Bagamat sa Mayo pa ang pagsasara ng bundok, mas mainam na isarado ito ng mas maaga, ayon pa sa pamunuan ng CDRRMO.
Maiiwasan muli ang nangyaring March 2016 forest fire sa bundok kung isasara pansamantala ng mas maaga ang bundok sa mga climbers.
Inaasahan kasing aakyat sa Mt. Apo ang maraming bilang ng climbers pagsapit ng Semana Santa.
Mismong mga kagawad ng CDRRMO ang umakyat sa Mt. Apo at nagpatunay na natutuyo na nga ang mga damo sa bundok dala na rin ng pananalasa ng El Niño.
Ito ay base na rin sa obserbasyon at pagsusuring ginawa ng kanilang mga tauhan.
Sa Lake Venado ay halos mangalahati na lang ang area na inoukupa ng tubig nito.
Halos wala na ring tumutulong tubig sa mga bukal sa palibot ng bundok.
Tuyo na rin ang damuhang nakapalibot sa mismong tuktok ng Mt. Apo kasali na ang 10 kilometrong fire line na hinukay ng City Government sa lugar.
Nagresulta rin sa ibayong pagkatuyo ng mga damo ang andap o frost dala ng malamig na hangin.
Peligroso rin sa lugar lalo pa sa kasalukuyan na mas malalakas ang hangin sa tuktok na pwedeng magsanhi ng madaling pagkaliyab at mabilis na pagkasunog ng damuhan.
Una ng nagdesisyon ang mga tourism officials ng Kidapawan, Bansalan, at Digos na sa buwan ng Mayo isasara pansamantala ang Mt. Apo.##(CIO)
( News Update 12:00 PM March 8, 2019: Tuluyan na pong isinara ang Kidapawan City – Magpet at Makilala trails paakyat ng Mt. Apo ngayong umaga lamang ng March 8, 2019 matapos pagdesisyunan ito sa Sub PAMB meeting ngayong araw)
Photo caption – MT APO IN FLAMES: A portion of the Sta Cruz trail of Mt. Apo burns during the forest and grass fire on March 31,2016 during the onset of the El Niño phenomenon.(Photo is from Bureau of Fire Protection Davao and Karlo Paolo R. Pates of Sunstar Davao published March 31, 2016)
Bagong Life Saving device tinanggap ng City Call 911
KIDAPAWAN CITY – TUMANGGAP ng bagong life saving device ang City Call 911 mula sa With Love Jan Incorporated.
Isang bagong Defibrillator Machine ang binigay ng With Love Jan bahagi ng upgrade ng City Call 911 sa mga kagamitan nito na naglalayung makaligtas ng buhay ng mga pasyenteng naaksidente o di kaya ay nasa ilalim ng medical emergency.
Ginagamit ang Defibrillator sa pamamagitan ng pagbibigay ng countershock o kuryente sa puso para gumana at tumibok ito at maiwasan ang cardiac arrest na maaring makamatay sa pasyente.
May kalakip din itong monitor kung saan makikita ang pulse at heart rate ng pasyente.
Ilalagay ng City Call 911 ang bagong makina sa ambulansya nito na gagamiting life saving device sa panahon ng emergency response.
Personal na inabot ng mga kagawad ng With Love Jan ang bagong Defibrillator Machine kay CDRRMO Psalmer Bernalte sa Operations Center ng Call 911 umaga ng March 7, 2019.##(CIO/LKOasay)
200 inang buntis nabigyan ng libreng serbisyo sa Buntis Caravan
KIDAPAWAN CITY – ABOT SA DALAWANG DAANG MGA Inang buntis ang nabigyan ng libreng maternity check-up sa Barangay Magsaysay ng lungsod.
Hatid serbisyo publiko ni City Mayor Joseph Evangelista kaagapay ang With Love Jan Foundation Incorporated ang aktibidad sa pagdiriwang ng Women’s Month ngayong buwan ng Marso.
Isinagawa ang libreng konsultasyon sa ilalim ng Buntis Caravan program ng Department of Health na naglalayung gawing ligtas para sa mga ina at sanggol ang pagdadalantao at panganganak.
Nagbigay muna ng lecture hinggil sa tamang pagbunbuntis ang mga kagawad ng City Health Office bago ang aktwal na maternity check-up.
Nabigyan ng libreng maternity services ang mga ina tulad ng mga sumusunod: Ultrasound; Blood Extraction; Urinalysis; Laboratory; Pharmacy; Dental Services at Pre-natal check-ups.
May libre din na personal at hygiene kits kagaya ng disinfectant; diapers; toothpaste; at iba pa ang dagdag na binigay sa bawat ina na lumahok sa aktibidad.
Muli namang ipinaalala ng mga local health services provider sa mga ina na panatilihin ang tamang nutrisyon para maiwasan ang mga komplikasyon dulot ng pagbubuntis.
Nagmula pa sa mga barangay ng Magsaysay; Kalaisan; Singao; Balindog; Macebolig; Sumbac; Junction at Amazion ang mga inang lumahok sa aktibidad.##(CIO/LKOasay)
Pamamaril sa TMU personnel kinondena ng City Government
KIDAPAWAN CITY –KINONDENA NI CITY MAYOR JOSEPH EVANGELISTA ang pamamaril sa isang kagawad ng Traffic Management Unit kahapon ng umaga.
Binaril ng riding in tandem suspect si Jeffrey Atud, edad 31, TMU personnel at nakatira sa Villamarzo Street ng Poblacion Kidapawan City.
Nangyari ang krimen habang nakasilong si Atud sa isang Small Town Lottery Outlet malapit sa roundball ng barangay Lanao.
Nilapitan siya ng mga suspect at binaril ng malapitan sa ulo.
Nasa kanyang trabaho si Atud sa pagmamando ng trapiko sa lugar, pagbubunyag pa ni Mayor Evangelista.
Ipinag utos na rin niya ang malalimang imbestigasyon patungkol sa pamamaslang.
Ipinaseguro na rin ng alkalde na mabibigyan ng tulong ang mga kaanak na naiwan ni Atud.
Ginagawa ng mga otoridad ang lahat para maresolba ang krimen, paniniyak pa ni Mayor Evangelista.
Bahagi ng Public Safety Program ang Crime Prevention, wika pa ni Mayor Evangelista.
Katunayan ay bumaba ang bilang ng krimen sa lungsod kumpara sa mga nagdaang taon ayon na rin sa datos ng City PNP.
Aminado ang alkalde na mahirap para sa mga otoridad na tumbukin ang nasa likod ng mga pamamaril dahil pawang mga personal na motibo ang sangkot dito.
Hinggil sa usapin ng paggamit niya ng intelligence fund, transparent ang paggamit nito dahil ginastos ito ayon na rin sa panuntunan ng Commission on Audit, paliwanag pa ni Mayor Evangelista.(cio)
Mayor Evangelista sinuportahan ang mga College at Senior High Student Leaders ng lungsod
KIDAPAWAN CITY – IBINAHAGI NI City Mayor Joseph Evangelista ang kanyang sistema ng maayos na pamamalakad sa lungsod sa mga College at Senior High School students ng Kidapawan City.
Espesyal na bisita ng Kidapawan City Colleges Federation ang alkalde sa kanilang Youth Leadership Summit kamakailan lang.
Ipinaalala ni Mayor Evangelista sa mga student leaders na laging isaalang –alang ang kapakanan ng nakararami sa bawat desisyong kanilang gagawin lalo na sa pagpapatakbo ng kani-kanilang student councils sa mga eskwelahan.
Ganito din kasi ang ginagawa ng alkalde kung nagdedesisyon siya sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng Lokal na Pamahalaan.
Realidad na sa bawat lider, ayon pa kay Mayor Evangelista, na hindi sa lahat ng panahon ay katanggap-tanggap ang desisyon ng pinuno sa kanyang mga nasasakupan.
Suportado naman ng alkalde ang mga ipapatupad ng programa ng KCCF.
Una na niyang inabot ng P30,000 na seed money para magagamit ng KCCF sa kanilang mga programa.
Narito ang mga student officers ng KCCF ngayong 2019: President: Kathleen Kaye Andan-USM KCC Vice Pres: Arnel Talion-CDK Sec: Jamaica Mata-CDK Treas: Cristel Babes Jungco-CMC Auditor: Jovan Candia PIO: Dominique James Maurin Reane Pia Poblador Board of Directors: Kareen Cagasan -CDK Kristel Jovel Tasis- CMC Prince Charl Cañonigo- CMC-SHS Nezie Umali-NVCFI SHS Darwin Neri-KTSSHS Louie Iway- RDACC Micho Albert Alpas- USM Aisah Mimbala-NVCFI Joven Lantin-NDKC Representatives: Mira Joy Pindoy – CMC Von Ryan Omapas – CMC SHS Ana Vanissa Bendol – NVCFI Rhenny May Borromeo – NDKC Charmelou Villamor- NVCFI KCCF Moderator Tryphaena Collado.##(CIO/LKOasay)
Kinita ng JAE 3 Cocks Derby gagamiting pondo sa programa ng FKITA at Liga ng Barangay
KIDAPAWAN CITY – HALOS TATLONG DAANG LIBONG PISO NA KINITA NG Mayor JAE 3 Cock Derby ang ibinigay ni City Mayor Joseph Evangelista sa Liga ng mga Barangay at Federation of Kidapawan Integrated Tricycle Association o FKITA.
P182,000 ang ibinigay ng alkalde sa Liga ng Barangay samantalang P98,000 naman para sa FKITA.
Layun ng pagbibigay ng kinita ng JAE 3cock Derby na tulungang magkaroon ng makahulugang proyekto kapwa ang FKITA at Liga ng Barangay.
Personal na iniabot ng alkalde ang tseke kay FKITA President Jabby Omandac noong February 27 at kay Liga City Federation President Morgan Melodias.
Pinaplano ng FKITA na gamitin ang pera para pambili ng school supplies na kanilang ibibigay sa mga mahihirap na grade school pupils samantalang libreng medical outreach program naman ang nais gawin ng Liga ng mga Barangay.
Isa sa mga tampok na aktibidad sa nakaraang 21st Charter Day ng Lungsod noong February 12, 2019 ang JAE 3Cock Derby kung saan ay sinaksihan ng daan-daang mga parokyano.##(CIO/LKOasay)
Temporary closure ng Mt. Apo pinag-aaralan sanhi ng El Niño
KIDAPAWAN CITY – PINAG-AARALAN NA NG City Government kung isasarado muna pansamantala sa mga climbers ang Mt. Apo ngayong summer months.
Bunga na rin ng banta ng grassfire at forest fire ang plano dahil na rin sa pananalasa ng EL Niño.
Inaantay pa ng City Tourism Council ang magiging desisyon ng Protected Areas Management Board o PAMB ng DENR kung itutuloy ba ang temporary closure.
Bagamat bukas pa ang bundok sa mga climbers sa kasalukuyan, pinag-aaralan din kung lilimitahan ang bilang ng mga aakyat sa layuning makontrol ang dami ng climbers (lalo na yaong mga aakyat sa Semana Santa) at maiiwasan ang posibleng sunog.
Patuloy na umiinit ang panahon at natutuyo na ang mga damo sa bundok na peligrosong magsanhi ng grass fire, ayon na rin sa otoridad.
Kaugnay nito ay ipinag-utos na rin ni City Mayor Joseph Evangelista sa CDRRMO na pag-aralan ang pagpapalawak pa sa ‘fire line’ sa Mt. Apo.
Layun nito na hindi na mauulit pa ang grass at forest fire sa Mt. Apo noong 2016 na inabot din ng ilang linggo bago naapula at sumira sa ekta-ektaryang kahuyan at damuhan sa bundok.
Sampung kilometro ang haba ng kasalukuyang fireline na may lapad na sampung metro.
Magiging mahirap para sa otoridad na apulahin ang sunog na maaring mangyayari sa bundok dahil na rin sa kapabayaan ng iilang climbers.
March 5, 2019 pa magme-meeting ang PMAB para pag-aralan ang hakbang sa pansamantalang closure ng Mt. Apo.##(CIO/LKOasay)
(photo credit to Williamor A. Magbanua at inquirer.net March 27, 2016)
Kidapawan City athletes namayagpag sa SRAA 2019 at Batang Pinoy Mindanao Leg
KIDAPAWAN CITY – NAGBUBUNGA NA ang One Team One City One Goal 5 Year Sports Development Program ng City Government matapos mamayagpag ang mga atleta ng lungsod sa SOCCSKSARGEN Regional Meet 2019 at Batang Pinoy Mindanao Leg kamakailan lang.
Mula ikapitong pwesto noong 2018 ay lumundag na sa ikaapat ang Kidapawan City sa SRAA samantalang nanalo naman ng mga medalyang ginto, pilak at tanso sa Batang Pinoy ang mga pambato ng lungsod.
39 Gold, 30 Silver at 42 Bronze Medals ang napanalunan ng Kidapawan City Delegation sa SRAA na ginanap sa tatlong bayan ng Sarangani samantalang 6 gold, 15 silver at 11 bronze medals naman sa Batang Pinoy sa Tagum City.
Nagbigay ng medalya para sa Kidapawan City sa katatapos lamang na SRAA meet at Batang Pinoy ang mga sumusunod na events: Swimming; Athletics; Badminton; Taekwondo; Gymnastics; Table Tennis, Arnis; Volleyball Girls Elementary; Chess; Dance Sports; Wrestling; Boxing; Wushu; Baseball Boys Secondary; Sepak Takraw at Pencak Silat.
Nagbigay ng subsidy ang City Government para sa training, exposure, equipment at uniporme pati na pagkain sa mga atletang kumatawan sa Kidapawan City para sa mga nabanggit na palaro.
Nagsimulang ipatupad ni City Mayor Joseph Evangelista ang One Team One City One Goal noong 2017 na naglalayung makatuklas ng mga magagaling na kabataang maglalaro para sa Kidapawan City sa mga provincial, regional at national meets.
Katuwang ang Department of Education City Schools Division at ang Kidapawan City Sports Development Council, lumikha ng training pool ang Kidapawan City Government sa tulong ng mga local sports clubs para hasain ang mga manlalaro pati na ang kanilang mga coaches na mga guro ng DepEd.
Mas nabigyan na ng ibayong atensyon ang Sports Development Program ng lungsod kumpara noon dala na rin sa aktibong partnership ng City Government, City Sports Dev’t Council, DepEd, local sports clubs at ng pribadong sektor.
Positibo si Mayor Evangelista na sa pagpapatuloy ng programa ng One City One Team One Goal Sports Development ay hindi malayong may taga Kidapawan City na makikilala bilang bagong Sports Hero ng bansa.
Maglalaro naman sa darating na Palarong Pambansa 2019 sa Davao City ang mga atleta ng Kidapawan City na nanalo sa SRAA Meet.##(CIO/LKOasay)
photo caption – TAEKWONDO GOLD: Isa si Hannah Faith Acero ng Kidapawan City (gitna) sa mga nanalo ng gintong medalya sa Taekwondo Kyorugi event sa katatapos lamang na SRAA Meet na ginanap sa Sarangani noong February 17-22, 2019. SIya ay produkto ng One Team One City One City Goal Sports Development ng City Government at Department of Education.(photo is from Jhun Dalumpines Acero FB Account)
CDRRMO nagbibigay ng tubig maiinom sa ilang sitio bunga ng El Niño
KIDAPAWAN CITY – NAGSIMULA ng magrasyon ng tubig maiinom ang City Disaster Risk Reduction and Management Office mula February 18 hanggang sa kasalukuyan.
Ito ay matapos ipag utos ni City Mayor Joseph Evangelista sa CDRRMO na magbigay ng libreng tubig maiinom sa pitong sitio sa apat na mga barangay na naapektuhan na ng El NIño phenomenon na nananalasa na sa lungsod sa ngayon.
Mga Sitio ng Nazareth, Quarry, Puas Inda sa Barangay Amas; Andagkit sa Kalaisan; Lika sa Onica at Balite at Talisay sa barangay Malinan ang mga unang komunidad na binigyan ng tubig ng City Government.
Tuyo na ang mga balon sa mga nabanggit na sitio dala ng patuloy na init panahon at malayo din ang iba pang pagkukunan ng tubig maiinom, ayon pa sa mga residente.
Pumunta sa mga naturang lugar ang mga dump truck ng City Government dala ang mga tangke na may lamang tubig.
Dalawang libong litro ng tubig ang laman kada tangke ang ipinamamahagi ng CDRRMO sa mga pamilyang nakatira sa lugar.
Posible din na magdeklara ng State of Calamity ang City Government kung mananalasa pa ng matagal na panahon ang El Niño phenomenon sa lungsod.
Pero bago mangyayari ito ay kinakailangan munang i-validate ang kasiraang dulot ng tagtuyot sa mga pananim, farm animals, at kabuo-ang bilang ng mga tahanang apektado ng El Niño.
Kapag nadeklara ito, magbibigay karagdagang tulong sa mga apektadong komunidad ang City Government base na rin sa mandato ng RA 10-121 o DRRM Law.
Mahigit sa 23,000 households o 25% ng total local population ang tinatayang maa-apektuhan ng El Niño sa Kidapawan City, ayon na rin sa datos ng City Social Welfare and Development Office.
Abot naman sa 700 ektaryang maisan at 1200 ektaryang palayan at gulayan ang tatamaan ng tagtuyot, datos mula na rin sa City Agriculture Office. ##(CIO/LKOasay)
Photo caption – El Niño nananalasa na sa Kidapawan City: Tuyo na ang ilang kalupaan sa Kidapawan City kung saan makikita si CDRRMO Psalmer Bernalte na nanguna sa assessment sa mga lugar na sinalanta na ng tagtuyot. Dahil dito ay umaksyon na ang City Government sa pamimigay ng libreng tubig maiinom sa ilang apektadong mga lugar bilang agarang tulong sa mga residente.(CDRRMO Photos)