Category: Press Release

You are here: Home


thumb image

KIDAPAWAN CITY – NAKIISA ang mga opisyal at kawani ng City Government of Kidapawan sa 2nd Quarter National Simultaneous Earthquake Drill ngayong araw ng Huwebes, June 9, 2022.

Layunin ng pakikiisa ay upang masukat ang kakayahan ng mga opisyal at kawani sa tamang gagawin upang maiwasan ang kasiraan at masaktan na posibleng idulot ng pagtama ng lindol.

Lahat ng mga empleyado ay nagsagawa ng Duck, Cover and Hold sa pagtunog ng siren ng City Hall pagsapit ng 8:54 ng umaga.

Agad namang nagsagawa ng evacuation o paglikas mula sa loob ng kani-kanilang mga opisina palabas ng City Hall na nakatakip ang dalawang kamay sa ulo o di kaya ay nakasuot ng hard hat.

Mahalaga na magpatuloy ang mga earthquake drill dala na rin ng mga aral na natutuhan ng City Government sa nakaraang mga serye ng malalakas na paglindol noong October 2019, ayon na rin kay City Mayor Joseph Evangelista.

Malaki ang naging epekto ng lindol sa pagbibigay serbisyo at operasyon ng City Government dagdag pa ang takot na idinulot nito sa mga empleyado at maging sa publiko kaya at marapat lamang na seryosohin ang mga isinasagawang earthquake drills, pagdidiin pa ni Mayor Evangelista.

Kaugnay nito ay may inihanda ng Disaster Continuity Plan ang City Government na naglalayong maidetalye ang pagbibigay ng serbisyo at hindi maantala ang operasyon ng iba’t-ibang tanggapan kahit pa sa pagkatapos ng malakas na lindol o ano mang uri ng kalamidad.##(CIO/lkro/ iff/aca)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – ABOT sa 221 na mga bagong beneficiaries ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced  Workers o TUPAD ang tumutulong ngayon sa City Government sa kampanya nito laban sa dengue.

Simula June 8, 2022 o araw ng Miyerkules ay itinalaga na sila ng Public Employment Services Office o PESO katuwang ang mga Pamahalaang Pambarangay sa iba’t-ibang lugar sa lungsod na nakitaan ng mataas na kaso ng dengue fever.

Lilinisin nila ang mga komunidad partikular na mga lugar na pinamumugaran ng lamok na may dala ng dengue virus.

Sa bilang na 221 ng mga bagong TUPAD beneficiary, 100 sa kanila ang idineploy sa iba’t-ibang purok ng Barangay Poblacion dahil ito ang nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng dengue kung ikukumpara sa iba pang mga barangay, paliwanag ng PESO.

Pinasalamatan naman ng Barangay Poblacion at iba pang Pamahalaang Pambarangay si City Mayor Joseph Evangelista at ang PESO sa kanilang sa ibayong kampanya laban sa dengue sa pamamagitan ng pakikiisa ng mga TUPAD beneficiaries na linisin ang kanilang mga komunidad.

Sampung araw na gagawin ng mga TUPAD beneficiaries ang paglilinis sa mga komunidad at P336 bawat araw o P3,360 na sahod para sa naturang bilang ng sampung araw na trabaho, ayon pa sa PESO.

Nagmula naman sa informal sector ang mga bagong beneficiaries ng TUPAD program na Isa sa mga sektor na lubhang apektado Ng pandemiya Ng COVID19 .##(CIO/lkro/iff)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – SA LAYUNING MAPALAGO ang produksyon ng pagkain at mapa-angat ang kabuhayan ng mga magsasaka, binisita ni City Mayor-elect Atty Jose Paolo Evangelista ang iba’t-ibang proyektong pang agrikultura sa mga kabaranggayan ng lungsod.

Prayoridad ni Mayor-elect Atty Evangelista na mapalago ang agrikultura dahil ito pa rin ang pangunahing economic activity ng lungsod kung saan ay nakadepende ang kabuhayan ng maraming Kidapawenyo.

Alinsunod na rin sa planong pagtatayo ng Kidapawan City Corporate Center na naglalayung magkaroon ng sapat na supply ng pagkain at makatulong sa kabuhayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng City Government sa kanilang produkto at pagbebenta ng mga ito sa iba’t-ibang lugar sa bansa.

SInuri ng bagong halal na alkalde ang mga pasilidad ng City Agriculture Office at City Veterinarian Office na nagpo-proseso ng mga produktong pagkain tulad ng  palay, mais, dairy at livestock, poultry, fisheries, fruit and vegetable production, cacao, kape, mga high value crops gaya ng goma, solar irrigation projects, nurseries, farming training center, feed mill at ang Kidapawan City trading post na bagsakan ng mga produktong agricultural ng lungsod.

Nais ni Mayor-elect Atty Evangelista na madagdagan ang kapasidad ng mga nabanggit upang makamit ang food sufficiency at madagdagan ang dami ng inaaning produktong pagkain.

Nagkaroon din siya ng pag-uusap sa iilang grupo ng mga local farmers kung saan ay pinakinggan niya ang ilan sa mga hinaing nito gaya na lamang ng mababang presyo ng pananim at mataas na halaga ng farm inputs gaya ng fertilizer at makinaryang pangsakahan at limitadong marketing opportunities na maibenta ang kanilang ani.

Makakatulong ang Kidapawan City Corporate Center dahil direkta na ang City Government ang bibili ng mga produkto ng magsasaka sa tamang halaga.

Tiniyak naman ni Mayor elect Atty. Evangelista na maipapatupad ng wasto ang mga programang nakalaan sa pagpapalago ng agrikultura ngayong taon sa tulong na rin ng mahigit sa P76 Million na budget para rito. ##(CIO/lkro/iff)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – UPANG mabigyan ng karagdagang proteksyon ang mas nakararaming Kidapawenyo laban sa COVID-19, magsasagawa muli ng Walk In Vaccination Roll-Out Bakunahan sa Barangay ang City Government ngayong June 6-10, 2022.

Kaugnay nito, naglabas ng panibagong schedule ng bakuna ang City Health Office o CHO kung saan ay hindi bababa sa 400 na mga indibidwal ang target mabakunahan kada araw.

Open ang Walk In Vaccination Roll Out lalo na sa mga indibidwal na hindi pa natuturukan nito hanggang ngayon, ayon kay City Mayor Joseph Evangelista.

Tanging gagawin lamang ng magpapabakuna ay tumungo sa mga lugar kung saan gaganapin ang bakunahan at magpakita ng proof na sila ay residente ng barangay at Medical Certificate naman kung may co-morbidity.

Ang schedule ng Bakunahan sa Barangay ay ang mga sumusunod: June 6 – Brgy Sudapin, June 7 – Brgy Perez at Amas, June 8 – Singao, June 9 – Malinan at Paco at sa Barangay Paco muli sa June 10, 2022.

Samantala may Bakunahan din na gagawin sa City Health Office sa June 6, 8 at 10 kung saan target mabakunahan ang abot sa 550 na mga indibidwal bawat araw.

Open para sa primary vaccination o first at second dose, pati na sa unang booster shot ang schedule ng Vaccination Roll Out sa mga nabanggit na Barangay.

Samantala, magbibigay na rin ng second dose sa City Health Office Office para naman sa mga immuno-compromise na mga pasyente. Bukas ito para sa lahat ang Walk in Vaccination gaya ng A1 Medical frontliners, A2 Senior Citizens, A3 Adults with Co-morbidities, A4 essentail workers, A5 indigent population at 5-11 at 12-17 year old pediatric group.##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (June 1, 2022) – 50 na mga kabataan at 24 na indibidwal mula sa mga barangay sa ilalim ng End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) na kinabibilangan ng Gayola, Katipunan, Linangkob, San Roque, san Isidro at Malinan ang nabigyan ng mga Business Starter Kits at iba pang suplay sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa Program (PPG) ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ang mga nabanggit na mga kabataan ay binubuo ng mga out-of-school youth, fire victims, health calamity victims at IP Youth mula sa mga barangay ng lungsod. Pumili ang mga nabanggit na mga benepisyaryo ng Business Starter Kits na kanilang mapapakinabangan sa ginanap na Orientation and Entrepreneurial Mind-setting Seminar noong March 16, 2022.

Layon ng naturang programa na tulungan ang mga benepisyaryo na makapagsimula ng kanilang sari-sariling pagkakakitaan upang matustusan ang pang araw-araw na pangangailangan at makatulong sa pamilya.

Mapalad na nakatanggap ng tulong ang 74 na mga benepisyaryo, kung saan 33 ang tumanggap ng Bigasan Livelihood Starter Kit, 20 Mini Grocery livelihood starter kit, 8 Mini Carenderia Livelihood Starter Kit, 4 BBQ Livelihood Starter Kit, 3 Kakanin Livelihood Starter Kit, 3 Siomai Starter Kit, 1 Mani-Pedi Starter Kit, 1 Parlor Starter Kit at 1 Bamboo Craft Starter Kit.

Sasailalim naman ang mga benepisyaryo sa quarterly monitoring ng DTI upang masubaybayan ang sustainability ng kanilang mga negosyo. Libreng bibigyan ng karagdagang pagsasanay ang sinumang benepisyaryo na magkakaroon ng problema sa kanilang Negosyo upang mas makapisado pa nila ang kanilang tinatahak na pangkabuhayan.

Dumalo sa naturang turn-over ceremony sina DTI OIC Division Chief Ken P. Wong, Jr., DTI PPPG Focal Person Samsi Sarip-Banlasan, mga personnel ng DTI Cotabato Provincial Office, Local Youth Development Officer Tryphaena Collado at Acting City Administrator, Ludivina Mayormita, kinatawan ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista. Tuwang-tuwa at nagpasalamat ang mga tumanggap ng Livelihood Starter Kits dahil nabigyan sila ng pagkakataong magsimula at umangat ang kanilang antas ng pamumuhay. (CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (May 31, 2022) – SA layuning mapalakas pang lalo ang samahan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Kidapawan City, ginanap ang mass oath taking ceremony ng abot sa 54 OFW associations at federation sa City Gymnasium alas-dos kahapon, May 30, 2022.

Ayon kay Public Employment Service Office o PESO Manager, kasabay ng mass oath taking ng mga opisyal ng iba’t-ibang grupo ng OFW ay ang oath taking din ng AD HOC officers ng Kidapawan City OFW Federation.

Mahalaga na magkaroon ng matatag na organisasyon ang mga OFW upang makatulong sa isa’t-isa at mapalakas pa nila ang kanilang koordinasyon sa City Government of Kidapawan partikular na sa mga programa at proyekto na makatutulong sa kanila, ayon pa kay Infanta.  

Ang mga nanumpang mga AD HOC opisyal ng OFW Federation of Kidapawan ay kinabibilangan ng mga sumusunod: Andrea J. Alvarez (Kalasuyan Migrant Workers Association)– President, Normina S. Camsa (Nuangan United OFW Association) – Vice president, Nilma J. Rellon (Balindog OFW Family Circle Association) – Secretary, Josephine E. Nogera (Modern Heroes and Family of Perez Association), – Business Manager, Josephine C. Obarco (OFW Linangkob) – Public Information Officer, Susan H. Taladoc (OFW Gayola) – Treasurer, at Herminia P. Yco (Binoligan OFW Family Circle Association) – Auditor.

Paraan din ito upang maayos nilang maipabatid sa City Government ang kanilang mga layunin, adbokasiya, o maging mga suliranin o isyu na nais nilang resolbahin sa tulong ng City Government, sinabi naman ni City Planning and Development Officer o CPDO Engr Divina M. Fuentes.

Dumalo sa naturang oath taking sina Dept of Labor and Employment (DOLE) Cotabato Provincial Director Marjorie P. Latoja, TESDA Provincial Director Norayah A. Acas, at si Ken Wong, Business Development Division Chief ng DTI Cotabato bilang representante ni DTI Cotabato Provincial Director Ferdinand Cabiles at nagbigay ng mga mensahe sa mga OFW.

Pinasalamatan naman ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista ang pakikiisa at malaking suporta ng mga OFW sa lungsod kasabay ang pagbibigay pugay sa hanay ng mga ito dahil sa malaking papel na kanilang ginagampanan sa pag-unlad ng ekonomiya ng lungsod. Magandang balita naman ang ibinahagi ni Overseas Workers Welfare Administration o OWWA 12 Regional Director Marilou M. Sumalinog sa mga OFW kung saan sinabi nitong pinagsisikapan ng pamahalaan ang paglalagay o pagtatag ng Department of Migrant Workers sa lalong madaling panahon upang lalo pang mapalakas ang mga hakbang para sa proteksyon at karapatan ng mga OFW. (CIO-jscj/ed/if)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – PATULOY na  nananawagan ang City Government of Kidapawan sa pamamagitan ng City Health Office o CHO sa publiko na magpa booster shot na laban sa COVID-19.

Ito ay matapos makapagtala ng limang kaso ng COVID-19 ang lungsod sa kasalukuyan.

Nito lamang May 30, 2022, mismong si City Mayor Joseph Evangelista ang nagpaturok ng kanyang ikalawang booster shot (4th dose) ng COVID-19 vaccine para sa karagdagang proteksyon at upang ipakita sa lahat na ligtas ang pagpapabakuna laban sa sakit.

Humihina ang efficacy o ang taglay na proteksyon ng bakuna habang tumatagal laban sa COVID-19 kung kaya dapat na magpabakuna ang publiko.

Sa data na inilabas ng City Health Office kahapon, May 30, 2022, nasa 24,104 ang nabigyan na ng kanilang unang booster shot sa lungsod.

Nasa 182 naman ang nakatanggap na ng kanilang second booster shot mula ng simulan ng CHO ang pagbibigay nito ilang linggo lang ang nakalilipas.

Mababa naman ang bilang na naka tanggap ng una at ikalawang booster shots kumpara sa malaking bilang na 117,337 fully vaccinated na unang nakatanggap ng dalawang dose ng Sinovac, Pfizer, Astra Zeneca, Sputnik V at Moderna vaccines at single dose naman ng Janssen Johnson and Johnson.

Hinihikayat ni Mayor Evangelista ang lahat na samantalahin ang ginagawang Walk-In Vaccination sa City Health Office at sa mga naka schedule na bakunahan sa mga barangay ng lungsod.

Bukas para sa publiko ang primary vaccination o ang pagtuturok ng first at second dose ng bakuna pati na ang pagbibigay ng unang booster shot para sa mga A1 medical frontliners, A2 senior citizens, A3 adults with co-morbidities, A4 essential workers, A5 indigent population at maging pediatric vaccination para sa mga edad 5-11 years old at 12-17 years old.

Samantala, inuna muna ng CHO ang pagbibigay ng ikalawang booster sa mga A1, A2 at mga immune-compromised patients o ang mga indibidwal na may kanser, sumasailalim sa dialysis at iba pang maseselang karamdaman at mga Persons with Disabilities o PWD’s.

Sinabi naman ng CHO apat na buwan matapos ang unang booster shot, ay saka pa mabibigyan ng second booster shot ang magpapabakuna.

Bagamat nasa Alert Level 1 ang lungsod sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang panawagan ni Mayor Evangelista at ng CHO sa lahat na  ugaliin pa ring magsuot ng face mask at sumunod sa mga anti-COVID19 protocols para maiwasang mahawaan ng nakamamatay na sakit. ##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – SISIMULAN NA ng City Government of Kidapawan ang pagbibigay ng second booster dose ng bakuna laban sa Covid19.

Nitong 9:25 ng umaga ng Lunes, May 30, 2022 ay mismong si City Mayor Joseph Evangelista ay tumanggap ng kanyang second booster dose ng Pfizer mula sa mga medical frontliners ng City Health Office.

Mismong ang alkalde ang magpapatunay na ligtas ang pangalawang booster dose laban sa sakit kung kaya at hinihikayat niya ang publiko na magpabakuna na.

Ayon pa sa mga ekspertong medical ay humihina ang efficacy o kakayahan ng bakuna laban sa sakit habang tumatagal kaya at hinihikayat ang lahat na magpabooster dose na lalo pa at madadagdagan nito ang proteksyon laban sa komplikasyon ng Covid19.

Bukas na para sa mga A1 o frontliners, A2 Senior Citizens at mga immuno-compromised individuals gaya ng may kanser, sumasailalim sa dialysis at Persons with Disabilities o PWD ang second booster shot.

Kinakailangang hindi bababa sa apat na buwan mula ng makatanggap ng unang booster shot ang pwedeng mabakunahan ng ikalawang booster shot, ayon pa sa CHO.

Kinakailangan din na dalhin ang unang booster vaccine ID para basehan ng pagbibigay ng second booster dose maliban pa sa required medical screening bago ang pagpapabakuna.

Schedule ng pagbibigay ng second booster dose ay mga araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes sa City Health Office. ##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY –MAGPAPATULOY ang pagsaliksik at paglalathala ng kasaysayan ng Kidapawan City sa pag-upo ni incoming City Mayor Atty. Pao Evangelista. 

Nais ng bagong alkalde na ituloy ang proyektong sinimulan at kinomisyon ng kanyang ama na si outgoing City Mayor at ngayo’y Senior Board Member ng Cotabato Province 2nd Legislative District Joseph Evangelista.

Nitong May 27, 2022 ay personal na iniabot ni Writer-Historian Karlo  Galay David, at Propesor ng Creative Writing ng Silliman University na siyang may akda ng Journal of Philippine Local History and Heritage kung saan napabilang dito ang Kasaysayan ng Lungsod ng Kidapawan ang kopya ng kanyang akda sa bagong alkalde.

Matatandaang una ng kinomisyon  ni Mayor Evangelista si David upang magsaliksik at isulat ang kasaysayan ng lungsod dahil walang ano mang material patungkol dito ang National Historical Commission of the Philippines o NHCP. 

Personal na iniabot ni David ang kopya ng kanyang akda kay Incoming City Mayor Atty Evangelista kung saan ay itiniyak nito ang pagpapatuloy ng proyekto.

May kopya na rin nito ang NHCP ayon pa kay David.

Makakatulong ang proyekto para na rin sa kaalaman ng mga Kidapawenyo sa kung papaanong nagsimula ang bayan ng Kidapawan patungo sa pagiging component city nito sa kasalukuyan.

Mahigit sa 200 pahina ang  natapos na sa akdang Kasaysayan ng Lungsod kung saan ilan lamang sa highlights nito ay ang mga sumusunod: Timeline of Kidapawan History, Family Tree ng mga tribo, mga listahan ng municipal at city officials, pinagmulan sa salitang ‘KIDAPAWAN’, oral history ng lungsod, Kidapawan sa panahon ng mga Amerikano at Pangalawang DIgmaang Pandaigidig, pagdating ng mga mamamayang Muslim, Post War Kidapawan, at ang pagtatag ng Bayan ng Kidapawan na mula sa noon ay Empire Province of Cotabato. Sa ngayon ay patuloy pang sinusulat ni Galay ang mga sumusunod na pangyayari sa kasaysayan ng lungsod: listahan ng mga Teniente del Barrio at Kapitan ng Barangay, pagtatag ng Mt. Apo Natural Park, panahon ng People Power Revolution sa pamumuno ni OIC Mayor Florante Respicio, termino ng mga dating Mayor na sina Augusto Gana, Luis Malaluan, Rodolfo Gantuangco pati na ang kay outgoing City Mayor Joseph Evangelista at ang mga nangyari sa Cityhood ng Kidapawan mula 1998 hanggang sa kasalukuyan.##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (May 28, 2022) – ISA na namang parangal ang tinanggap ng Local Government Unit of Kidapawan at nadagdag sa mga awards ng LGU mula sa Department of Labor and Employment o DOLE 12.

Ito ay ang Kabuhayan Awards 2022 – Best LGU implementing DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) na iginawad sa LGU Kidapawan sa Kabuhayan Awards Awarding Ceremony na gonanap sa New Coast Hotel, Malate, Manila noong May 27, 2022.

Tinanggap ni Public Service Employment Officer o PESO Manager Herminia Infanta ang naturang award kasama sina DOLE 12 Regional Director Ray Agravante at DOLE Provincial Director Marj Latoja.

Ayon kay Latoja, bilang partner ng DOLE ay naging mahusay ang LGU Kidapawan sa pamumuno ni City Mayor Joseph A. Evangelista sa pagpapatupad at monitoring ng DOLE DILP.

Nakapaloob dito ang mga programang pangkabuhayan para sa marginalized sector tulad ng mga self-employed individuals, seasonal workers, displaced workers, at iba pang mga manggagawa na lubhang mababa at kulang ang kinikita para sa pamilya.

Kailangang din na nasusunod ang mga itinatakda ng RA 9184 o ang “Government Procurement Reform Act” sa pagpapatupad ng proyekto para sa mga nabanggit na benepisyaryo na isa rin sa mga alituntunin sa pagbibigay ng award.

Maliban sa plaque, tumanggap din ng P40,000 cash incentive ang LGU Kidapawan mula sa  DOLE. Ang LGU Kidapawan ay lone awardee o tanging LGU na nabigyan ng naturang parangal sa buong Region 12.

Malaki naman ang naging papel ng Kidapawan PESO sa tagumpay ng DOLE -DILP dahil ito ang namahala sa pagpapatupad ng proyekto at ang kaukulang monitoring upang matiyak  na maayos itong napapakinabangan ng target beneficiaries.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Mayor Evangelista ang DOLE 12 sa paggawad ng award sa LGU Kidapawan kasabay ng pahayag na lalo pang pagiibayuhin ng kanyang administrasyon ang pagtulong sa mga marginalized sector.

Pinasalamatan din niya ang mga beneficiaries sa koordinasyon at suporta na nagresulta sa tagumpay ng DOLE – DILP sa Lungsod ng Kidapawan. (CIO-jscj/Photos-PESO Kidapawan)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio