KIDAPAWAN CITY – NAGPA-ABOT NG SUPORTA si City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista sa lahat ng animnapung purok leaders ng Barangay Poblacion sa ginanap na Mass Oath Taking Ceremony ng mga opisyal nito, umaga ng February 9, 2023.
Mismong si Mayor Evangelista ang siyang nagbigay ng sabayang panunumpa ng mga opisyal ng purok sa ginanap na seremonya sa Barangay Poblacion Covered court ngayong umaga.
Makakatiyak ang lahat ng mga opisyal na mabibigyan ng tulong mula sa City Government ang lahat ng purok ng barangay, ayon pa kay Mayor Evangelista.
Kaugnay nito ay hiniling ng alkalde sa mga opisyal ng purok na makipagtulungan sa City Government upang mapanatiling maayos at ligtas ang mga residente sa pamamagitan ng pagtiyak ng mga opisyal na titulado ang lupang kinatatatayuan ng kanilang purok, mapanatiling malinis ang paligid at maayos na nakokolekta ang mga basura at pagseguro na rin na walang gagala-galang aso sa komunidad upang maiwasan na makakagat ang mga ito at ang disgrasya ng mga motorista sa daan.
Magbibigay ng cash assistance si Mayor Evangelista sa mga purok na makagagawa nito.
Ang cash assistance ay gagamitin sa improvement ng purok o kanilang proyekto.
Tutulong din ang City Government sa pagbibigay ng libreng materyales at labor sa pagpapatayo ng mga purok na nangangailangang ilipat ng lugar at pagpapatayo na rin ng sarili nitong palikuran, dagdag pa ni Mayor Evangelista.
Makatitiyak din ang mga residente ng animnapung purok ng Población na malalagyan ng LED Streetlights ang kanilang komunidad para na rin sa kaligtasan ng lahat lalo na sa pagsapit ng gabi.
Magmumula sa P22 Million na savings noong nakalipas na taon ang pagpapatayo ng mga LED streetlights, paliwanag pa ni Mayor Evangelista.
Maglalagay din ng Closed Circuit Television Camera o CCTV na may kaakibat na Artificial Intelligence o AI Technology para agad na makatugon ang mga otoridad sakaling may mangyaring krimen o bayolasyon ng mga umiiral na ordinansa ng lungsod na pwedeng mangyari sa mga komunidad ng purok, dagdag pa ng alkalde.
Katunayan ay may inilaan ng mahigit sa P12 Million na nagmula sa taong 2023 na pondo ng City Disaster Risk Reduction and Management Office ang planong paglalagay ng CCTV Cameras.
Hinikayat ni Mayor Evangelista ang mga opisyal ng purok na makipag-ugnayan kay Poblacion Brgy Chair Arnold Sumbiling at barangay officials para maproseso ang mga nabanggit.
Hiningi naman ng alkalde ang suporta ng lahat para sa gaganaping ika 25th Foundation Anniversary ng Lungsod sa darating na February 12, 2023.
Ginanap ang Mass Oath taking Ceremony ng mga purok officials sa covered court ng Barangay Poblacion na matatagpuan sa Sinsuat Extension at Purslane Street sa bagong Diversion Road ng lungsod.(CMO-CIO)
KIDAPAWAN CITY (Pebrero 9, 2023) – MALAKING tulong ang 20% discount o bawas sa presyo sa bilhin at serbisyong babayaran ng mga senior citizen. Sa pamamagitan ng naturang diskwento ay mas nagiging maginhawa ang mga elders dahil magagamit nila ang perang natipid sa iba pang mahahalagang bagay.
Kaugnay nito ay nagpaalala ang Office of the Senior Citizens Affair o OSCA Head Lorna C. Morales sa wastong pamamaraan upang makamit ang 20% discount para sa senior citizens na magbibigay daan para maging magaan ang kanilang budget.
Una, kailangang bitbit at ipakita ng mga elders ang kanilang Senior Citizen’s ID kung saan taglay nito ang mga impormasyon ng ID holder.
Ikalawa, kailangan din bitbit nila ang Purchase Slip Booklet kung saan ito ay aprubado ng Head ng OSCA. Ililista naman sa nabanggit na booklet ang lahat ng mga binili, kelan at saan binili at ang ang halaga ng discounted items.
Ikatlo, kung bibili naman ng mga gamot ay kailangang ipakita ang doctor’s prescription (update) kung saan makikita ang pangalan, edad, address, at petsa ng pagbibigay ng partikular na reseta; generic name ng gamot; pangalan at address ng doktor; at Professional Tax Receipt o PTR number at S2 license nito.
Ikaapat, kung hindi mismo ang senior citizen o miyembro ng OSCA ang bibili o magbabayad ng serbisyo, kailangan naman ng authorization letter kung saan nakasaad ang pangalan ng tao o authorized representative na pinahihituntulutang gumawa ng transakyon para sa miyembro. Kailangan ding may lagda ito ng senior citizen.
Kaugnay nito, hinimok ni Senior Citizen’s Kidapawan City Federation President Renato Torralba ang lahat ng mga miyembro ng OSCA na tiyaking sinusunod nila ang nabanggit na mga pamamaraan upang tiyak din ang pagbibigay sa kanila ng 20% discount at mapakinabangan ng husto ang pribilehiyong ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaan. (CIO-jscj//if)
Tuwing tag-ulan ay marami tayong ikinababahala – sipon, basang mga sapatos at medyas, at mga putik at dumi na maaring tumalsik sa mga uniporme at damit ng mga estudyante, lalo na at kung kailangan mo pang tumawid ng hindi lamang isa, kundi dalawang ilog. Ngunit maliban dito ay may mas malaki pang pinangangambahan ang mga residente, magulang at mga estudyante ng Purok 3 at 4 ng Brgy. Sto Niño – di inaasahang malakas na bulwak ng tubig baha.
Sa tuwing umuulan kasi ay natitigil at nababara ang mga kabataan galing eskwela sa kabilang bahagi ng purok dahil sa malakas na pagbugso ng tubig baha sa ilog na kailangan nilang tawirin bago makauwi. Hindi lamang mga estudyante ang nagagambala ng nasabing ilog. Sapagkat gayundin ang suliranin na halos tuwing tag-ulan ay hinaharap ng kapwa residente at dumadaan sa partikular na daanan. Maliban pa sa mga tahanan na nakapaligid dito ay dito ay apektado din ng tubig baha ang mga motorista na tumatahak sa naturang ruta patungo sa Sitio San Miguel at Brgy. New Bohol.
Ang kalagayang ito ng mga ilog ay nagdulot ng lubos na pag-aalala sa mga magulang para sa kaligtasan ng kanilang mga anak, lalo na tuwing uwian galing eskwelahan dahil na din sa di mahulaang takbo ng panahon. Kung kaya at sinusundo na lamang nila ito araw-araw upang masiguro ang kanilang kaligtasan sa pagtawid sa dalawang ilog patungo sa kani-kanilang mga tahanan.
Upang maibsan ang pangamba ng mga mamamayan para sa kaligtasan ng lahat na tumatawid sa mga ilog ay agad itong pinalagyan ng City Government of Kidapawan ng Culverts. Lubos ang tuwa at pasasalamat ng mga residente sa nasabing baranggay dahil bukod sa ginhawa na hatid ng proyekto ay mas lalago pa ang kanilang lugar dahil sa maayos na daan.
KIDAPAWAN CITY (Pebrero 8, 2023) – NAKABIYAYA ang mga small-time hog and poultry raisers mula sa iba’t-ibang barangay ng Kidapawan City na naapektuhan ng African Swine Fever o ASF at iba pang kalamidad nitong nagdaang taon ng 2022.
Ito ay sa pamamagitan ng ASF Recovery Program with Distribution of Free-Range Chickens na pinangangasiwaan ng Office of the City Veterinarian kung saan ginanap ang distribution o dispersal ng mga baboy (piglet), manok, at feeds sa OCVET nitong Martes, Pebrero 7, 2023.
Labing-apat na mga nag-aalaga ng baboy o hog raisers at dalawampu’t-dalawang mga nag-aalaga ng manok ang kabuuang bilang ng mga nakabiyaya sa naturang programa na may kasama pang ipinamigay na high quality feeds para sa baboy.
Personal namang sinaksihan ni Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang naturang aktibidad kasama si Dr. Eugene Gornez, ang City Veterinarian ng Kidapawan.
Ipinaliwanag ni City Veterinarian Dr. Eugene Gornez sa mga benepisyaryo ng ASF Recovery Program ang layunin ng programa at ito ay upang tulungan ang mga biktima ng ASF na makabawi mula sa negatibong epekto na kanilang naranasan dahil na naturang sakit ng baboy.
Sinabi din niyang dumaan sa proseso tulad ng validation at assessment ang pagpili ng mga benepisyaryo na tunay na nangangailangan ng ayuda ng city government at meron ding counterpart ang mga beneficiaries.
Nagbigay din ng karagdagang impormasyon patungkol sa programa si Chester Freud Dimaano, Animal Dispersal Coordinator at ito ay mahalaga para sa tagumpay ng ASF Recovery Program at animal dispersal.
Laking pasasalamat naman ng mga nakatanggap ang alagang baboy at manok na may kasama pang feeds. Malaking tulong raw ito para maipagpatuloy nila ang kanilang kabuhayan matapos tamaan ng ASF ang kanilang alagang baboy, ayon kay Mary Relampagos, isa sa mga opisyal ng Livestock and Poultry Association of Kidapawan na nakabase sa Barangay Perez, Kidapawan City.
Nagpasalamat din ang iba pang mga benepisyaryo na nagmula sa iba pang barangay.
Ipinaalala naman sa mga nakabiyayang hog and poultry raisers o mga benepisyaro sa kung ano ang kanilang responsibilidad na kailangang sundin at ito ay nakasaad sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement o MOA sa pagitan ng Office of the City Veterinarian at mga beneficiaries.
Samantala, lalo pang natuwa ang mga benepisyaro sa pahayag ni Mayor Evangelista matapos nitong sabihin na hindi na kailangang bayaran pa ng mga benepisyaryo ng alagang baboy ang 50 % ng ayudang kanilang natanggap at sa halip ay libre o wala ng counterpart na alalahanin pa.
Ang kailangan na lamang ay gawin ng beneficiaries ang lahat ng makakaya upang maging matagumpay ang programa at ito ay sa pamamagitan ng wastong pag-aalaga ng mga baboy at manok.
Sa ganitong paraan ay makakabawi o makakabangon muli ang mga maliliit na hog and poultry raisers mula sa iba’t-ibang kalamidad o aberya tulad ng ASF at iba pang sakit ng mga alagang hayop.
Para sa Luntian Kidapawan Reports, ako si Jimmy Sta Cruz ng City Information Office nag-uulat.
(PEBRERO 8, 2023) ISA na namang tourist attraction ang patuloy na dinadayo ngayon sa Kidapawan City. Ito ang LA VILLA AQUA FARM na matatagpuan sa Brgy. Manongol ng lungsod.
Makikita dito ang sumusunod na pasilidad at amenities : Function hall, Dining hall, Springbath (1 pool) para sa mga bata, Bamboo rafting, 100 meter Zip Ride, Fishing at meron silang aabot sa dalawamput-isa o 21 fishponds kung saan labing-pito o 17 fishponds ang bukas para sa tilapia at hito grow out (culture to harvest). Maari ding bumili ng preskong tilapia at hito ang mga bisita.
Pwedeng mamingwit at ihawin ang mga isda sa abot-kayang halaga. Katunayan marami na ang sumubok at nag-enjoy sa inihaw na isda.
Sila ay tumatanggap ng training, family gathering, pre-nuptial , birthday at mahahalagang okasyon.
Dagdag pa rito ang naturang lugar ay isang Aqua Culture Learning Site para sa tilapia at hito grow out and hatchery, kung saan nakikipag-ugnayan na sila sa Tesda at Department of Agriculture.
Kaugnay nito sila rin ang kauna-unahang tilapia at hito breeding and production learning site na accredited naman ng Agricultural Training Institute of Department of Agriculture at siyang unang Agri-Tourism Site na aprubado ng Department of Tourism sa lungsod.
Ang nabanggit na Farm Tourist attraction ay pagmamay-ari ni Emilio N. Lavilla na tubong Kidapawan . Nagsimula ang kanyang negosyo noong 2019 at unti-unting nakikita bilang local tourist attraction. Katunayan ginawaran sila ng National Gawad Saka Aqua Culture Category noong 2018 kung kailan nagsisimula pa lamang sila.
Samantala si Lavilla ay kasalukuyang Chairman ng Kidapawan Inland Fisherfolk Association.
Hindi naman magsisisi ang mga nagbabalak na bumisita sa lugar dahil sa nabanggit na pasilidad kung saan maliban sa family bonding ay angkop din sa mga training ata iba pang aktibidad.
Para sa mga nais gumala doon ay maaring kumuha ng impormasyon sa kanilang facebook page : LA VILLA AQUA FARM o kaya tumawag or magtext sa mga contact numbers : 09163536123 at 09777811320. (CIO)
luntiankidapawan
Libreng matutunghayan ng lahat ang December Avenue na mag concert “Live!” ngayong Linggo, February 12, ng alas 6:00 ng gabi sa bagong park sa Barangay Magsaysay bilang hudyat sa pag uumpisa ng buong taong selebrasyon ng 25th Silver Charter Anniversary ng Lungsod ng Kidapawan. Tampok ng banda ang mga mala-hugot nilang bagong release na kanta tulad ng Saksi Ang Langit, Kung Di Rin Lang Ikaw, at Sa Ngalan Ng Pag-ibig na kung iyong intindihin ang mga lyrics ay tiyak mapapaibig ka.Nanawagan naman si Mayor Jose Paolo M. Evangelista sa mga mamamayan na makikiisa sa mga alituntunin upang maging matiwasay ang pag ganap ng unang araw ng selebrasyon. Sa concert ay ipagbabawal ang pagdadala ng back pack at iba pang uli ng malalaking bag, mga deadly weapon, mga alaga tulad ng aso at pusa, pagkakalat ng basura, pagdumi ng kahit saan. Kaya hinihimok niya ang lahat na sundin ang bawat ng kautosan ng pulis, TMEU, at lahat ng mga kasapi ng organizing committee upang walang maabala o maaksidente habang nagsasaya sa musikong palabas. Sa di kalayuan ay nanduon ang mga gender sensitive na mga restroom upang maiwasan ang umihi at magdumi sa tabi tabi.Bawal din magdala ng mahahabang payong dahil matulis ito at maaaring makapinsala ng ibang tao at gagamitin sa pakipagrambulan. Sa halip ay mas mabuti na magdala ng raincoat upang pananggalang sa ulan o payong na folded. Nagpaalala namang kapulisan na dapat maging mapagmatyag ang lahat laban sa mga opurtonista nag naghihintay lamang ng pagkakataong makapagnakaw at iba pang mga masasamang loob. Pansamantala ding di muna padadaanin sa bahaging ito ng highway ang mga mamalaking trak upang hindi lalong sumikip ang traffic dahil sa dami ng taong pupunta doon.May isang malaking entrance ang venue at dapat ay isaisip ng bawat papasok sa venue ang isa ring exit sa kabilang bahagi ng plaza upang duon tumakbo sakaling may emergency. Mayroon ding sariling entrance at exit para sa mga bandang mag perform pati na rin para sa mga bisita kasama ang mga city officials. Tiyak din na makapanood ng maayos ang lahat dahil may dalawang LED Wall na ilalagay para sa mga kababayang nasa malayo mula stage. Tampok din ang mga musikong tubong Kidapawan na tutugtog katulad ng mga bandang Aboriginal at Sora.
KIDAPAWAN CITY (Enero 6, 2023) – POSITIBO at naging maganda para sa business sector ng Lungsod ng Kidapawan ang naging resulta ng isinagawang Electronic Business One-Stop Shop o Electric BOSS sa City Gymnasium at Mega Market (Old Terminal) Site mula Enero 3-20, 2023 at sa ipinatupad na extension mula Enero 21-31, 2023.
Ayon kay Lope Quimco, ang Head ng Business Permits and Licensing Office o BPLO, nakapagtala ang kanilang tanggapan ng abot sa 253 issuances ng bago o new Business Permit at 3,431 renewals ng o kabuoang bilang na 3,684 Business Permit para sa Fiscal Year 2023.
Ito raw ay resulta ng pinag-ibayong pagsasagawa ng Electronic BOSS at ang paghikayat sa mga taxpayers na maagang ayusin ang kanilang mga papeles tulad ng Business Permit at iba pang kailangan dokumento para sa pagpapatakbo ng negosyo, ayon pa kay Quimco.
Masaya ding ibinahagi ni BPLO na nakapagtala sila ng abot sa 487 issuances ng Tricycle Permit sa buong panahon na ipinatupad ang Electronic BOSS.
Dagdag pa rito ay sinimulan ng BPLO ang pagtungo sa ilang mga barangay para sa pagpapatupad ng Electronic BOSS at kabilang dito ang mga barangay ng Sudapin, Lanao, Singao, Balindog, at ang mismong Poblacion (Barangay integration) kung saan doon na kinolekta ang bayad para sa Barangay Business Clearance at ang pagbibigay nito o releasing ay sa BPLO pa rin.
At upang lalo pang mapahusay ang serbisyo para sa mamamayan, simula noong Pebrero 1, 2023 idineklara na ng City Government of Kidapawan bilang isang year-round activity ang Electronic BOSS kung saan maaari ng magproseso ng Business Permit (Business tax payment, Fire Safety Inspection Certificate, at Annual Inspection Fee – Building) sa loob mismo ng tanggapan ng BPLO at hindi na kailangang magtungo pa sa iba’t-ibang tanggapan o ahensiya.
Samantala, simula sa Pebrero 23, 2023 ay isasagawa na rin ang Electronic Business One-Stop Shop sa iba pang mga barangay at itataon ito sa pagsasagawa ng Kabaranggayan Dad-an ug Proyekto ug Serbisyo o KDAPS sa fiesta o anibersaryo ng bawat barangay sa Lungsod ng Kidapawan. (CIO-jscj//if//nl)
luntiankidapawan
KIDAPAWAN CITY (Pebrero 3, 2023) – SA temang “Malinis na Kapaligiran, Gobyernong Maasahan, Disiplinadong Mamamayan” ay ipapakita ng mga mamamayan ng Kidapawan ang pagkakaisa tungo sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng lungsod sa ika-25 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Lungsod ng Kidapawan sa Pebrero 12, 2023.Ito ay sa gaganaping “LUNTIAN MARCH” na pangungunahan ng City Government of Kidapawan kasama ang iba’t-ibang nagkakaisang sektor sa lungsod. Ang mga opisyal ng Lungsod ng Kidapawan sa pangunguna ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista, kasama si City Vice-Mayor Melvin Lamata, Jr, at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Kidapawan ang mangunguna sa naturang aktibidad na katatampukan ng mga departamento ng local government unit, national agencies, academe, business, people’s organizations, OFWs associations, at iba pang grupo na magkatuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran sa lugar. Sa kanyang mensahe sa Flag raising and convocation program na ginanap ngayong araw ng Lunes, sinabi ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista na magiging tunay na espesyal ang pagdiriwang ng ika-25 Charter Day sa Pebrero 12, 2023.Ito raw ay dahil sa mga sumusunod na dahilan: nagkakaisang mamamayan upang mapanatili ang malinis ang kapaligiran, mga empleyado ng pamahalaan na maasahang tunay pagdating sa serbisyo-publiko at mga residente ng lungsod na pinaiiral ang disiplina sa lahat ng kanilang gawain. Tunay ngang kakaiba ang “Luntian March” sa kadahilanang nakapaloob dito ang Zumba March Contest 2023, isang paligsahan na may tatlong kategorya at ito ay ang Category A – minimum of 20, maximum of 40 participants (20 unrelenting); Category B – at least 50 to 100 participants (50 unrelenting); at Category C- inter-department o cluster departments ng LGU Kidapawan City – 30 and above part0cipants (30 unrelenting).Magwawagi naman ang mga grupong makakakuha ng pinakamataas na score base sa inilatag na criteria at ito ay ang Choreography – 40%, Endurance – 40%, at Visual and Aesthetics – 20%.Tatanggap ng cash prizes ang mga magwawagi bawat category at ito ay ang mga sumusunod: Category A 1st Place P35,000, 2nd Place P25,000, 3rd Place P15,000; Category B 1st Place P100,000, 2nd Place P75,000, 3rd Place P50,000, at Category C 1st Place P30,000, 2nd Place P20,000, 3rd Place P10,000.Tiyak namang magpapatalbugan ng talento at husay sa Zumba ang mga lalahok sa Zumba March 2023 at maliban rito ay maghahatid ito ng ibayong tuwas sa mga spectators at maging sa hanay ng mga lalahok sa naturang kompetisyon.Kaugnay nito, inaanyayahan ang lahat ng grupong interesadong lumahok na magtungo agad sa Culture and Arts Office na matatagpuan sa City Pavilion, likurang bahagi ng City Tourism Office at katabi ng DILG Kidapawan City Office para sa karagdagang impormasyon. (CIO-jscj//if//nl)#luntiankidapawan
KIDAPAWAN CITY (Enero 2, 2023) – Wala umanong dapat ikabahala ang mamamayan na kapag naitupi ang sanlibong polymer money ay hindi na ito pwedeng tanggapin.Fake news ang naturang umiikot isang chismis lamang. Maaari nga daw itong i-fold basta’t isang beses lamang subalit hangga’t maaari ay huwag namang i-fold o tupiin ng maraming beses, ayon sa mga taga Central Bank.Nasa Kidapawan City kasi ngayon ang mga kawani ng Bangko Sentral ng Pilipinas – Mindanao Regional Office para sa pagsasagawa ng “Know Your Money” na isang Public Information Campaign ng Central Bank.Ito ay matapos na makipag-ugnayan ang Local Economic and Investment Promotions Office ng lungsod sa pangunguna ni LEDIPO Head Stella Hernandez sa Bangko Sentral ng Pilipinas upang maisagawa ang mahalagang aktibidad.Si Thea Corrine Traya, Bank Officer II ng Bangko Sentral ang nagbigay ng lecture para sa mga stall owners ng Kidapawan City Mega Market sa Old Terminal ng Mega market na isa sa mga pangunahing target partcipants ng nabanggit na aktibidad.Ipinaliwanag ni Traya na sa kasalukuyan ay may tatlong uri ng currency o pera na umiikot sa bansa at ito ay ang new generation currency, enhanced new generation currency, at ang 1k Piso polymer o 1 thousand pesos polymer banknote.Ibinahagi niya sa mga stall owners ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng lecture at ito ay ang pagsusuri ng pera upang malaman kung ito ba ay peke para makaiwas na mabudol. Ito ay sa pamamagitan ng Feel, Look, at Tilt technique kung saan sa mismong currency malalaman kung genuine o peke ang perang ibabayad sa kanila. Ipinaliwanag din ni Traya na ang bawat denomination tulad ng 20, 50, 100, 500 at 1,000 pesos ay may kanya-kanyang security features tulad ng security paper, embossed print, water mark, security filter, asymmetric serial number, pati na security thread, concealed numerical value, OVP, at iba pang enhanced values.Natuon namam ang lecture sa paglabas ng isang libong pisong polymer money na unang ginamit sa kasagsagan ng COVID19 pandemic noong 2022 kung saan ang mga pera ay hinuhugasan o nilalagyan ng alcohol kaya’t nasisira ang mga ito. Naisip ng bangko Sentral na kapag gawa sa polymer o plastic ang pera ito ay hindi basta-basta mababasa at di agad masisira.Samantala, malaki umano ang papel na ginagampanan ng mga commercial at government banks sa pagkalat ng mga unfit o lumang pera dahil kailangan nila itong tanggapin at palitan ng bago upang mapigil ang circulation ng mga gutay-gutay nang pera matapos itong lukutin, masunog, gamitan ng staple wires, o punitin.Nilinaw naman ng BSP kahit mutilated na ang pera pero may natitira pang 60% sa itsura nito ay tatanggapin pa rin ito ng mga bangko.Sa kabuuan sinabi ng mga taga Central Bank na kailangan ingatan, bigyan ng kaukulang pag-iingat, at gamitin ng tama ang lahat ng currency ng bansa maging bills man o coins.Mananagot naman sa batas alinsunod sa itinatakda ng Presidential Decree 247 o ang Anti-Mutilation Law ang sinumang indibidwal o taong mapatutunayang naninira ng pera.Matapos naman ang mga stall owners o mga nagbebenta sa Mega Market ng Kidapawan ay susunod na bibigyan ng lecture patungkol sa “Know Your Money” ang transport sector partikular na ang mga drivers, conductors, operators ng mga pampublikong sasakyan at ang venue ay sa Kidapawan City Integrated Transport System o mas kilala bilang Kidapawan City Overland Terminal.
KIDAPAWAN CITY (Enero 30, 2023) – ISANG mahalagang araw para sa Lungsod ng Kidapawan ang Enero 30, 2023 partikular na sa kampanya laban sa sakit na COVID-19.
Ito ay dahil sa pagsasagawa ng Special Vaccination Day na laan para sa general population ng lungsod tulad ng pedia, adults, senior citizens at mga persons with comorbidity o immune-compromised individuals.
Ang Provincial Government of Cotabato sa pakikipagtulungan ng City Health Office ng Kidapawan ang nanguna sa pagpapatupad ng special vaccination day.
Layon ng aktibidad na mabigyan ng karagdagang proteksiyon laban sa COVID-19 virus ang mga mamamayan ng lungsod at mas mapalakas pa ang kanilang immunity, ayon kay Evelyn Cari, ang National Immunization Program Coordinator ng Kidapawan City,
VC… Cari
Nagtalaga ng limang vaccination sites ang City Health Office upang maging sistematiko ang vaccination at hindi na kailangan pang magtungo ang mga nasa malalayong barangay sa CHO para magpabakuna.
Naging mainit naman ang tugon ng mga residente sa mahalagang araw na ito. Sa City Health Office, maaga pa lamang ay dumagsa na ang mga gustong tumanggap ng bakuna at sumailalim sa mga hakbang o steps in vaccination.
Karamihan sa kanila ang mga adults na nagpaturok ng first at second booster shots pero meron pa ring mga ngayon lamang nakapag desisyon na magpabakuna na, ayon sa CHO.
Sa Kidapawan City Pilot Elementary School o KCPES kung saan nagpabakuna ang mga pedia o mga kabataan edad pitong taon pataas ay sinamahan ng kanilang magulang o care takers dala ang kanilang mga birth certificates, vaccination cards at iba pa dokumento bilang patunay sa kanilang edad.
Maliban sa mga mag-aaral ay marami ding guro mula sa Kidapawan City Schools Division ang nagpabakuna dahil para sa kanila sa tuwina ay exposed sila sa iba’t-ibang tao at kailangan nila ang karagdagang proteksiyon sa pamamagitan ng booster shots.
Pfizer at Sinovac ang brand ng mga bakuna na ibinigay sa mga vaccinees at sapat ang supply nito para sa mga nagpabakuna.
At bilang incentive namahagi naman ang Provincial Government of Cotabato ng P200 bawat vaccinee na ikinatuwa naman ng mga pumila sa vaccination sites
Sa report na ibinigay ng CHO, abot sa 796 ang mga nagpabakuna kahapon mula sa limang vaccination site. Sa bilang na ito ay tiyak na nadagdagan pa ang mga indibidwal na may kumpletong proteksiyon sa katawan laban sa nakamamatay na COVID-19.
Sabi pa nga ng mga batang nagpabakuna sa barangay.
Inaasahan naman na sa susunod na mga araw ay magsasagawa muli ng special vaccination ang City Health Office sa pakikipagtulungan ng Provincial Government of Cotabato upang madagdagan pa ang bilang ng mamamayan na may kumpletong proteksyon laban sa COVID-19.