Category: Press Release

You are here: Home


thumb image

Kidapawan City (January 15, 2024) – Nanumpa na ang dalawampu’t tatlong (23) mga bagong na-appoint at na-promote na mga empleyado ng City Government kasabay ng Convocation program kanina.

Ang mga empleyado ay nagmula sa iba’t-ibang departamento, kagaya nalang ng City Economic Enterprise Management at Office of the Building Official.

Ikinagalak ito ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista at umaasa syang mas mapapaganda at mas magiging maayos pa ang pagpapaabot ng mga serbisyo sa publiko lalo’t sa pamamagitan nito’y maraming empleyado pa ang mahihikayat na pagbutihin ang kanilang panunungkulan.

Ayon sa alkalde, hinahangad ng kanyang administrasyon na bago matapos ang kanyang termino ay mas maraming empleyado pa ang mabibigyan ng regular na posisyon alang-alang sa seguridad ng kani-kanilang pamilya.

thumb image

Kidapawan City (January 11, 2024) – Isinasagawa ngayon (hanggang bukas, January 12) ang 2nd Stakeholders Consultation para sa gagawin at bubuohing Urban Development and Area Master Plan ng lungsod sa City Convention Center.

Katuwang ng City Government ang Palafox Associates—na tanyag at nangungunang kompanya sa bansa na nag-aalok ng architecture, planning, and design services para sa iba’t-ibang proyekto kagaya ng urban planning and development.

Isa-isang sinuri at pinag-usapan ng mga partisipante ang mga balakid o problema at ang mga posible at akmang solusyon para maging ganap na First Class Component City ang Kidapawan sa loob ng 5 hanggang 10 taon mula ngayon.

Ang Urban Development and Master Plan ay isang malinaw at kongkretong long-term plan ng City Government, upang tiyakin ang pagpapabuti ng mga pamantayan nito sa pagsasaayos at pagpapanatili ng kalinisan at kapayapaan, pagpapahalaga at pangangalaga sa kalikasan at kalusugan ng mga mamamayan, at ang tuluy-tuloy na paglago ng social at economic activities nito, na pakikinabangan hanggang sa susunod na mga henerasyon.

Paraan din ito upang dahan-dahang makamit ng lungsod ang klasipikasyon na Highly Urbanized City, kung saan magiging isa sa mga sentro ng kaunlaran sa bahaging ito ng SOCCSKSARGEN Region ang lungsod.###(Lloyd Kenzo Oasay I City Information Office)

thumb image

Kidapawan City (January 10, 2024) – Higit isang daang (160) producer ng isdang tilapia ang nabigyan ng dagdag kaalaman tungkol sa Tilapia Farming, Soybeans and Sorghum Production sa City Convention Center kaninang umaga.

Ang mga fish producers ay residente ng lungsod, at mga karatig bayan ng Makilala, Magpet, at Pikit.

Pinangunahan ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista at Office of the City Agriculturist ang orientation, sa tulong narin ng mga eksperto— na nagbahagi ng kanilang kaalaman tungkol sa pagpapalago ng tilapia, soybean at sorghum.

Ang soybean at sorghum ay masustansyang pagkain na mayaman sa protina, hindi lang mainam na pagkain nating mga tao, kundi pati narin ng ating mga alagang hayop at isda.

Panauhing pandangal sina dating Department of Agriculture Secretary Emmanuel Piňol, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR-XII) Regional Director Usop Pendaliday Jr., at mga kinatawan ng CP Foods Philippines (isang Thai Agro-Industrial Company at isa sa pinakamalaking producer ng feeds sa mundo).

Itinuro sa mga producers na kailangang dekalidad, tamang alkalinity na tubig at wastong uri ng feeds (na may sapat na calcium, protina at iba pang essential nutrients) ang dapat ipinapakain sa hybrid na Tilapia upang matiyak ang tamang paglaki at pagpaparami nito.###(Lloyd Kenzo Oasay I City Information Office)

thumb image

Kidapawan City (January 10, 2024) – Tumanggap ng tag P375,000 na livelihood assistance mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD, ang dalawang Sustainable Livelihood Program Association (SLPA) sa lungsod nito lang Lunes, January 8.

Personal na iniabot nina City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista, mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod at City Social Welfare and Development Office ang tseke sa mga kinatawan ng dalawang SLPA mula sa mga Barangay ng Singao at Lanao sa ginanap na Convocation Program ng City Government.

Ilalaan ng mga benepisyaryo ang pera para sa itatayo nilang Hydroponics Project.

Magbibigay naman ng training ang Office of the City Agriculturist sa kanila upang maalalayan sila sa produksyon at pagtataguyod ng kanilang proyekto.

Limampung (50) miyembro (mula sa dalawang SLPA na kinabibilangan ng mga Persons with Disabilities at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps) ang direktang makikinabang.

Inaasahang sa pamamagitan nito, mas mai-aangat pa ang kanilang kabuhayan at magkatulong narin sa isinusulong ng City Government na pagkakaroon ng seguridad sa pagkain ng lungsod.###(Lloyd Kenzo Oasay│City Information Office)

thumb image

Kidapawan City (January 9, 2024) — Binuksan na sa publiko ang sangay ng Security Bank sa Quezon Boulevard dito sa lungsod, kaninang umaga.

Nakiisa sa pagbubukas ng pribadong bangko na ito sina City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista at kanyang maybahay na si Atty. Anj, Cotabato Governor Emmylou Taliňo-Mendoza at iba pang mga opisyal at kawani ng bangko.

Ang pagbubukas ng sangay ng Security Bank ay isang indikasyon ng pagkakaroon ng mataas na kompyansa ng mga mamumuhunan at negosyante sa lungsod.###(Lloyd Kenzo Oasay | City Information Office)

thumb image

Kidapawan City (January 9, 2024) – Pumirma ng kasunduan sina City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista at Notre Dame of Kidapawan College (NDKC) President Bro. Arnel Alfanta, FMS kaninang umaga upang magtulungan sa pagpapalago ng turismo sa lungsod.

Saklaw ng pinirmahan nilang Memorandum of Agreement o MOA ang pagbuo ng bagong Tourism Development Plan o TDP ng City Government, na syang magsisilbing gabay sa mga programa at proyektong ipatutupad para mas lalo pang mapalago ang turismo dito.

Tutulong ang NDKC (isa sa mga pribadong paaralan sa lungsod) sa pamamagitan ng kanilang Office of the Research, Planning, Innovation, and Development (RPID), na syang mangangasiwa sa mga research, seminar workshops, pagrereview at pag-update ng TDP.

Ang City Government ay magbibigay ng logistic support sa RPID ng NDKC upang matiyak na magtatagumpay ang bagong TDP ng lungsod.###(Lloyd Kenzo Oasay│City Information Office)

thumb image

Kidapawan City (January 9, 2024) – Pinaghahandaan na ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng City Government ang isasagawang Barangay Disaster Risk Reduction and Management (BDRRM) Plan Training para sa apat napong (40) mga barangay ng lungsod sa susunod na lingo. Alinsunod ito sa Memorandum Circular No. 2018-01 ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.

Layunin ng training, na nakatakda sa January 16 hanggang 24 sa Operation Center ng CDRRMO, na magkaroon ng maayos at akmang plano at programa ang bawat DRRMC ng barangay upang maibsan kung hindi man maiwasan ang matinding epekto o pinsala ng anumang emerhensiya, kalamidad at sakuna sa kani-kanilang komunidad.

Mahalaga ang training upang mas maunawaan, wastong maipatupad at mas mapaghandaan pa ng mga Punong Barangay, Secretary, Treasurer, at Records Keeper (lalo na yaong mga bago lang nailuklok sa pwesto) ang kanilang bubuohin at babalangkasing DRRM Plan.###(Rachiel Abella│City Information Office)

thumb image

Kidapawan City (January 9, 2024) – Walong (8) distressed na mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang natulungan ng mga taga Overseas Workers Welfare Administration o OWWA XII at City Government, sa pamamagitan ng Public OFW Desk Office (PODO), na makauwi ng bansa, partikular na sa lungsod noong nakaraang taon.

Ayon sa taga PODO, maliban sa repatriation o pagpapauwi sa kanila, nabigyan din ang mga distressed OFW ng medical at welfare services, pati narin livelihood assistance.

Isang distressed OFW din ang natulungan upang sumailalim sa
Psycho-Social intervention ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), at laboratory at medical assistance ng City Health Office (CHO) at Pag-Amuma Assistance Unit (PAU).

Dalawang (2) labi ng mga pumanaw na OFW ang naiuwi pabalik sa kani-kanilang mga mahal sa buhay at nabigyan din ng burial assistance ng PAU.

Samantala, isang daang (100) returning OFWs ang tumanggap ng tulong mula sa Balik Pinas Balik Hanapbuhay (BPBH) Program ng OWWA, kung saan animnapo’t siyam (69) sa kanila ang tumanggap ng cash assistance, habang labing walo (18) ang nabigyan ng welfare at medical assistance.

Tumanggap din ng Tulong Pangkabuhayan sa Pag-Unlad ng Samahang OFWs o Tulong PUSO, na nagkakahalaga ng isang milyong piso (second and third tranche) ang mga miyembro ng tatlong OFW Associations mula sa mga Barangay ng Mateo, Marbel at Sto Niňo.

Dahil dito muling naisulong ng mga distressed OFW ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya (sa pamamagitan ng pagkakaroon nila ng sariling negosyo kagaya ng sari-sari store, bigasan at motor parts) sa kabila ng kanilang kabiguan sa ibang bansa.###(Lloyd Kenzo Oasay │ City Information Office)

thumb image

Kidapawan City (January 9, 2024) – Pinarangalan, pinuri at pinasalamatan ng City Government kasabay ng Convocation Program kahapon sa City Hall lobby, ang dalawang pamilya na nagbigay ng karangalan sa lungsod sa buong SOCCSKSARGEN Region noong nakaraang taon. Tumanggap sila ng plaque of recognition mula sa City LGU.

Napiling Model OFW Family para sa taong 2023 ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) XII ang pamilya nina Master Mariner Carlito F. Catubig (sea-based) at Engr. Edwin T. Paragas (land-based) dahil napatunayan nila na sa kabila ng kanilang paglayo para magtrabaho sa ibang bansa napanatili parin nilang buo, masaya, at nagmamahalan ang kanilang pamilya.

Kabilang sila sa mga pamilyang natulungan ng Public OFW Desk Office (PODO) ng City Government. ### (Lloyd Kenzo Oasay I City Information Office)

thumb image

Kidapawan City (January 8, 2024)-Lumagda ng kasunduan si City Social Welfare and Development Officer Daisy P. Gaviola at Punong Barangay Ricardo Ceballos upang tuldokan ang mga kaso ng pamamalimos sa Barangay Lanao. Ang naturang kasunduan sa pagitan ng CSWDO at BLGU Lanao ay upang mabigyan ng proyektong pangkabuhayan ang kliyenteng kinilala na si Eldison Sabellita Abing.

Si Abing bilang isang Person With Disability o PWD ay naiulat na namamalimos sa entrance ng Gaisano Grand Mall sa loob ng maraming taon . Alinsunod sa Anti-Mendicancy Law o Presidential Decree 1563 ay higit na ipinagbabawal ang pamamalimos at ang pagbibigay ng limos sa mga mahihirap sa kalye. Kaya inimbitahan ng tanggapan ng CSWD si Mr. Abing para sa isang pag-uusap noong nakalipas na buwan upang magawan ng paraan na maiahon ito mula sa kanyang sitwasyon.

Bahagi ng kasunduan na mangangako ito na itigil na ang lahat ng kanyang mga aktibidad na ipinagbabawal ng Anti-Mendicancy Law saan man sa lungsod at sa halip ay gumawa ng disenteng hanapbuhay. Magbibigay ang City Government ng tulong financial sa pamamagitan ng CSWDO bilang puhunan kay Mr. Abing na makapagsimula ng kanyang naisipang negosyong Kwek-kwek food cart. Patuloy din siyang susubaybayan ng CSWDO at BLGU Lanao upang matulungang palaguin ang kanyang negosyo.

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio