KAPWA NG World Health Organization -WHO Western Pacific Region at ng United Nations International Children’s Emergency Fund o UNICEF ang matagumpay na vaccination roll out kontra Covid19 na ipinatutupad ng City Government of Kidapawan.
Resulta ito sa nasaksihan at nalaman na mga ‘good vaccination practices ng City Government’ ng mga kinatawan mula sa WHO at UNICEF sa kanilang ginawang Covid Vaccine Post Introduction Evaluation sa lungsod kahapon, April 20, 2022.
Personal na ipinaabot ng team mula sa WHO at UNICEF ang pagbibigay puri kay City Mayor Joseph Evangelista at sa mga Local Health Officials ng City Government sa matagumpay na pagpapatupad ng pagbabakuna kontra Covid19 na anila, ay dapat ding pamarisan ng iba pang Local Government Units ng bansa na kung saan ay nananatiling mababa ang vaccination rate sa kasalukuyan.
Napatunayan ng WHO at ng UNICEF ang husay ng sistema ng City Government of Kidapawan sa Covid19 Vaccination matapos na manguna ang lungsod sa may pinakamataas na vaccination rate sa buong SOCCSKSARGEN o Region XII na lagpas sa 90%.
Ibig sabihin nito ay abot sa 9 mula sa 10 ang bilang ng mga bakunado sa Kidapawan City laban sa Covid19 na lubhang napakataas kung ikukumpara sa iba pang mga lugar sa Lalawigan ng Cotabato at sa buong Rehiyon dose.
Ipinaliwanag ng personal ni Mayor Evangelista ang maayos na sistema kung bakit nakamit ng lungsod ang napakataas na vaccination rate at kung papaanong nakontrol ng City Government ang pagtaas ng kaso ng sakit sa team ng WHO at UNICEF.
Ilan lamang dito ay ang pagbibigay ng food assistance sa mga magpapabakuna, pagbibigay insentibo sa mga tsuper ng tricycle at pampublikong sasakyan na maghahatid sundo sa mga vaccinees patungo sa mga vaccination hubs, clustering ng mga barangay kung saan ay inilapit ang vaccination sa mga mamamayan, pagbibigay cash assistance sa mga magkakasakit ng covid, partnership sa mga pribado at pampublikong ospital para maipagamot ang mga nagkasakit ng covid, agarang paglalagay ng isolation at quarantine facilities, mahigipt na pagpapatupad ng mga quarantine protocols at ang pagbabakuna sa mga bata edad 5-11 at 12-17 years old.
Ang magkatuwang na WHO at UNICEF team ay kinabibilangan nina Dr. Sukadeo Neupene, Dr. John Manuel Flores, Mr. Woody Apa, Mr. Albert John Enrico Dominguez, Mr. Juan Paolo Tonolete at mga kinatawan ng DOH Region XII at ng Cotabato Provincial Integrated Health Office.
Kanilang sinuri ang mga dokumentong inihanda ng City Government kaugnay ng pagbabakuna, random interview sa ilan sa mga nabakunahan sa mga barangay, at on-site documentation sa ginagawang pagbabakuna ng City Government.
Ang mga Covid19 vaccination good practices ng City Government of Kidapawan ay irerekomenda nila sa iba pang mga LGU o maging sa iba pang mga bansa na kanilang pupuntahan upang makamit na ang tuluyang pagkontrol sa dami ng nahahawaan ng Covid19, pagtitiyak pa ng WHO at UNICEF. ##(CIO)
KIDAPAWAN CITY – PORMAL NG BINUKSAN at sinimulan ang pagbibigay serbisyo ng kauna-unahang barangay-based Urban Health Center sa buong SOCCSKSARGEN o Region 12 na matatagpuan sa Barangay Mua-an sa Lungsod ng Kidapawan.
Pinangunahan ni City Mayor Joseph Evangelista at mga kagawad ng Department of Health Regional Office XII, City Government Officials kasama ang mga Barangay Officials and health workers ng Mua-an ang Blessing at Opening ng nasabing pasilidad nitong umaga ng Martes, April 19, 2022.
Naitayo ang bagong P10 Million na pasilidad bunga na rin sa pagsisikap ni Mayor Evangelista na mailapit ang mga pangunahing serbisyo ng gobyerno, partikular ang health services, sa mga residente ng malalayong lugar sa Kidapawan City at mga karatig na munisipyo.
Sa pamamagitan nito, ay mabibigyan na ng lunas ang mga health concerns ng mga residente ng Mua-an at mga kalapit barangay na nasa palibot ng Urban Health Center, ayon kay Mayor Evangelista.
Hindi na kasi kailangan pang lumuwas ng sentro ng Kidapawan City para magpagamot ang mga may simpleng karamdaman na residente ng lugar, pati na ang mga nakatira sa kalapit na barangay sa Munisipyo ng Magpet na malapit sa pasilidad, dagdag pa ng alkalde.
Naitayo ang Urban Health Center sa pakikipagtulungan ng DOH 12 na siyang nagbigay ng pondo para sa pagpapatayo ng gusali at medical equipment, City Government na siya namang maglalagay ng mga health workers na mangangasiwa sa operasyon at magbibigay serbisyo sa mamamayan at ng Barangay Council ng Mua-an na naglaan ng loteng pagtatayuan ng nasabing pasilidad.
Pinasalamatan ni Mua-an Brgy Chair Paterno Ganzo si Mayor Evangelista at si late Mua-an Chair Azer Perez sa pagtitiyak na maitatayo ang Urban Health Center sa kanilang barangay.
Maliban sa pagbibigay lunas sa mga maysakit, magsisilbi din na lying–in center para sa mga inang buntis na manganganak ang Urban Health Center.
May laboratory, dental, maternal health at pharmaceutical services, pati na mga duktor at nurse ang Urban Health Center ng Barangay Mua-an.
Binasbasan ni Father Gerardo Tacdoro, DCK ang bagong pasilidad bago buksan para sa publiko.
Ilan lamang sa mga bisita sa okasyon ay sina City Health Officer Dr. Jocelyn Encienzo, MD, Engr. Rey Santella DOH XII HFEP Coordinator na representante ni DOH XII Regional Director Aristides Concepcion Tan, Cotabato Provincial Health Officer Dr. Eva Rabaya MD, Cotabato DOH Officer Dr. Rubelita Aggalut MD, SP Health Committee Chair Marites Malaluan, mga kasapi ng konseho ng Mua-an, at mga department heads ng City Government.
Sa April 27, 2022 ay pangungunahan naman ni Mayor Evangelista at mga opisyal ng DOH XII ang groundbreaking ng mga itatayong Urban Health Centers sa mga barangay ng Kalaisan, San Isidro at Balindog.
Sa pamamagitan nito ay mas mailalapit pa sa mga taga kanayunan ang health services and programs ng City Government at ng DOH, paliwanag pa ng alkalde. ##(CIO)
KIDAPAWAN CITY (April 18, 2022) – SINIMULAN muli ng Kidapawan City Health Office o CHO ang pagbabakuna ng anti-influenza vaccine sa hanay ng mga medical frontliners.
Ginawa ang vaccination ng naturang bakuna sa abot sa 64 na mga frontliners na kinabibilangan ng nurses, midwives, Barangay Health Workers, at personnel ng CHO noong April 13, 2022 bilang first batch ng anti-flu vaccination.
Ayon kay City Health Officer Dr. Joyce Encienzo, mahalaga ang pagpapabakuna ng flu-vaccine dahil proteksiyon ito laban sa iba’t-ibang uri ng flu viruses partikular na ang A(H1N1) virus, influenza A (H3N2) virus, at influenza B viruses.
Libre ang bakuna at walang anumang babayaran ang nais magpabakuna ng anti-flu vaccine ngunit sa ngayon ay una munang babakunahan ang mga front liners, ayon pa kay Dr. Encienzo.
Abot sa 500 frontliners ang target ng CHO na turukan ng anti-flu vaccine, ayon naman kay Evelyn Cari, ang Coordinator for National Immunization Program ng lungsod.
Matatandaang una ng nagsagawa ng anti-flu vaccination ang CHO sa hanay ng mga eligible population nitong nakalipas na November and December 2020 ngunit naantala naman ito dahil sa pandemiya ng COVID-19 kung saan nabigyan ng malaking prayoridad ang pagbabakuna laban sa COVID-19.
Muli namang nagpaalala ang CHO sa lahat ng mamamayan na panatilihing ligtas ang sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa itinakdang minimum health standards tulad ng pagsuot ng face masks, hand washing, disinfection, social distancing, at iba pa. (CIO/jscj/aa/ed)
KIDAPAWAN CITY – PINAYAGAN NG MAG FACE-TO-FACE CLASSES ng City Government of Kidapawan ang about sa 17 na mga private schools at 1 state university sa lungsod sa ilalim ng Alert Level 1 Status ng COVID-19.
Mismong si City Mayor Joseph Evangelista ang nagbigay ng Certificate of Compliance sa nabanggit na bilang ng mga eskwelahan nitong April 7, 2022 matapos silang pumasa sa panuntunan na itinatakda ng National IATF on COVID-19 bilang hudyat ng pagbubukas ng face-to face learning o in-person.
Ang mga pinayagan ng mag face-to-face classes ay ang mga sumusunod: Colegio de Kidapawan, Central Mindanao Colleges, St. Mary’s Academy of Kidapawan, Notre Dame of Kidapawan College, Southern Baptist School of Kidapawan, Seventh Day Adventist School, Montessori School for Life Inc, Kidapawan Integrated Christian School, St. Therese Institute for Technical Education, University of Southern Mindanao Kidapawan City Campus, Kidapawan Doctor’s College, North Valley College Foundation, Read Data Access Computer College, Kidapawan Technical School, Kidapawan City Ambassador School, ABC-EDC Kidapawan City, North Point College of Arts at ang JIREH Alliance School of Kidapawan.
Pinayagan na din ng City Government at Ng DepEd ang full classroom seating capacity sa mga eskwelahan mula elementary hanggang college basta’t nasusunod lamang ang policy at guidelines sa minimum health standards sa face-to-face classes na ipinag-uutos naman ng NIATF on COVID-19.
Una ng pinayagan ng City Government na mag face-to-face classes ang mga pampublikong paaralan sa Kidapawan City.
Maliban sa makakatulong ng malaki sa pag-aaral ng mga estudyante ang face-to-face classes, malaki din ang ambag nito sa mga tsuper ng tricycle, mga boarding houses, tindahan at kainan sa paligid o malapit sa mga eskwelahan, ayon pa kay Mayor Evangelista.
Mas mainam umano na fully vaccinated ang mga guro at estudyante para na rin sa proteksiyon ng lahat sa mga eskwelahan, dagdag pa ni Mayor Evangelista, kaya’t hinihikayat ang mga ito na magpabakuna na laban sa Covid19.
Nasa mahigit 90% na ang vaccination rate ng Kidapawan City at nananatiling ‘zero’ ang kaso ng Covid19 sa lungsod sa kasalukuyan. ##(CIO)
KIDAPAWAN CITY (April 5, 2022) – TULUYAN ng magsasagawa ng face to face classes (progressive) ang abot sa 77 na mga public elementary at high schools sa Lungsod ng Kidapawan.
Ito ang sinabi ni Kidapawan City Schools Division Superintendent Dr. Natividad G. Ocon, CESO VI kaugnay ng pagbubukas o 100% opening of classes ng lahat ng antas ng pampublikong paaralan sa lungsod.
Matatandaang nitong nakalipas na buwan ng Nobyembre 2021 ay unang nagsagawa ng limited face-to-face classes ang abot sa tatlong mga pampublikong paaralan sa Kidapawan City at ito ay kinabibilangan ng Kidapawan City National High School (KCNHS), Paco National High School, Binoligan Integrated School, at North West Hillside (private school).
Sinundan naman ito ng karagdagang 27 paaralan na nagsagawa ng expanded limited face-to-face classes noong Marso 2, 2022 at ang implementasyon ng progressive face-to-face o in person classes sa karagdagang 47 schools sa kaparehong buwan ng Marso at ngayong Abril 11, 2022.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni SDS Ocon ang City Government of Kidapawan partikular na si City Mayor Joseph A. Evangelista sa halos P20M assistance na ipinagkaloob sa mga paaralan ng DepEd Kidapawan Schools Division na mula sa Special Education Fund o SEF.
Ayon kay SDS Ocon bawat paaralan ay may pangangailangan sa pagsasagawa ng face-to-face classes partikular na ang pagbili ng mga COVID-19 essentials para sa mga guro at mag-aaral.
Kabilang dito ang paglalagay ng mga karagdagang washing area, alcohol, sanitizers, germicidal soap, face masks, gloves, thermal scanners at pagtatalaga ng holding area (kung may sintomas ng COVID-19) sa bawat paaralan.
Sinabi ni SDS Ocon na prayoridad ng DepEd Kidapawan at ng City Government of Kidapawan ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral kaya’t mahalaga ang mga nabanggit na bagay.
Kaugnay nito ay ipinaalala ni SDS Ocon sa bawat guro at mag-aaral na sundin ang lahat ng itinakdang alituntunin sa pagsasagawa ng face-to-face classes lalo na ang minimum health standards upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Hinihimok ngayon ng Deped Kidapawan ang mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak (7-11 y.o. at 12-17 y.o.) upang magkaroon ng sapat na proteksyon laban sa COVID-19 subalit papayagan pa rin naman ang mga batang unvaccinated na pumasok basta’t lagdaan lamang ang Parents Consent na ipinadala sa mga magulang. (CIO-jscj/if)
KIDAPAWAN CITY – 90.19% NA ang bilang ng Fully Vaccinated sa Lungsod ng Kidapawan.
Mula sa target local population na 128,244 ng Kidapawan City, nasa 115,662 na ang fully vaccinated base na rin sa City Health Office Vaccination Accomplishment Per Barangay Data Report na may petsang April 4, 2022.
Sakop nito ang mga nabakunahan ng dalawang dose ng Sinovac, Pfizer, Moderna, Astra Zeneca, Sputnik V at ng single dose na Janssen anti Covid19 vaccines.
Resulta naman ito ng aktibong pagpapatupad ni City Mayor Joseph Evangelista ng vaccination roll out ng COVID-19 vaccine sa mga eligible population ng lungsod.
Matatandaang binigyang- diin ni Mayor Evangelista ang kahalagahan ng bakuna dahil makakatulong ito ng malaki para makabangon ang ekonomiya ng lungsod mula sa masamang epekto ng pandemya.
Katunayan, tanging ang Kidapawan City at ang bayan ng President Roxas lamang sa buong Lalawigan ng Cotabato ang inilagay na sa Alert Level 1 ng National Inter Agency Task Force on Covid19 dahil na rin sa napakataas na vaccination rate kumpara sa ibang mga lugar sa lalawigan.
Ibig sabihin, pwede na ang 100% capacity sa mga business establishments at public transport na nag-o operate sa lungsod.
Hinihikayat naman ang mga hindi pa nagpapabakuna na samantalahin na ang isinasawang walk-in vaccination ng City Government para mabigyang proteksyon laban sa komplikasyong dulot ng COVID-19.##(CIO)
KIDAPAWAN CITY – 91,167 ANG OPISYAL NA BILANG ng mga rehistradong botante o registered voters sa Lungsod ng Kidapawan para sa gaganaping May 9, 2022 National and Local Elections.
Ito ay base sa talaan (Official List of Voters) na inilabas ni Acting City Election Officer Angelita Failano kung bilang bahagi ng kanilanh paghahanda kanyang sa darating na halalan.
Kaugnay nito, nakapaskil na rin sa labas ng opisina ng COMELEC Kidapawan ang listahan ng lahat ng registered voters sa lungsod kasali na ang polling precincts kung saan sila boboto.
Payo ni Failano sa mga botante na tumungo sa kanilang opisina para malaman ng mga botante kung mananatili ba sila sa kanilang presinto at sa mga panibagong botante naman ay upang malaman kung saan naman ang kanilang presinto.
Magbubukas ang botohan ganap na alas sais ng umaga hanggang alas siyete ng gabi sa May 9, 2022.
Maglalagay naman ng priority lane ang COMELEC sa bawat polling precinct para agad makaboto ang mga senior citizens at Persons With Disabilities o PWD.
Kinakailangan pa ring magsuot ng face mask ang lahat ng botante para makaboto bilang pagsunod na rin sa mga itinatakdang COVID-19 protocols, ayon pa sa COMELEC. ##(CIO)
KIDAPAWAN CITY (March 30, 2022) – HUMARAP sa face-to-face interview ang abot sa 145 na mga job applicants mula sa Kidapawan City o mga indibidwal na naghahanap ng trabaho sa ginanap na 1-day Job Fair (local and overseas employment) ngayong araw ng Miyerkules, March 30, 2022.
Iba’t-ibang job positions ang binuksan ng pitong local employers at dalawang overseas employers kung saan posibleng makapag-trabaho ang naturang mga aplikante.
Kabilang ang sales, accounting, management, business process outsourcing, at domestic and housekeeping sa mga bakanteng trabaho na mula sa mga partner agencies o companies ng City Government of Kidapawan, ayon kay Public Employment and Service Office o PESO.
Sumailalim ang mga aplikante sa registration dakong alas-otso ng umaga at nagsumite ng kanilang mga requirements tulad ng application letter, resume, Transcript of Records o TOR at iba pa.
Kabilang sa mga local employers ang iGlobalConnect, Toyota Kidapawan, VXI Global Holdings, HC Consumer Finance, Phils., Cotabato Sugar Central, SKYGO, at JY Enterprises, Incorporated habang sa overseas naman ay ang Zontar Manpower Services at Earthsmart Human Resource.
Maliban dito ay nagbukas din ang PESO Kidapawan at mga partners ng 20 slots para sa mga applicants na may Housekeeping NC II kung saan magiging prayoridad ang mga nagtataglay ng active passports.
Samantala, limang mga aplikante ang agad na natanggap o hired on the spot habang ang iba naman ay naka schedule for interview. (CIO-jscj/if)
KIDAPAWAN CITY (March 25, 2022) – Mga kabataang Out of School Youth at single mothers mula sa 40 na mga barangay sa Lungsod ng Kidapawan ang nabigyan ng mga business starter kits at iba pang suplay sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa program o PPG ng Department of Trade and Industry o DTI.
Layon ng naturang programa na tulungan ang mga kabataan na makapagsimula ng kanilang sari-sariling pagkakakitaan upang matustusan ang pang araw-araw na pangangailangan at makatulong sa pamilya.
Abot sa 76 na mga kabataan ang mapalad na nakatanggap ng tulong, kung saan 30 ang tumanggap ng Bigasan Livelihood Starter Kit, 20 Mini Grocery livelihood starter kit, 13 Mini Carenderia Livelihood Starter Kit, 13 BBQ Livelihood Starter Kit, at isang Siomai Starter Kit.
Dumalo sa naturang turn-over ceremony sina DTI Regional Director Jude Constantine S. Juagan, DTI Provincial Director Ferdinand C. Cabiles, mga personnel ng DTI Cotabato Provincial Office, Local Youth Development Officer Tryphaena Collado at COVID-19 Nerve Center Head, Atty. Paolo Evangelista, representative ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista.
Malaki naman ang tuwa at pasasalamat ng mga tumanggap ng Livelihood Starter Kits, sapagkat nabigyan sila ng pagkakataong magsimula at bumangon mula sa kahirapan. (CIO-jscj/vh/aa/if/dv)
KIDAPAWAN CITY – TUMANGGAP NG P200,000 NA DAGDAG KAPITAL ang bawat isa sa anim na mga kooperatiba na nakabase sa lungsod mula sa City Government of Kidapawan.
Layon ng pagbibigay kapital na mapalago pa ng mga kooperatiba ang kanilang operasyon at makapagbigay na rin ng karagdagang tulong sa kani-kanilang mga miyembro.
Personal na tinanggap ng mga opisyal ng bawat kooperatiba partikular na ng kanilang mga presidente at Board of Directors ang ayudang pinansyal mula sa City Government sa ginanap na turn over ngayong araw ng Biyernes March 25, 2022.
Kabilang ang mga sumusunod na kooperatiba sa mga nakatanggap ng ayuda: Ag-Joan Multi-Purpose Cooperative, Birada MPC, Kidapawan Pangkabuhayan Marketing Coop, Macebolig Farmers MPC, Stanfilco Kidapawan Consumer Coop, at ang Sumbac MPC.
Hinikayat ni City Mayor Joseph Evangelista ang mga beneficiaries na patakbuhin ng maayos ang kanilang kooperatiba.
Malaking tulong lalo na sa mga kabaranggayan ang mga kooperatibang nakapag-ambag sa paglago ng agrikultura at maliliit na negosyo, ayon na rin sa alkalde kaya at marapat lamang na mabigyan din sila ng tulong at pagkilala mula sa Lokal na Pamahalaan.
Maliban sa nabanggit, nagbibigay tulong din ang City Government sa pamamagitan ng City Cooperative Development Office ng technical assistance at training sa kung papaano mapapatakbo ng maayos at mapapalago ng mga miyembro ang kanilang mga kooperatiba##(CIO)