Category: Press Release

You are here: Home


thumb image

KIDAPAWAN CITY (Pebrero 23, 2023) – UPANG madagdagan ang kaalaman ng mga frontliners patungkol sa iba’t-ibang sakit sa balat na dumadapo sa mga bata, isinagawa ang isang refresher training on various skin diseases sa City Convention Hall nitong Miyerkules, ika-22 ng Pebrero 2023.

Si Dr. Jose Martin Evangelista, Pediatrician na nakatalaga sa City Health Office ang nagbigay ng lecture sa mga frontliners na binubuo ng mga midwives mula sa City Health Office, mga nurses mula sa DOH-Health Human Resource-Nurse Deployment Project o DOH-HRH/NDP, at mga dentists at school nurses mula sa ilang provate schools sa lungsod.

Kabilang sa mga sakit sa balat na ibinahagi ni Dr. Evangelista sa kanyang lecture ay measles, chicken pox, dengue, scabies, contact dermatitis, at hand, foot, and mouth disease na tumama sa ilang mga mag-aaral mula sa ilang mga paaralan sa lungsod at iba pang sakit o problema sa balat dulot ng viral infection tulad ng shingles at skin rashes.

Ayon kay Dr. Evangelista, mahalaga para sa mga frontliners na malaman o maunawaan ang iba’t-ibang uri ng skin disease lalo pa’t may mga sakit na pare-pareho ang ipinapakitang sintomas o manifestation lalo na sa hanay ng mga bata.

Mas magiging madali ang pagbibigay ng lunas kung alam ng mga front liners kung ano ang sakit sa balat na tumama sa mga pasyente maging adult man o pedia.

Sa oras na magkaroon ng skin disease ay hindi dapat ito ipagwalang-bahala at mas mainam na magpatingin sa doktor lalo na sa kaso ng mga batang inamaan ng hand, foot, and mouth disease o HFMD. Nilinaw naman ni Dr. Evangelista na mild lamang ang mga kaso ng HFMD na dumapo sa ilang mga elementary pupils sa lungsod.

Dumalo sa aktibidad si Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista kung saan pinasalamatan niya angmga frontliners sa kooperasyon at suporta sa nasabing lecture.

Dumalo din City Councilor Airene Claire Pagal, Chairperson ng Sangguniang Panlungsod ng Kidapawan Committee on Health, Sanitation, and Social Welfare at ipinahayag niya ang kahalagahan ng lecture at ng presensiya ng mga frontliners sa aktibidad.

Bahagi rin daw ng tungkulin ng kanyang committee na isulong ang mga kahalintulad na refresher course for front liners, health information dissemination, wellness campaign, at iba pa.

Samantala, bilang bahagi ng aktibidad, binigyan naman ng pre-test at post-test ang mga partisipante bilang update na rin sa kanilang mga kaalaman patungkol sa tinatawag na differential of skin disease o ang iba’t-ibang sakit sa balat ng tao at karampatang gamot para rito.

Matapos naman ang lecture proper ay binigyan ng Certificate of Participation ang bawat frontliner sa pamamagitan nina City Health Officer Dr. Joyce Encienzo, City Hospital Chief Nerissa Dinah Paalan at Norriane Joy Raquel, CESU Coordinator mula sa City Health Office.

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Pebrero 21, 2023) – MAHALAGA para sa isang opisina o workplace na magkaroon ng sapat na kakayahan ang mga empleyado sa paggawa ng tungkulin at magkaroon sila ng maayos na samahan para makamit ang mga layunin ng kanilang tanggapan.
Kalakip nito ang pagkakaroon ng maayos na pamamalakad ng isang opisina kung saan nagkakaunawaan at nagkakaisa ang mga opisyal o management at ang mga rank and file employees pati na ang mahusay na sistema pagdating sa office work and transactions.
Kaya naman ipinag-utos ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang pagsasagawa ng 2-day Capacity Building Agenda para sa mga personnel ng City Government of Kidapawan kung saan unang isinalang ang mga personnel ng Human Resource Management Office o HRMO sa pangunguna ni Magda Bernabe, Head ng HRMO; City Planning and Development Office o CPDO sa pangunguna ni Engr. Divina Fuentes, Head ng CPDO; City Cooperative Development Office o CCDO sa pangunguna ni Dometillo Bernabe, ang Head ng CCDO at Motor Pool nitong Pebrero 20-21, 2023 sa Elai Resort, Hotel and Recreation Center, Barangay Paco, Kidapawan City.
Mga piling lecturer mula sa government at private sector ang mga resource person at namgula ang mga ito sa lungsod ng Cagayan de Oro, Cebu at lalawigan ng Surigao del Sur.
Sumailalim ang mga partisipante sa mga aktibidad na mapapalawig ng kaalaman at kakayahan pagdating sa aspeto ng human resource development, organizational development, at institutional development na pawang mga mahahalagang bahagi sa pagkamit ng mithiin ng bawat departamento.
Isa sa mga naging facilitator ng aktibidad ay si Atty. Levi Jones Tamayo, Executive Assistant for Civil Society Development Unit ng Office of the City Mayor kung saan sinabi niyang may lectures at session na ginawa tulad ng Values Formation at Objective, Reflective, Interpretive, Decisional o ORID discussion method at malaki ang naitulong nito para ikauunlad ng mga personnel.
Sinabi ni Atty Tamayo na sa pamamagitan ng CAPDEV ay naiparating ng mga personnel ang mga mahahalagang bagay na may kaugnayan sa trabaho at sa working relations ng mga rank and file at department heads at ang positibong solusyon sa mga lumabas na concerns.
Hinimok din niya ang mga empleyado na lumahok at makiisa upang marinig ang kanilang mga boses o mga bagay na nais nilang iparating sa kinauukulan sa layuning mas maging maganda pa ang samahan sa loob ng workplace.
Matapos naman ang CAPDEV pilot activity sa apat na nabanggit na departamento ng City Government ay susunod naman ang iba pang mga opisina at sasailalim din sa kahalintulad na lecture at session.
Ito ay upang mapalakas ang kakayahan nila at maging aktibong partner ng local na pamahalaan sa pagsisikap at pagkilos tungo sa pagtamo ng kaunlaran sa lungsod.

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Pebrero 9, 2023) – ABALA ngayon ang Office of the Civil Registrar ng Kidapawan sa libreng pagpapatala o free registration ng birth certificate, marriage certificate, at death certificate maging ito man ay on-time o delayed registration.
Bahagi ito ng pagdiriwang ng ika-33 Civil Registration Month ngayong Pebrero1-28, 2023 o buong buwan ng Pebrero kaakibat ang Philippine Statistics Authority o PSA.
Sa temang “PSA @ 10: Providing Efficient and Effective Civil Registration and Vital Statistics through Digital Transformation”, pinalalakas pa ng OCR ng lungsod ang serbisyo nito para sa mga mamamayan na hindi pa nagagawang iparehistro ang kanilang mga birth, marriage, at death certificate o mga civil registry documents.
Ilalaan ng Office of the Civil Registrar ng Kidapawan ang buong buwan ng Pebrero para sa late registration ng birth, marriage, at death certificate ng walang bayad o libre o mula Pebrero 1-28, 2023 habang ang ibang munisipyo ay mula 1 day hanggang 1 week lamang ang ilalaang panahon para sa late registration, ayon kay Acting City Civil Registrar Mercedes P. Tolentino.
Pero paano nga ba o ano ang kailangang gawin para maka-avail ng libreng late registration? Simple lamang ang mga hakbang, ayon kay Tolentino.
Kailangan munang kumuha ng verification mula sa PSA upang matiyak na hindi pa talaga narerehistro ang isang partikular na dokumento at upang hindi magkaroon ng double registration.
Kapag birth certificate ang ipaparehistro ay kailangang magdala ng kopya nito kung saan naman makikita ang importanteng detalye tulad ng date and place of birth.
Sa marriage certificate naman, dapat na dalhin ang marriage contract at magdala ng valid identification card.
Sa late registration naman ng death certificate ang kailangang dalhin ay ang death certificate, affidavit ng pinakamalapit na kamag-anak, at certification from barangay kung saan inilibing ang namayapa.
Nilinaw ni Tolentino na kapag lumampas na sa 30 araw ng pagkapanganak, kasal o kamatayan at hindi pa napaparehistro ang mga civil registry documents, ito ay considered late o for late registration na.
Kung on time registration ng birth at marriage ay P100 ang babayaran pero kung late na ay P200 na ang bayad. Sa death certificate naman ay P250 ang on time registration at ang late ay mas mababa at ito ay P200 pero mas marami na ang requirements na hihingiin.
Sa unang tatlong linggo ng Pebrero 2023 ay nakapagtala naman ang OCR ng Kidapawan ng abot sa 372 registration para sa birth kung saab 39 ang delayed o late; 44 registration para sa marriage kung saan 6 ang delayed; at 59 registration para sa death kung saan 3 ang delayed registration.
Kabilang ang bagong kasal na sina Edwin at Vibialyn Binang sa mga nagtungo sa OCR Kidapawan upang magpa-register ng marriage contract.
May paglilinaw naman ang OCR Kidapawan na kahit hindi Civil Registry Month ay tinatanggap pa rin nila ang pagpaparehistro ng birth certificate ng libre para naman sa mga sanggol na ipinanganak sa public hospitals o maging sa barangay birthing clinics. Nakikipag-ugnayan daw ang kanilang tanggapan sa mga barangay secretary upang tulungan ang mga magulang na maparehistro ang birth certificate ng mga bata dahil napakahalaga itong gawin.

Alinsunod naman sa Presidential Proclamation 682 ay itinakda ang buwan ng Pebrero ng bawat taon bilang Civil Registration Month kung saan bininigyang pansin ang halaga ng pagpaparehistro ng mga mahahalang dokumento ng pagkakakilanlan ng isang indibidwal.
Kaugnay nito, may panawagan si Tolentino sa mga mamamayan ng lungsod na huwag sayangin ang pagkakataong ito kung saan libre o walang bayad sa pagpapatala ng kanilang birth, marriage, at death certificate ng mga yumaong mahal sa buhay.
Kaya naman mas mainam na tunguhin na ang tanggapan ng Civil Registrar at iparehistro ang nabanggit na mahahalagang dokumento upang hindi na magkaproblema pa sa susunod na mga araw.
Maaari namang mag text o tumawag sa OCR Kidapawan sa pamamagitan ng mga numero 064-577-5199 at 0970-364-6976 para sa mga dagdag pang impormasyon.

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Pebrero 21, 2023) – INILUNGSAD ngayong araw na ito ng Martes, ika-21 ng Pebrero 2023 ang isa sa pinakamalaki at pinakamahalagang proyekto ng City Government of Kidapawan sa pangunguna ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista.

Ito ay ang makasaysayang launching ng CANOPY’25 Forest Growing na may kaugnayan sa ika-25 Anibersaryo ng pagkakatatag bilang Charter City ng Kidapawan City o Jubilee Celebration ng lkungsod at naglalayong magkaisa ang lahat ng stakeholders sa pangangalaga at proteksiyon ng kalikasan at mailigtas ang buhay ng mga tao.

Nanguna si Mayor Evangelista sa naturang aktibidad na ginanap sa Barangay Ginatilan, Kidapawan City partikular na sa gilid ng Sarayan River kung saan ginawa ang ceremonial planting at itinanim ang abot sa 270 iron bamboo trees at 50 dao trees at makatutulong sa pangangalaga ng kalikasan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Evangelista na ito na ang simula ng makasaysayan at napakahalagang pagkilos para sa proteksiyon ng kalikasan at magbibigay-daan sa kaligtasan ng mga susunod na henerasyon.

Inihayag din ng alkalde na ngayon na ang tamang panahon o oras para sama-samang kumilos at iligtas ang kapaligiran sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga punong kahoy.

Hindi rin daw sapat kung puro salita lamang ang pangangalaga sa kalikasan kaya’t dapat ito ay isakatuparan na simula ngayong araw na ito sa paglulungsad ng CANOPY ’25 kung saan nagsimula na ang pagtatanim.

Target ng City Government of Kidapawan na maitanim ang abot sa 2.5 milyong punong kahoy sa loob ng isa hanggang dalawang taon sa pangunguna ng City Environment and Natural Resources Office o CENRO kasama ang iba’t-ibang stakeholders.

Nakiisa sa mahalagang okasyon ang iba pang mga opisyal ng Lungsod ng Kidapawan kabilang ang Sangguniang Panlungsod, mga Heads of Offices/Departments, Government at National Line Agencies, academe, church and religious, business, People’s Organizations, environmental protection groups and advocates, mga opisyal ng barangay at iba pa.

Masaya at sabay-sabay nilang itinanim ang bamboo at dao trees sa magkabilang bahagi ng Sarayan River at lumagda rin sa isang Manifesto kasabay ang pangakong hindi lamang magtatanim kundi talagang aalagaan at titiyaking mabubuhay ang mga punong kahoy.

Maliban naman sa iron bamboos at dao trees, ay kabilang din sa itatanim ng mga stakeholders ang fruit trees, coffee at cacao at sisimulan ang pagtatanim ng mga ito sa buwan ng Abril 2023, ayon kay Edgar Paalan, ang City Environment and Natural Resources Officer ng Kidapawan.

Mahirap at iba’t-ibang mga hamon ang kakaharapin ng CANOPY ’25, ayon kay Mayor Evangelista, ngunit naniniwala siya na kapag nagkaisa at kapit-bisig ang lahat at kapag may tunay na kooperasyon at commitment ang bawat isa ay walang imposibe at makakamit ang hangaring mailigtas ang kapaligiran.

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Pebrero 21, 2023) – UPANG manatiling ligtas ang mga motorista at ang publiko sa pangkalahatan, kailangang sundin ang mga ipinatutupad na batas-trapiko at pairalin ang disiplina sa daan.

Ito ang nagpapatuloy na mandato ng Traffic Management and Enforcement Unit o TMEU ng Kidapawan City na naglalayong magkaroon ng kaayusan sa kalsada maging ito man ay sa national highway o iba pang daanan at mapanatili ang ligtas na biyahe ng mamamayan.

Sa ginanap na Flag-raising ceremony at employees’ convocation ng City Government of Kidapawan nitong Lunes. Pebrero 20, 2023 na pinangasiwaan ng TMEU sa pangunguna ni TMEU Head Moises Sernal ay inihayag nila ang mga accomplishments o tagumpay ng tanggapan para sa CY 2022 kabilang ang mga sumusunod:

  1. Violation of City Ordinance No. 16-1067 (procedures and guidelines franchise and other fees for tricycle operations – 1054 apprehensions na kinabibilangan ng no driver’s ID, “kolorum” operation, wearing shorts, fast lane at no driver’s license.
  2. Violation of Republic Act 4136 Land Transportation and Traffic Code – 749 apprehensions para sa RA 10054 (The Motorcycle Act of 2009 – standard protective helmets}; 231 impounded na mga sasakyan, at abot sa 2,057 apprehensions o dinakip na mga motorista.
  3. 43 mediations mula sa kabuoang 51 reklamong naisampa
  4. Lost and Found items 419 ang nabalik o nasoli na sa mga may-ari
  5. Pamimigay ng Slow Down School Zone signage sa iba’t-ibang paaralan sa lungsod
  6. Abot sa 4,569 tricycle drivers at operators na nabigyan ng kaukulang seminar
  7. Abot sa 32 seminars para sa tricycle drivers at operators
  8. Seminars na laan sa mga BPAT at TMU Enforcers mula sa 2nd District of Cotabato (Makilala, Magpet, Arakan, Antipas at President Roxas.
  9. Planong refresher/retooling ng LTO Deputized Agents para sa epektibong pagpapatupad ng mga batas -trapiko partikular na ng RA 10054 at RA 4136.
  10. Abot sa P403,950 halaga ng penalidad mula sa iba’t-ibang mga paglabag sa batas-trapiko na nakolekta ng City Treasurer’s Office.
    Kaugnay nito, ipinahayag ni TMEU Head Sernal na ang makatotohanang pagpapatupad ng batas-trapiko kasabay ang pagpapairal ng disiplina sa kalsada o sa daan ang siyang pangunahing layunin ng tanggapan.
    Kaya naman tuluy-tuloy lang ang TMEU tungkulin nito sa mamamayan upang mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko at matiyak na umiiral ang kaayusan at disiplina sa hanay ng mga motorista. (CIO-jscj//if)
thumb image

KIDAPAWAN CITY (Pebrero 17, 2022) – MATAPOS ang pagbubukas ng Land Transportation Management System o LTMS Portal ng Land Transportation Office o LTO nitong Miyerkules, Pebrero 15, 2023 ay agad ding binuksan ng Pag-Amuma Assistance Unit o PAU ang isang Online Registration Help o Assistance Desk sa tanggapan nito sa Barangay Affairs ng City Hall ng lungsod.

Layon ng Assistance Desk ng PAU na matulungan ang mga motorista o drivers na nais mag-renew ng kanilang mga Driver’s License sa pamamagitan ng naturang portal at maging mas maginhawa ang proseso ng renewal.

Kailangan lamang na personal na magtungo sa PAU para sila ay matulungan sa mga hakbang at proseso sa renewal ng nabanggit na mahahalagang dokumentong dapat taglay ng isang driver.

Bahagi ng online renewal gamit ang LTMS ng LTO ay ang pagpaparehistro ng isang individual kung siya ay wala pang account sa LTMS.

Sa registration, kailangan nilang magbigay ng ilang mamahalaga o basic information patungkol sa sarili kabilang na ang email address at contact persons in case of emergency.

Matapos nito ay magtutuloy-tuloy na ang proseso sa tulong ng mga personnel ng PAU na nakatalaga sa naturang Online Registraion Assistance Desk.

Ang maganda din dito ay maari ng magbayad ang motorista sa mga accredited payment applications.

Libre o walang bayad ang transaction sa PAU kung saan makatitiyak ang mga kliyente na mas mapapabilis ang pagkuha ng kinakailangang Verification Number na kailangang dalhin sa LTO.

Ipinapabatid naman sa mga kliyente na kailangan pa rin nilang gawin ang emission testing at road worthiness test ng kanilang sasakyan upang maging tuluyang maging matagumpay ang renewal.

Kailangan ding tiyakin na walang penalty na babayaran ang isang morotista para sa kanyang lisensiya o Certificate of Registration upang magtuloy-tuloy ang proseso ng renewal.

Isa sa nais makamit ng online renewal ng driver’s license at CR ng sasakyan ay mabawasan kung di man tuluyang maiwasan ang mga fixer sa LTO at magkaroon ng mahusay na alternatibo para sa pag-renew ng mga dokumento, ayon kay LTO Undersecretary Jay Art Tugade.

Suportado naman ito ito City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista kung kaya’t ipinag-utos nito ang agarang pagbubukas ng PAU LTMS Assistance Desk para sa kapakanan ng mamamayan ng lungsod.

Kaugnay nito, inaanyayahan ang lahat ng nais mag-renew ng driver’s license at vehicle Certificate of Registration na magtungo sa tanggapan ng PAU at hanapin ang mga personnel na sina Raymond John Alera at Dante L. Alegria, Jr.

Bukas ang PAU LTMS Online Registration Assistance Desk mula Lunes-Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. (CIO-jscj//if)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Pebrero 15, 2023) – MATAGUMPAY na naisagawa ng Persons with Disability Affairs Office o PDAO ang pamimigay ng mga bagong wheelchairs para sa mga Persons with Disability o PWD sa Lungsod ng Kidapawan katuwang ang Rotary Club of Mt. Apo at ang With Love John Foundation, Inc. nitong Pebrero 14, 2023 sa City Gymnasium, alas-otso ng umaga.Labing-apat na mga PWD mula sa iba’t-ibang barangay ng lungsod ang masayang nakatanggap ng wheelchair sa nabanggit na pamamahagi, ayon kay Louie A. Quebec, PWD/Disability Affairs Assistant.Nasa ilalim ng tanggapan ng Office of the City Mayor ang PDAO na nilikha upang mas matutukan at mapabilis ang pagbibigay ng ayuda para sa mga PWD sa lungsod sa tulong na rin ng City Social Welfare and Development Office o CSWDO.Kabilang naman ang mga sumusunod sa nakabiyaya sa ginanap na wheelchairs distribution – Vince Wiley Aballe (Brgy. Amas), Marianne Abellanosa (Brgy. Paco), Precious Joy Camit (Brgy. Luvimin), Cris Nino Ygot (Brgy. Kalasuyan), Savy Sofia Esmeralda (Brgy. Poblacion), Eilrhey Hortillosa (Brgy. Sudapin), Dominic Jhon Jamil (Brgy. Singao), Tristhan Jay Lubas (Brgy Poblacion), Kyf Jovan (Brgy Kalasuyan), Florentino Maquinto II (Brgy. Binoligan), Ian Kurt Paje (Brgy. Macebolig), Cristy Placeros (Brgy Macebolig), Kurt Raven Sosmena ((Brgy Macebolig), at Zeke Gabriel Vergara (Brgy Singao).Lahat sila ay sumailalim sa assessment and validation ng PDAO, ayon kay Quebec. Malaki ang pagbabago na dulot ng wheelchair para sa naturang mga PWD dahil sa mas makakakilos sila at maging ang kanilang pamilya ay giginhawa rin dahil hindi na kailangang buhatin pa ang physically-challenged member of the family.Ipinarating naman ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang kanyang mensahe sa mga PWD kung saan pinasalamatan niya ang mga ito at kanilang mga pamilya sa tiwala at suporta sa programa ng PDAO.Pinasalamatan din ng alkalde sina Rotary Club of Mt. Apo President Chona Suico-Gomez, With Love Jan Foundation, Inc President Dr. Bernie A. Miguel na dumalo sa distribution program. Ang Rotary Club of Mt. Apo ang siyang nagbigay o donor ng mga wheelchair at ang With Love Jan Foundation, Inc. naman ay ang nagbigay ng technical support sa programa.Kasama nila si City Councilor Atty. Dina Espina-Chua, na representante din ng Rotary Club of Mt. Apo sa okasyon na nagbigay din ng mahalagang mensahe para sa mga PWD. Sinabi niyang patuloy ang maayos na koordinasyon ng Rotary Club of Mt. Apo at ng City Government of Kidapawan para sa mga hakbang na ikabubuti ng PWD sector.Si Aime Espinosa, Assistant City Social Welfare and Development Officer ng Kidapawan ang ipinadala ni CSWD Officer Daisy P. Gaviola upang mangasiwa sa pamamahgi ng wheelchairs kasama ni PWD Affairs Assistant Quebec. Masaya namang tinanggap ng mga PWD-beneficiaries ang mga bagong wheelchair at bakas sa kanilang mukha ang kaligayahan dahil sa biyayang nagbigay ng ginhawa at pag-asa sa buhay sa kabila ng kanilang sitwasyon. (CIO-jscj//if//nl//aa)#luntiankidapawan

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Pebrero 13, 2023) – PORMAL ng binuksan sa publiko ang kauna-unahang Eco-Park at Skating Rink na matatagpuan sa Barangay Magsaysay, City Kidapawan sa mismong araw ng pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng Kidapawan bilang isang ganap na lungsod o Kidapawan City Charter Day.

Nanguna sa makasaysayang okasyon si Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista kasama ang Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice-Mayor Melvin Lamata, Jr. at mga konsehal sa pagsasagwa ng ribbon-cutting bilang hudyat na bukas na ang pasyalan para sa publiko.

Sinundan ito ng pagsasagawa ng blessing rites na pinangunahan ni Fr. Alfredo Palomar, Jr. DCK.

Si Cotabato Provincial Governor Emmylou Talino-Mendoza ang panauhing pandangal sa programa na dinaluhan din ni 2nd District of Cotabato Senior Board Member Joseph A. Evangelista at iba pang mga bisita mula sa iba’t-ibang ahensiya at organisasyon.

Ang Eco-Park at Skating Rink sa Barangay Magsaysay ay siya ring pinakabagong tourist attraction sa lungsod kung saan ito ay maaaring ipagmalaki dahil sa ganda at kaayusan ng lugar ganundin ang patuloy na pagpapaganda ng nabanggit na park.

Pyro-Music at Concert ng local bands at December Avenue dinagsa

Samantala, dinagsa naman ng napakaraming mamamayan ng lungsod at mga karatig-bayan at maging mula sa ibang probinsiya ang ginanap na Pyro-Musical (fireworks display with dance music) at concert ng mga local bands na Broriginals at Sora at ang tanyag na na December Avenue Band na kumanta ng kanilang mga super hit songs na “Sa Ngalan ng Pag-ibig”, Kung ‘Di Rin Lang Ikaw”, “Kahit ‘Di Mo Alam”, “Bulong”, at iba pa.

Naging mapayapa sa kabuuan ang pagdiriwang ng ika-25 Charter Day ng Kidapawan City kung saan naging makabuluhan ang takbo ng mga aktibidad dahil na rin sa tiwala at suporta ng mamamayan.
Tema ng pagdiriwang ng 25th Charter Day Anniversary ng Kidapawan city ay “𝘔𝘢𝘭𝘪𝘯𝘪𝘴 𝘯𝘢 𝘒𝘢𝘱𝘢𝘭𝘪𝘨𝘪𝘳𝘢𝘯, 𝘎𝘰𝘣𝘺𝘦𝘳𝘯𝘰𝘯𝘨 𝘔𝘢𝘢𝘴𝘢𝘩𝘢𝘯, 𝘋𝘪𝘴𝘪𝘱𝘭𝘪𝘯𝘢𝘥𝘰𝘯𝘨 𝘔𝘢𝘮𝘢𝘮𝘢𝘺𝘢𝘯”.

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Pebrero 13, 2023) – MATAPOS na makatanggap ng hito at tilapia fingerlings para sa pagpapalago ng fishpond livelihood ay nakatanggap na naman ng karagdagang ayuda ang abot sa 105 hito at tilapia growers sa Lungsod ng Kidapawan.

Ginanap ang pamamahagi ng nabanggit na feeds nitong Sabado, Pebrero 11, 2023 o bisperas ng ika-25 Charter Day ng Kidapawan City sa Eco-Tourism Park, Barangay Magsaysay, Kidapawan City sa pangunguna ng Office of the City Agriculturist.

Ang feeds distribution ay bahagi ng Cost Recovery Program ng OCA para sa mga magsasaka lalo na iyong mga naapektuhan ng kalamidad tulad ng flashflood at iba’t-ibang sakit ng mga alagang hayop, ayon kay City Agriculturist Marissa Aton.

Sa ilalim nito ay bibilhin ng City Government of Kidapawan ang mga ani o fish harvest ng upang di na mahirapang ibenta ang mga isda at matiyak ang kita ng mga magsasaka, paliwanag pa ni Aton.

Maliban kay Aton at mga personnel ng OCA, sinaksihan din ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista ang pamamahagi ng fingerlings at matapos nito ay nagbigay ng mensahe sa mga recipients.

“Tuloy-tuloy ang pagtulong ng City Government sa mga napapalago ng hito at tilapia. Malaking tulong ang ipinagkaloob na feeds para sa inyo upang matiyak ang magandang ani. Magbibigay-daan ito sa pag-angat ng inyong kabuhayan”, ayon sa alkalde.

Matapos naman ang pamamahagi ng fingerlings ay sumailalim ang mga benepisyaryo sa Orientation on LGU Fisheries Programs, Projects, and Activities sa pamamagitan ni Efren Temario, ang Fisheries Coordinator ng OCA.

Sinundan naman ito ng Orientation on Kidapawan City Integrated Fisherfolks Association o KCIFA Registration and Activities sa pamamagitan ni Emilio Lavilla, Presidente ng KCIFA.

Nagtapos naman ang aktibidad sa pamamagitan ng mass application ng mga fisherfolks sa Philippine Crop Insurance Corporatoopn o PCIC para matiyak ang seguridad ng kanilang mga pananim o produkto.

Matatandaang nitong nakalipas na buwan ng Enero at ngayong Pebrero ay nakatanggap ng hito at fingerlings ang halos 150 na maliliit na fisherfolks mula sa iba’t-ibang barangay ng Kidapawan City mula sa OCA.

Paraan ito ng City Government upang matulungan ang lahat ng mga magsasaka sa lungsod kabilang ang rice and corn growers, vegetable and fruit growers, livestock at mga nagpapalago ng fishpond (hito at tilapia) at tiyakin ang food sufficiency and stability sa lungsod. (CIO-jscj//aa//if)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Pebrero 10, 2022) – MAS maliwanag na ngayon ang kalsada sa kabahaan ng national highway partikular na sa bahagi ng Our Lady of Mediatrix Cathedral hanggang kanto ng Old PC Barracks at Roundball ng Barangay Poblacion ng Lungsod ng Kidapawan.
Ito ay matapos na mailagay ng Office of the City Engineer ang abot sa 26 Led street lights sa kahabaan ng lugar na sinimulang pailawin nito lamang gabi ng Miyerkules, Pebrero 8, 2023.
Taglay ng 26 street lights ang 60 watts LED lights ngunit ito ay temporaryo lamang at agad ding papalitan ng mas malakas na 180 watts sa oras na makumpleto ang delivery o sa lalong madaling panahon, ayon kay City Engineer Lito Hernandez.
Nagkakahalaga ng P8,100 ang bawat LED lights 60-watt o katumbas ng P210,600 (26 pcs) at gamit sa pagpapailaw ng mga ito ay kuryente kung saan gumamit ng wires at cables na nagkakahalaga ng P44,905 at may kabuuang pondong ginamit na abot sa P255,505.00.
Sa oras naman na makumpleto na ang 26 LED lights 180 watts ay agad din itong ilalagay kapalit ng 60 watts para maging mas maliwanag ang daanan. Nagkakahalaga naman ang bawat 180 watts LED light ng P15,000 o P390,000 para sa 26 pcs.
Nanggaling nang pondo ng installation ng LED street lights sa 20% Economic Development Fund o EDF ng CY 2022.
Una ng napalagyan ng mula 50-60 LED street lights ang national highway mula sa bahagi ng CAP Building patungo sa St. Mary’s Academy of Kidapawan o SMAK kaya’t naging maginhawa ang takbo ng mga sasakyan sa gabi.
Bahagi ito ng mandato ni City Mayor Jose Paolo Evangelista na maging maliwanag ang national highway ng Kidapawan pati na ang mga purok sa bawat barangay.
Layon nito na maging mas ligtas ang biyahe ng mga motorista at maproyeksiyunandin ang mga mamamayan laban sa mga kriminalidad na posibleng maganap kapag madilim ang kalsda. (CIO-jscj/aa/dv)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio