Category: Press Release

You are here: Home


thumb image

KIDAPAWAN CITY (Hunyo 10, 2023) – MALAKI ang magagawa ng itatayong Dog Impounding Building project sa pagpapalakas ng serbisyo ng Office of the City Veterinarian o OCVET.

Ginawa ang groundbreaking ng proyekto sa Barangay Kalaisan kahapon, Hunyo 9, 2023 na pinangunahan ni Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista kasama si City Veterinarian Dr. Eugene Gornez at mga konsehal ng lungsod na sina Galen Ray Lonzaga, Michael Earvin Ablang, at Judith Navarra.

May kakayahang nag-accommodate ng mula 40-60 na mga asong mahuhuli sa Operation Askal (asong kalye) o street dogs ang itatayong dog impounding building.

Isa sa mga hamon na kinakaharap ng OCVET ay ang kakulangan ng impounding area para sa mga aso kaya sagot ito sa kahilingan ng tanggapan.

Sa oras na matapos ang bagong gusali ay inaasahang mapapalawak pa ng OCVET ang kanilang serbisyo para na rin sa kaligtasan ng publiko partikular na ang pagsugpo sa nakamamatay na rabies at aksidente sa daan dulot ng mga pagala-galang aso, ayon na rin sa mandato ni Mayor Evangelista sa OCVET.

Nagbigay naman ng ibayong sigla at inspirasyon kay Dr. Gornez ang itatayong building ganon din sa hanay ng mga personnel ng OCVET.

Matatandaang may dog impounding ang OCVET sa Barangay Magsaysay pero ito ay hindi sapat para mag-accommodate ng mga aso maliban pa sa may kalumaan na ang pasilidad.

Mula naman sa 20% Economic Development Fund o EDF 2023 ang P1.8M na pondong gagamitin sa konstruksiyon ng bagong dog impounding ayon sa inilatag na Program of Work na inilatag ng Office of the City Engineering.

Agad sisimulan ngayong Hunyo ang pagtatayo ng proyekto at inaasahang matatapos sa 4th quarter ng kasalukuyang taon. (CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Hunyo 6, 2023) – MAHALAGA ang paglalagay ng box culvert sa kanal upang maging maayos ang daloy at maiwasan ang overflowing o pag-apaw ng tubig.
Kaya naman isang magandang balita para sa mga residente ng Purok 1 ng Barangay Indangan sa Kidapawan City ang isinagawang groundbreaking ng box culvert project (one barrel box culvert, slope protection and PCCP) ngayong araw ng Martes, Hunyo 6, 2023, alas-siyete y media ng umaga.
Nagkakahalaga ng P2,260,219.00 ang nabanggit na proyekto na nanggaling sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund o LDRRMF of 2023 at tinatayang matatapos sa loob ng 90 araw, ayon kay Engr. Lito Hernandez, ang City Engineer ng Kidapawan.
Bahagi naman ito ng priority infrastructure projects ng City Government of Kidapawan para sa mga barangay tulad ng Indangan at iba pang mga lugar na nangangailangan ng makabuluhang proyektong magpapaangat ng kanilang pamumuhay.
Matatandaang bago lamang ay nagkaroon din ng groundbreaking ceremony ng mga proyekto sa iba pang mga barangay tulad ng Manongol, Perez, at Sibawan kung saan mismong si City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang nanguna kasama ang mga konsehal, key personnel mula sa City Engineering, OCBO, at iba pang opisina.
Ayon kay Mayor Evangelista, ibinabalik lamang ng City Government of Kidapawan ang buwis na kanilang binabayaran sa pamamagitan ng proyekto tulad ng box culvert na lubhang mahalaga para sa Purok 1 ng Indangan.
Dapat raw ingatan ng mga residente ang proyekto sa pangunguna ni Punong Barangay Sedinio Alilian at mga barangay kagawad dahil ito ay inilaan para sa kaayusan ng barangay.
Kabilang sa pag-iingat na gagawin ay huwag silang magtapon ng basura sa kanal upang hindi bumara at hindi agad masira ang box culvert.
Sa ginanap na groundbreaking sa Indangan ay dumalo naman ang mga Konsehal ng lungsod na sina Airene Claire Pagal, Judith Navarra, Aljo Cris Dizon, Michael Earving Ablang, at Galen Ray Lonzaga na pawang nagpahayag ng kasiyahan at suporta sa barangay.
Buo din ang suporta na ibinigay ng mga Department Heads na sina Engr. Hernandez, Engr. Jicylle Merin (OCBO) at Acting City Administrator Janice V. Garcia sa naturang aktibidad. (CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Hunyo 5, 2023) – LUBOS ang kasiyahan ng mga residente ng Barangay Sibawan, Kidapawan City makaraang gawin ang groundbreaking ceremony ng road concreting project na nagkakahalaga ng P6.6M ngayong araw ng Lunes, Hunyo 5, 2023, alas-nuwebe ng umaga.

Abot sa 620 meters ang haba ng naturang road concreting project na ang pondo ay mula sa 20% Economic Development Fund o EDF ng 2023 (Resolution No.079 – Reprogrammed).

Masiglang pinangunahan ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista ang groundbreaking ceremony ng gagawing kalsada na siya namang magbibigay ng ginhawa sa mga residente at iba pang gagamit o dadaan sa lugar.

Kasama ng alkalde sa mahalagang aktibidad sina City Councilors Rosheil Gantuangco-Zoreta, Aljo Cris Dizon, Francis Palmones, Jr. at mga Department Heads ng City Government na sina Engr, Lito Hernandez (City Engineering), Engr. Jicylle Merin (Office of the Building Official), Engr. Francisco Tanaid, Jr. (Assistant CGSO), at Acting City Administrator Janice V. Garcia, pati na ang mismong mga kagawad ng Barangay Sibawan.

Una ng ipinarating ni Punong Barangay Roger Toledo ng Sibawan ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa City Government of Kidapawan at sa administrasyon ni Mayor Evangelista sa paglalagay ng mahalagang proyekto sa kanyang barangay.

Inaasahang matatapos ang konstruksyon ng nabanggit na road concreting project sa loob ng 75 araw, ayon sa Office of the City Engineer. (CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Hunyo 5, 2023) – INIHAYAG ng Business Permit and Licensing Office o BPLO ang kanilang accomplishment report o mga nagawa mula Enero hanggang Mayo 2023 sa flag raising ceremony at employee convocation na ginanap alas-otso ng umaga ngayong araw ng Lunes.

Sa pangunguna ni BPLO Head Lope B. Quimco ay nakapag-issue ng abot sa 4,760 Business Permits ang naturang tanggapan kung saan 4,122 ay renewals o mga existing businesses at 638 ay mga new business holders o bagong bukas na negosyo.

Matatandaang naging matagumpay ang Electronic Business One-Stop-Shop o E-BOSS na isinagawa ng City Government of Kidapawan sa pangunguna ng BPLO kasama ang iba pang tanggapan ng City Government at mga national line agencies.
Tungkulin ng BPLO na bigyan ng kaukulang business permits and licenses ang mga negosyo sa lungsod maging ito man ang ay existing business o new business basta kumpleto at aprubado ang lahat ng requirements sa pagkuha ng nabanggit na mga dokumento.

Maliban rito ay na nakapag-proseso din ang BPLO ng abot sa 3.041 tricycle permits. Sa kasalukuyan ay nakikipagkoordinasyon sila sa Traffic Management and Enforcement Unit o TMEU para sa apprehension ng nalalabing 310 tricycle operators/drivers na hindi nakakuha ng kaukulang tricycle permit.

Nakapagbigay rin ng libreng serbisyo ang BPLO sa abot sa 10 barangay sa lungsod sa isinagawang Kidapawan Dad-an ug Proyekto ug Serbisyo o KDAPS kung saan hindi na kinailangan pa ng mga residente na magtungo sa iba’t-ibang tanggapan dahil mismong ang BPLO kasama ang ibang opisina ang pumunta sa kanilang barangay.

Bahagi o kasama din ang BPLO sa itinatag na Joint Inspection Team na nagmo-monitor/nagsasagawa ng inspection sa mga business establishments na nagresulta sa 386 Notice of Violations at 251 Closure Orders. Sa naturang bilang ay abot naman sa 177 ang matagumpay na nakakuha ng Business Permit matapos makapag-comply sa lahat ng requirements na itinakda ng City Government.

Inaanyayahan ng BPLO ang publiko na bumisita sa kanilang tanggapan kung may mga inquiries o katanungan o maaari silang tumawag sa 064-577-1606 o mag-email sa [email protected]. (CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Mayo 31, 2023) – MULI na namang namahagi ng mga alagang baboy ang City Government of Kidapawan sa pamamagitan ng Animal Dispersal Program na pinangangasiwaan ng Office of the City Veterinarian.

Sa pagkakataong ito, inilaan ang mga baboy para sa pagdiriwang ng mga purok fiesta o anniversary ng bawat purok kung saan maaari nila itong gamiting handa sa espesyal na okasyon o pagkakatatag ng purok.

Sampung purok ang unang nakabiyaya sa dispersal na ginanap kahapon, Mayo 30, 2023 sa Office of the City Veterinarian at ang mga ito ay kinabibilangan ng Purok 7, Brgy. Ilomavis; Purok Mangosteen, Brgy. Linangkob; Purok Talisay, Brgy. Malinan; Purok Palmera, Brgy. Amas; Purok Lawaan, Brgy Amas; Purok Ipil-Ipil, Brgy. Amas; Purok Durian, Brgy Luvimin; Purok 4, Brgy. Gayola; Purok Malunggay, Brgy. Birada, at Brgy, Poblacion.

Layon ng pamamahagi na matulungan ang mga purok na maidaos ang kanilang mahalagang araw at sama-samang makapagdiwang ang mga residentre ng hindi na gumagasto ng malaki, ayon kay Elvis Dulay, ang Head and Desk Officer ng Pag-Amuma Unit o PAU na nasa ilalim ng Office of the City Mayor.

Alinsunod daw ito sa hakbang ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista na tulungan ang mga purok na makapag-diwang ng maayos ng di na gumagasto ng malaking halaga.

Kaya naman agad na nakip[ag-ugnayan ang PAU sa Office of the City Veterinarian para maisakatuparan ang dispersal sa bawat purok (60 araw bago sumapit ang kapistahan)

Nakatakda ding mamahagi ng isang sakong bigas ang PAU para magamit ng mga purok sa mismong araw ng kanilang mga anibersaryo na muli ay isang malaking bagay para sa mga mamamayan.

Matatandaan na nitong nakalipas na mga panahon ay nagbibigay lamang ng P1,500 ang City Government of Kidapawan sa mga purok na magdiriwang ng foundation anniversaries kaya’t ganon na lamang ang tuwa ng mga lider ng purok.

Sa kabilang dako, marami ng mga maliliit o small hog raisers sa lungsod ang una ng nakinabang sa Hog Dispersal Program lalo na ang mga nag-aalaga ng baboy na sinalanta ng African Swine Fever o ASF nitong nakalipas na dalawang taon.

Nakatulong ng malaki sa kanila ang natanggap na mga baboy matapos na sumailalim sa culling ang kanilang mga alaga na naging dahilan ng pagkalugi ng kanilang negosyo.

Ngayon ay lalo pa itong makatutulong sa mga purok dahil may magagamit na sila para sa ihahanda sa okasyon o espesyal na araw ng pagkakatatag ng purok. (CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Hunyo 1, 2023) – ISINAGAWA ang Groundbreaking Ceremony ng itatayong Kidapawan City Central Fire Station sa Barangay Magsaysay, Kidapawan City ngayong araw ng Huwebes, June 1, 2023, alas-dos ng hapon.

Nanguna sa seremonya si City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista kasama ang matataas na opisyal ng Bureau of Fire Protection o BFP 12 na kinabibilangan nina Regional Director CSUPT. Alven Valdez, DSC; Provincial Fire Marshall SUPT. Leilani Bangelis, at CINSP. Marleap Nabor, ang Fire Marshall ng lungsod.

Abot sa 1,100 square meters ang lupang binili ng City Government of Kidapawan para pagtayuan ng bagong gusali ng BFP Kidapawan personnel at kaharap lamang nito ang Magsasay Eco-Tourism Park. Ang BFP Headquarters sa Quezon City/National Government naman ang magbibigay ng pondo para sa konstruksiyon ng 3-storey building na kinapapalooban ng reception area, control center, conference room, administrative office, multi-purpose hall at iba pa.

Ang mga nabanggit na opisyal ang nanguna sa groundbreaking na kinapapalooban ng filling and sealing of time capsule.

Si Fr. Hipolito Paracha, DCK ang nag-alay ng panalangin at blessing rites para sa time capsule at sinundan ito ng unveiling of proposed Kidapawan City Fire Station perspective at bilang pagtatapos ay ang lowering of time capsule.

Ayon kay Fire Marshall Nabor, matagal ng inaasam ng BFP Kidapawan na magkaroon ng fire station na bago, moderno at kumpleto sa pasilidad.

Kaya naman tugon raw sa kanilang dasal ang pagbibigay ng City Government of Kidapawan ng lupa bilang counterpart sa proyekto at ang pondong ilalaan ng BFP Headquarters/National Government para sa building.

Sa kanyang panig, sinabi ni Mayor Evangelista na ang itatayong gusali ay patunay na tuloy-tuloy ang pag-unlad ng Kidapawan City at makatutulong ang gusali sa pagbuo ng imahe ng lungsod bilang tunay na livable city.

“Isa itong makasaysayang hakbang tungo sa katuparan ng pangarap ng bawat Kidapaweno – ang mamuhay ng mapayapa at walang pangamba”, ayon sa alkalde.

Ipinahayag naman ni BFP12 RD Valdez ang taos-pusong pasasalamat kay Mayor Evangelista sa ibayong suporta para sa itatayong building ganon din kay dating City Mayor at ngayo’y 2nd District of Cotabato Board Member Joseph Evangelista na siyang unang kumilos para sa katuparan ng proyekto.

Mas tataas ang moral ng mga firefighters dahil mapapalitan na ang kanilang lumang gusali ng bago at mas malaking workplace na magbibigay ng dagdag na inspirasyon at sigasig sa BFP Kidapawan sa pagganap ng kanilang tungkulin, dagdag pa ni Valdez.

Dumalo rin sa aktibidad sina City Councilors Gallen Ray Lonzaga, Michael Earving Ablang, Punong Barangay Julio Labinghisa ng Magsaysay, Punong Barangay Arnold Sumbiling ng población at mga Department Heads mula sa City Government na sina Engr. Jicylle Merin ng OCBO, Redentor Real ng City Treasury, at Acting City Administrator Janice Garcia.

Sisimulan naman agad ang konstruksiyon ng 3-storey building ng BFP at inaasahang matatapos sa loob ng anim na buwan. (CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Hunyo 2, 2023) – ISA na namang makabuluhang proyektong laan para sa mga mamamayan ang nakatakdang simulan ng City Government of Kidapawan sa pamamagitan ng Office of the City Engineer.

Ito ay ang 174.12-meter Barangay Manongol-Barangay Perez Road concreting project (with 4-5 meters expansion on both sides) na nagkakahalaga ng P 2,898,520.85 kung saan ay ginanap ang groundbreaking ceremony ngayon araw na ito ng Biyernes, Hunyo 2, 2023 sa pangunguna ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista.
Mula sa 20% Economic Development Fund CY 2023 (Resolution No. 079) ang pondong ginamit para sa konstruksiyon ng nabanggit na kalsada.

Layon ng infrastructure project na magkaroon ng maayos na dadaanan at ligtas na biyahe ang mga residente lalo na ang mga local fruit and vegetables growers na nagdadala ng kanilang mga produkto sa merkado.

Isa ang pagpapatupad ng infrastructure projects sa mga prayoridad ng administrasyon ni Mayor Evangelista dahil ito raw ang susi sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng mga barangay tulad ng Manongol at Perez.

Hiniling niya sa mga mamamayan na ingatan ang proyekto dahil ito ay inilaan sa kanila at naging instrumento lamang ang alkalde sa pagpapatupad nito ay maisakatuparan.

Maliban kay Mayor Evangelista, dumalo rin sa ground breaking ang mga konsehal ng lungsod na sina Galen Ray Lonzaga, Aljo Cris Dizon, Airene Claire Pagal, Michael Earving Ablang, Judith Navarra at ABC President Morgan Melodias.

Sa hanay ng mga Department Heads ng City Government of Kidapawan ay dumalo sina City Engineer Lito Hernandez, OCBO Head Engr. Jicylle Merin, at City Administrator Janice Valdevieso Garcia.

Ipinahayag naman ng mga Punong Barangay na sina ABC President Melodias ng Manongol at Jabert Hosdista ng Perez kasama ng kanilang mga kagawad ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa mga opisyal ng LGU Kidapawan sa pangunguna ni Mayor Evangelista.

Inaasahan namang matatapos ang naturang road concreting project sa loob ng tatlong buwan. (CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Mayo 24, 2023) – SA kauna-unahang pagkakataon ay gagawin sa Lungsod ng Kidapawan ang “Sugba sa Plaza” bilang highlight ng Culmination Day ng Farmers and Fisherfolks’ Month Celebration sa darating na Mayo 30, 2023.

Abot sa 1,300 kilo ng isdang tilapia o katumbas ng humigit-kumulang 5,200 isdang tilapia ang ilalaan para sa mga lalahok sa “Sugba sa Plaza”.

Handog ito ng City Government of Kidapawan para sa mga mamamayan ng lungsod at para din sa mga mamamayan mula sa ibang bayan, ayon kay Marissa Aton, ang City Agriculturist ng Kidapawan.

Abot naman sa 2,000 tickets ang ihahanda ng kanilang tanggapan para sa pagsasagawa ng aktibidad kung saan bawat ticket ay katumbas ng 1-2 tilapia at 3 packs rice.

Ang pinakamagandang balita naman ay libre o walang bayad ang ticket, ayon pa rin kay Aton.

Maglalaan ng 40 tickets sa bawat barangay na may malalaking populasyon (10 barangays) at ito ay kinabibilangan ng Poblacion, Singao, Sudapin, Lanao, Balindog, Paco, Amas, Nuangan, Manongol, at Magsaysay habang tig 30 tickets naman para sa nalalabing 30 barangays ng lungsod, at meron ding reserved tickets para sa mga walk-in participants at espesyal ng bisita.

Magsisimula ito alas-otso ng umaga sa City Plaza sa nabanggit na araw kung saan by batch ang paraan ng pagpasok (300 persons per batch) at may isang oras na ibibigay para sa pag-ihaw o “sugba” at pagkain ng tilapia.

May mga nakahandang lamesa, grilling units, water supply, at tilapia containers sa loob ng City Plaza.

Labing-limang taong gulang pataas ang maaaring lumahok sa “𝙎𝙪𝙜𝙗𝙖 𝙨𝙖 𝙋𝙡𝙖𝙯𝙖” at kung may mga batang papasok dapat ay kasama ang mga magulang at gagamitin ang kanilang ticket para sa mga bata.

Pinapayuhan din ang mga lalahok sa aktibidad na magdala ng sariling drinking water at pamaypay para sa pag-ihaw ng tilapia.
Layon ng “𝙎𝙪𝙜𝙗𝙖 𝙨𝙖 𝙋𝙡𝙖𝙯𝙖” na maipakita ang masaganang ani ng tilapia sa Lungsod ng Kidapawan at maipabatid hindi lamang sa mga residente ng lungsod kundi pati na sa mga mamamayan mula sa ibang bayan o rehiyon, ayon kay City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista.

Isa rin itong tribute o alay para sa mga local farmers/fisherfolks bilang pasasalamat sa kanilang malaking kontribusyon sa pag-unlad ng agrikultura sa lungsod.

Sa ganitong paraan ay mas lalakas ang market linkage ng tilapia at magbibigay ng daan para sa mga local fisherfolks na magkaroon ng mas malaking benta at kita.

Samantala, maliban sa “Sugba sa Plaza” ay itatampok din ang Inter-School Product Development, Tilapia Cooking Competition, at Product Display (Mega Tent), ayon naman kay Efren Temario, ang Fisheries Coordinator ng OCA.

Kaugnay nito, inaasahang magiging patok sa mamamayan ang aktibidad kung saan makikita ang masaganang ani ng malalaki at malinamnam na tilapia mula sa mga fish pond growers o fisherfolks ng lungsod.

Tema ng pagdiriwang ng Farmers and Fisherfolks’ Month ngayong Mayo 2023 ay “Masaganang Agrikultura, Maunlad na Ekonomiya”. (CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Mayo 9, 2023) – May dalang panganib ang mga cable wires na nakabitay at nagkabuhol-buhol sa mga poste ng kuryente na makikita sa kahabaan ng national highway at iba pang mga pangunahing kalsada sa lungsod.

Posible itong magsanhi ng aksidente sa mga motorista o kahit sa mga tao na lumalakad o dumadaan lamang sa lugar.
Maliban rito, ay hindi kaaya-ayang tingnan at isang eye sore ang mga nakapulupot, nagkanda-buhol-buhol at halos nalalaglag na mga cable wires.

Kaya naman isang Executive Order ang nilagdaan ni Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista para tugunan at bigyan ng solusyon ang problemang ito na matagal ring hindi nabibigyan ng kaukulang pansin.

Sa pamamagitan ng naturang EO ay naatasan ang Office of the City Building Official o OCBO para pangunahan ang pagtatanggal ng mga electrical at cable wires na nagdudulot ng hazard sa tao, mga sasakyan, at iba pang ari-arian.

Kaugnay nito pinaliwanag ni OCBO Head Engr. Jicylle Merin kung ano ang ginagawa ng OCBO personnel ngayon sa highway kaugnay ng kautusang linisin ang mga poste ng kuryente na nagtataglay ng mga dangling cable wires. Ito ay ang massive pullout of dangling wires o mga wires na hindi na ginagamit at tila napabayaan na sa tagal ng panahon.

Ibinahagi din niya ang Executive Order No. 2 series of 2023 na may titulong “An Order Prohibiting the Hazardous Dangling of Wires and Maintenance of Substandard Poles within the City of Kidapawan, Creating an Enforcement Mechanism to Ensure Compliance with Existing Provisions of Law, Directing the Filing of cases Against Violators, and other Related Purposes”, bilang basehan sa pagtatanggal ng mga wires. Ang mga wires ay pag-aari ng ilang mga Telecommunication Companies o Telcos na hindi na functional at tila napabayaan ng nakalambitin sa mga poste.

Kaya naman nitong May 4, 2023 ay sinimulan na ng mga personnel ng OCBO ang pagtatanggal ng mga napabayaang wires upang makaiwas sa aksidente at hind imaging masakit sa mata ang itsura ng mga poste ng kuryente.

Nagkaroon muna ng serye ng pagpupulong sa pagitan ng OCBO, Cotabato Electric Cooeprative, Inc. o COTELCO at ilang mga Telcos para sa pagsasagawa ng massive pullout of dangling wires.
Kinakailangan daw kasi na ma-identify ng tama ang mga tatanggaling wires upang hindi magka-aberya at dito kailangan ang tulong ng COTELCO pati na ang mga natukoy na Telcos.

Binigyang-diin ni Engr. Merin na buong Kidapawan ang target na ikutin ng mga linemen ngunit uunahin muna ang kahabaan ng national highway sa Barangay Poblacion dahil dito naka-concentrate ang mga dangling wires o volume ng mga wires at suriin na rin ang kalagayan ng mga poste ng kuryente at alamin kung ito ba ay nasa mabuting kondisyon pa o kailangan na ring palitan.

Sa kabilang dako, nilinaw ni COTELCO OIC General Manager Crismaceta Golocino na hindi pag-aari ng COTELCO ang mga dangling wires na ito. Katunayan, maraming mga wires na inilagay ang mga Telcos na kailangan ng tanggalin dahil hindi na nga ginagamit o pinakikinabangan kaya naman kailangan ng alisin.

May mga cable wires din raw na maituturing na illegal attachments dahil walang pahintulot ang paglalagay ng mga ito kaya kailangan din isali sa ginagawang massive pullout.

Kapag wala raw Joint Pole Agreement o JPA ang COTELCO at ang alinmang Telco ito ay invalid at ito ang mga illegal attachments, dagdag pa ni GM Golocino.

Sa ngayon ay unti-unti ng natatanggal ang mga cable wires na hindi magandang tingnan at posibleng maging sanhi pa ng malalang aksidente sa national highway partikular na sa harapan ng City Highwalk patungong Jolibee Drive Thru. .

Makakaasa naman ang mga mamamayan na magpapatuloy ang operasyon ng mga personnel mula sa OCBO at COTELCO kasama ang Office of the City Engineer upang unti-unti ay mawala na ang mga dangling wires na dulot ay aksidente ng motorista at iba pang panganib. (CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Mayo 22, 2023) – MALAKI ang posibilidad na papasok ang El Nino Phenomenon sa bansa sa third quarter ng kasalukuyang taon ng 2023.
Ito ay ayon sa Dept. of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration o DOST – PAGASA kung saan mahigit 80% ang probabilidad na mararamdaman ito sa buwan ng Hulyo, 2023.
Dahilan naman para ipag-utos ng Department of Interior and Local Government o DILG sa pamamagitan ng mga direktiba sa mga Local Government Units na magkaroon ng mga hakbang o paraan upang hindi gaanong makaapekto ang El Nino o matinding tag-init sa pamumuhay ng mga mamamayan.

𝘼𝙂𝘼𝘿 𝙆𝙐𝙈𝙄𝙇𝙊𝙎 𝘼𝙉𝙂 𝙇𝙂𝙐 𝙆𝙄𝘿𝘼𝙋𝘼𝙒𝘼𝙉

Nitong April 26, 2023 ay naglabas ng forecast at babala ang DOST – PAG-ASA na makakaranas ng El Nino ang malawak na bahagi ng bansa. Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ay nag-utos sa mga LGUs sa pamamagitan ng mga Regional, City, at Municipal kasama na ang Barangay DRRMOs na magkaroon ng Preparedness Action Plan.

Binigyang-diin ng DOST-PAGASA at NDRRMC ang negatibong dulot ng El Nino (nahati sa tatlong kategorya- Dry Condition, Dry Spell, at Drought) sa agrikultura kaya’t kailangang kumilos agad upang makaiwas sa matinding pinsala at perwisyo.

Agad na tumalima sa kautusang ito ang City Government of Kidapawan sa pangunguna ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista taglay ang hangaring mapaghandaan ang pagdating ng El Nino.

𝘽𝘼𝙒𝘼𝙏 𝘿𝙀𝙋𝘼𝙍𝙏𝘼𝙈𝙀𝙉𝙏𝙊 𝙈𝘼𝙔 𝙋𝙇𝘼𝙉𝙊 𝙆𝘼𝙔𝘼 𝙀𝙎𝙏𝙍𝘼𝙏𝙀𝙃𝙄𝙔𝘼 𝙉𝘼𝘽𝙐𝙊

Kailangan ng mahusay na estratehiya sa pagbuo ng hakbang para sa pagharap sa El Nino na isang malaking banta sa kaligtasan at kalusugan ng mamamayan.

Kaya naman ang mga pangunahing tanggapan o departamento ng City Government of Kidapawan na kinabibilangan ng Office of the City Agriculturist, Office of the City Veterinarian, City Social Welfare and Development Office, City Health Office at City Nutrition Action Office ay nagsumite ng kani-kanilang plano sa City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO kung paano haharapin ang El Nino.

Nauna nang nagsagawa ng Climate and Disaster Risk Assessment o CDRA ang Lokal na Pamahalaan upang kung saan napag-alamang 14 barangays ang napaloob sa High Vulnerability of El Nino (Red), 15 barangays ang Moderate Vulnerability (Orange), at 11 barangays ang nasa Low Vulnerability (Yellow). Makakatulong ito upang magawa ang nararapat na hakbang para sa bawat grupo o vulnerability ng mga barangay.

Matapos ang pulong ng CDRRM Council ay nabuo ang estratehiyang kinapapalooban ng tatlong bahagi at ito ay ang Early Actions, Anticipatory Actions, at Relief Actions.

𝙈𝙂𝘼 𝙈𝘼𝙃𝘼𝙃𝘼𝙇𝘼𝙂𝘼𝙉𝙂 𝙍𝙀𝙆𝙊𝙈𝙀𝙉𝘿𝘼𝙎𝙔𝙊𝙉 𝙊 𝙍𝙀𝘾𝙊𝙈𝙈𝙀𝙉𝘿𝙀𝘿 𝘾𝙊𝙐𝙍𝙎𝙀𝙎 𝙊𝙁 𝘼𝘾𝙏𝙄𝙊𝙉

Mas maagang pagkilos, mas makakaiwas sa malaking pinsala ng El Nino. Kaya naman bilang bahagi ng Early Actions ay ipinatutupad na ng Office of the City Agriculturist ang malawakang pagtatanim sa bukid ng mga early-yielding root crops kabilang ang kamote, patatas at mga gulay tulad ng okra, talong, kalabasa, kangkong, pechay, lettuce, alugbati at iba pa habang sa palay naman ay kabilang ang mga variety 10, 440 at 538.

Dapat itong gawin maging sa mga bakanteng lote sa mga kabahayan at iba pang lugar na pwedeng mapagtamnan.

Pasok dito ang geographic (cultivation of soil) at hydroponics (water-based) vegetable gardens upang magkaroon ng self-sufficiency at mapatibay ang food supply sa mismong komunidad.
Kabilang din sa aksiyon ang propagation o pagpaparami ng napier grass, “kumpay” at iba pang pagkain para sa livestock.

Pinapayuhan din ang mga magsasaka na ipa-insured ang kanilang mga tanim sa Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC sapagkat libre lang naman ito.

Lahat ng nakapaloob sa Early Actions ay ipapabatid sa mga mamamayan sa pamamagitan ng City Information Office o CIO. Tutulong din ang Liga ng mga Barangay sa pagpapakalat ng wastong impormasyon ng pagtatanim para labanan ang masamang dulot ng El Nino.

Palalakasin din ang anti-rabies vaccination sa pangunguna ng Office of the City Veterinarian dahil malaki ang posibilidad na tumaas ang bite incidents sa panahon ng tag-init.

Sa aspeto ng Anticipatory Actions ay partikular na tinitingnan ang kalagayan ng mga marginalized households tulad ng mga rice and corn farmers, rubber tappers, laborers na direktang maapektuhan dahil sa pagkatuyo ng lupain. Sa ganitong sitwasyon ay sila ang unang maapektuhan pati na ang mga tenants, vendors, at iba pang low- income earners.

Bilang paghahanda, sinabi ng CSWDO na kabilang sa kanilang hakbang ang pagbibigay ng pagkain sa mga pamilyang kabilang sa High Risk at ang pondo ay mula sa 70% LDRRMF.

At dahil inaasahan din ang pagtaas ng poisonous animal bites tulad ng snake bites ay palalakasin ang ugnayan sa Anti-Venom Center sa Cotabato Provincial Hospital at posibleng magdagdag ng mga anti-venom.

Ang malawakang aksiyong gagawin ay ang Disaster Relief na magdadala ng ayuda sga apektadong pamilya sakaling umabot ng 60 araw ang tag-init o drought (no rainfall)at sakaling mangyari ito ay magpupulong ang City DRRM Council at i-rekomenda sa Sangguniang Panlungsod ang pagdeklara ng buong Kidapawan City sa ilalim ng State of Calamity.

Sa pagkakataong ito ay bibigyan ng otorisasyon si City Mayor Evangelista na siya ring chairperson ng CDRRMC para magamit ang 30% Quick Response Fund para sa pagtulong sa mga apektadong pamilya alinsunod na rin sa recommendation ng mga concerned offices alinsunod sa El Nino Preparedness Action Plan.

Kaugnay nito, nanawagan si Mayor Evangelista sa bawat sektor na makipagtulungan at ibigay ang buong suporta sa lahat ng hakbang ng local government para sa paparating ng El Nino Phenomenon.

Naniniwala ang alkalde na sa maagang paghahanda, maagap na pagkilos at mga epektibong jhakbang ay makakayang harapin ang El Nino at hindi ganoon kalaki ang magiging pinsala sa mamamayan ng lungsod. (CIO)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio