Category: Press Release

You are here: Home


thumb image

Kidapawan City may bagong Liga ng Barangay Federation President na

KIDAPAWAN CITY – PORMAL NG NANUMPA bilang bagong City Federation of Liga ng mga Barangay President si Manongol Barangay Chair Morgan Melodias February 20, 2019.

Pinalitan niya si dating City Liga Federation President Gasbamel Rey Suelan na tatakbo bilang City Councilor sa May 13, 2019 Mid Term Elections.

Ibinigay ni City Mayor Joseph Evangelista ang Oath of Office ni Melodias kung saan ay sinaksihan nina City Councilor Jiv-Jiv Bombeo, City DILG Director Ging Kionisala, mga opisyal ng Barangay Manongol at ilang kawani ng ABC Hall.

Ganap ng isang City Councilor si Melodias na kakatawan sa mga barangay sa Sangguniang Panlungsod ng Kidapawan kung saan ay inaasahang dadalo siya sa unang pagkakataon bilang ex-officio member sa Regular Session nito February 21, 2019.

Buo naman ang suporta ni Mayor Evangelista sa liderato ni Melodias bilang bagong Liga Federation President.

Maliban sa mananatili sa kanilang mga trabaho ang mga kawani ng Association of Barangay Chairpersons o ABC Hall sa ilalim ni Suelan noon, ay ipapaayos din ng alkalde ang nabanggit na pasilidad para mas gawing kumportable sa mga opisyal ng barangay at ng kanilang mga kliyente.

Nagsilbing Bise Presidente ng Liga ng Barangay si Melodias kay Suelan matapos mahalal noong October 2018 Barangay Elections.

Dahil dito ay nabakante ang posisyon ng Bise Presidente ng Liga ng Barangay.

Magtatakda ng schedule ang City DILG kung kailan isasagawa ang pagpili ng bagong Pangalawang Pangulo ng Liga ng Barangay sa Kidapawan City.##(CIO/LKOasay)

thumb image

City Comelec nagsagawa ng demonstration ng Vote Count Machines

KIDAPAWAN CITY – NAGSAGAWA NG DEMONSTRATION ng Vote Counting Machines ang City Comelec February 18, 2019.

Namahala sa aktibidad si City Election Officer Diosdado Javier kung saan ay ipinakita ng kanyang opisina kung papaanong gumagana ang VCM na gagamitin para sa May 13, 2019 Mid-term Elections sa buong bansa.

Automated ang VCM kung saan ay bibilangin nito ang mga boto sa pamamagitan ng computer software na nakalagay sa bawat makina.

Saka nito ita-transmit o ipapasa sa ‘main server’ ng Comelec para sa opisyal na resulta ng botohan.

May sariling security features ang bawat balota na tanging ang VCM lamang ang makakabasa.

Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang pandaraya sa bilangan ng boto, ani pa ni Javier.

Nagkaroon din ng mock elections para sa mga dumalong barangay officials kung saan ay ginamit ang VCM.

May inihandang balota ang Comelec kung saan ay doon pumili ng kanilang mga kandidato ang mga dumalong opisyal ng barangay.

Matapos ang botohan ay kanya-kanya nilang inilagay sa VCM ang kani-kanilang mga balota.

Gumana naman ng maayos ang VCM at wala namang aberyang nangyari sa mock election na ginanap sa City Gymnasium, ayon na rin sa City Comelec.

Magsisimula ang botohan sa buong bansa alas sais ng umaga ng May 13 at magtatapos ng alas sais ng gabi.

84,625 ang kabuo-ang bilang ng mga rehistradong botante sa Kidapawan City na hinati sa 110 precincts sa apatnapung mga barangay.##(CIO/LKOasay)

thumb image

Kidapawan City Top Ten Finalists sa 2019 Champions for Health Governance Award

KIDAPAWAN CITY – ISA SA TOP TEN Finalists ng Kaya Natin! Champions for Health Governance Awards ang Kidapawan City ngayong 2019.

Pagkilala ito sa mga natatanging Local Government Units ng bansa na namahala at nakapagbigay ng maayos at kaaya-ayang serbisyo sa mamamayan sa pamamagitan ng epektibong health programs.

Alinsunod ito sa United Nations Sustainable Development Goals at ng mga programa ng Department of Health na naglalayung mabigyan ng sapat na serbisyong pangkalususugan ang lahat ng mga Pilipino.

Ito ay iginagawad ng Kaya Natin! Movement for Good Governance and Ethical Leadership, Jesse Robrero Foundation at ng Merck Sharpe and Dohme-MSD Pharmaceutical Company Philippines.

Kinilala ng Kaya Natin!, MSD at Jesse Robredo Foundation ang Kidapawan City sa pagpapatupad ng health services sa pamamaraan kagaya ng mga sumusunod: local leadership, transparency, effectiveness, innovativeness, health resources management, and community engagement in health.

Kumpirmadong nasa Top Ten Finalists ang Kidapawan matapos mag-email kay City Mayor Joseph Evangelista ang Kaya Natin! Movement noong February 14, 2019.

Una ng pumasa sa inisyal na screening ang Kidapawan City para sa nabanggit na gawad.

Bago mapipili bilang Champions for Health Governance 2019, dadaan muna sa pangalawang screening ng Kaya Natin! at mga partners nito ang mga health programs ng City Government ano mang petsa sa pagitan ng March 1- April 14, 2019.

Kumpiyansang makukuha ng City Government ang gawad bilang Champions for Health Governance, ani pa ni Mayor Evangelista.##(CIO/LKOasay)

thumb image

Hapsay Pasada Search for Best Tricycle and Best Driver 2019 ipinroklama na ng City Government

KIDAPAWAN CITY – PINARANGALAN NA NG City Government nanalong tricycle units sa Ilalim ng Hapsay Pasada 2019 Search for Best Tricycle and Driver.
February 11, 2019 ng i-anunsyo ng City Government ang mga nanalo sa patimpalak bahagi ng ika 21st Charter Day ng Lungsod ng Kidapawan.
Personal na iniabot ni City Mayor Joseph Evangelista ang pa-premyong cash, fuel allocation at mga bagong gulong sa mga nanalong entries mula sa tatlumpong assosasyon ng Federation of Kidapawan Integrated Tricycle Association o FKITA.
Napiling Best Tricycle 2019 ang unit na pag-aari ni Rommel Mamburao na may KD Number 1-292 na byaheng Poblacion.
P15,000 cash price ang kanyang napanalunan kasama na ang tatlong bagong gulong.
Second Place bilang best Tricycle ang KD Number 2-2577 na pagmamay-ari ni Arnel Manunuan na byaheng Lanao na nanalo ng P10,000 at tatlong bagong gulong.
May Cash prizes at bagong gulong ang mga nanalo mula third hanggang 21st places sa best tricycle.
Napili namang Best Driver 2019 si Jerson Branzuela ng KISAMATODA na nanalo ng P5,000 cash at limang litro ng gasolina.
May cash prizes din at libreng gasolina mula sa City Government ang Top 20 sa Best Driver award category.
Ang iba pang mga hindi nanalong entries ngunit nag qualify sa patimpalak ay may premyo din na P300 cash at limang litrong gasolina.
Ang Hapsay Pasada Search for Best Tricycle and Best Driver 2019 ay pasasalamat at pagkilala ng City Government sa aktibong pakikibahagi ng sektor ng tricycle sa patuloy na pag-unlad ng Kidapawan City, wika pa ni Mayor Evangelista.##(CIO/LKOasay)

Photo Caption – BEST CITY TRICYCLE 2019: Napiling Hapsay Pasada 2019 Best Tricycle ang unit with KD Number 1-292 na pag-aari ni Mr. Rommel Mamburao na may byaheng Poblacion Kidapawan City – Saguing Makilala Cotabato. Ang parangal ay bilang pagkilala sa mahalagang ambag ng sektor ng tricycle sa pag unlad ng Kidapawan City.(CIO Photo)

thumb image

276 Muslim Couples ikinasal sa mismong Valentine’s Day

KIDAPAWAN CITY – MAKAHULUGAN PARA sa dalawang daan at pitumpo’t anim na Muslim Couples ang kanilang pag-iisang dibdib sa ginanap na Kalilangan sa Kidapawan Muslim Wedding.
Mismong sa Valentine’s Day kasi ginanap ang kanilang kasalan.
Pinasalamatan ng mga bagong kasal si City Mayor Joseph Evangelista sa inisyatibo ng alkalde na masegurong magiging lehitimo ang kanilang pagsasama. 
Maliban kasi na kinikilala na ng batas ang kanilang pagsasama, ay inilibre na rin ang kani-kanilang Marriage Certificates na agad ibinigay matapos ang seremonya.
Bagamat at sabayan ang pagkakasal, sinunod nito ang dikta ang Relihiyong Islam.
Solemnizing Officer ng Kalilangan si Kidapawan Sharia Court Judge Mutalib Tagtagan.
Mahalaga ang kanyang mensahe dahil hindi lamang nakatuon ang pag-aasawa sa legal na pamamaraan kungdi, dapat alinsunod din ito sa aral ng Islam.
Ito ang unang pagkakataon na ginanap ang Kalilangan sa Kidapawan kung saan ay nagmula pa sa iba’t- ibang barangay ang mga Muslim couples na ikinasal.
Taon-taon ng gagawin ang Kalilangan sa Kidapawan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga magsing-irog na Muslim na magpakasal at legal na magsama, paniniyak pa ni Mayor Evangelista.##(CIO/LKOasay)

Photo caption – KALILANGAN SA KIDAPAWAN: Pinangunahan ni City Mayor Joseph Evangelista at kanyang maybahay na si Mrs. Marylene Evangelista ang Mass Wedding o Kalilangan ng may 276 na Muslim Couples sa lungsod.Bahagi ito ng ika 21st Charter Day ng Kidapawan City.(CIO Photo)

thumb image

Cotabato Provincial Gov’t nagbigay ng P5M ayuda para sa itatayong OFW Village sa lungsod

KIDAPAWAN CITY – PINASALAMATAN NG MGA DUMALONG OVERSEAS Filipino Workers ang limang milyong pisong ayuda ng Cotabato Provincial Government para sa itatayong OFW Village sa lungsod.
Katuparan na ang nabanggit para magkaroon ng mura at disenteng pabahay ang mga OFW’s na magka-qualify sa programa ng City at Provincial Governments.
Personal na iniabot ni Governor Emmylou Taliño – Mendoza ang tseke na naglalaman ng naturang halaga kay Mayor Joseph Evangelista hudyat ng pagsisimula ng proyekto na tinatarget maipatupad ngayong 2019.
Itatayo ang OFW Village sa isang lupain na binili ng City Government sa Barangay Kalaisan ng lungsod.
Maala-alang pinangako ni Mayor Evangelista sa mga OFW’s na taga Kidapawan City na nagta-trabaho sa Hong Kong at Singapore ang pagpapatayo ng pabahay ng personal siyang bumisita roon noong 2017.
Target ng programa na mabigyan ng mura at disenteng pabahay ang mga OFW’s na taga Kidapawan City na walang naipundar na lupa’t bahay sa loob ng maraming taong pagta-trabaho hindi lamang sa Hong kong at Singapore kungdi pati na rin sa ibang bansa.
Ididisenyo ng Socialized Housing Finance Corporation ang mga bahay samantalang pakakabitan naman ng City Government ng linya ng tubig at kuryente ang lugar na magagamit ng mga OFW na nakatira doon. ##(CIO/LKOasay)

thumb image

Baste Duterte bumilib sa pag-unlad ng Kidapawan City

KIDAPAWAN CITY – BUMILIB si Presidential Son Sebastian ‘ Baste’ Duterte sa maayos na pamamahala at patuloy na pag unlad ng lungsod.

Espesyal na bisita ng ika 21st Charter Day ng lungsod ang anak ng Pangulong Rodrigo Duterte kung saan ay sinabi niya ang paghanga sa kanyang talumpati sa okasyon.

Humanga si Duterte sa ganda ng Kidapawan City, malalapad na mga daan, pagtataguyod ng turismo lalo na ang Mt. Apo, at pagpapatupad ng mga ordinansa tulad sa kanyang lugar sa Davao City.

Halos magkatulad na ang Kidapawan at Davao City na kapwa nagpatupad ng 24/7 Emergency Call 911 at Anti-Smoking Ordinance, wika pa ng presidential son.

Law abiding o sumusunod sa batas din ang mamamayan ng Kidapawan kung kaya at patuloy itong umuunlad sa kasalukuyan, dagdag pa ni Duterte.

Dapat lang na pagkatiwalaan ng mamamayan ang kakayahan ni Mayor Evangelista na mamahala at magpatupad ng mga ordinansa para sa kaayusan at kapakanan ng lahat.

Pinuri din niya ang pagiging Best City Peace and Order Council ng lungsod sa Rehiyon Dose.

Maliban kay Duterte, panauhing pandangal din ng okasyon si Cotabato Governor Emmylou Taliño Mendoza kung saan ay pinuri naman niya ang mataas na koleksyon ng buwis ng City Government noong 2018.

Pagpapatunay lamang ito na naniniwala at suportado ng mamamayan ang magaganda at makabuluhang proyekto ni Mayor Evangelista, ani pa ng Gobernadora. ##(CIO/LKOasay)

Photo caption – BASTE DUERTE IN KIDAPAWAN CITY: Pnauhing Pandangal ng ika 21st Charter Day ng Kidapawan City si Presidential Son Sebastian Baste Duterte February 12, 2019. Sinamahan siya ni Mayor Joseph Evangelista sa pakihalubilo sa mga empleyado ng City hall.(CIO Photo)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio